Nalalapit na SONA ni PNoy, ipinrotesta ng kababaihan

Dumagsa ang daan-daang kababaihan mula sa militanteng grupong pangkababaihan na Gabriela sa Mendiola malapit sa Malakanyang upang ihayag ang diumano’y tunay na kalagayan ng kababaihan at mamamayan.

Dumagsa ang daan-daang kababaihan sa ilalim ng Gabriela sa tulay ng Mendiola upang batikusin ang isasagawang SONA ni Pangulong Aquino. Anila, lalong tumindi ang kahirapang nararanasan ng kababaihan sa administrasyon. (Macky Macaspac)

Ginanap ito limang araw bago ang ikalawang State of the Nation Address  (SONA) ni Pang. Benigno Aquino III sa Hulyo 25.

Binatikos din nila ang administrasyong Aquino sa pagdulot umano  nito ng mas malalang kahirapan at mardyinalisasyon ng kababaihang Pilipino.

Ayon sa Gabriela, sa kabila umano ng pangakong pagbabago ni Aquino sa kanyang inagurasyon at sa naunang SONA niya, naging mas masahol umano ang kalagayan ng mga kababaihan at pamilyang Pilino.

“Sa loob ng higit isang taong pagkapangulo ni Aquino, napatunayang ang ‘daang matuwid’ ni Aquino ay ‘killer highway’ naman pala sa maraming Pilipino na itinutulak sa mas malalang kahirapan at kapabayaan ng gobyerno,” ani Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng  Gabriela.

Sinabi pa ni Linaban na mula noong umupo ang kasalukuyang administrasyong Aquino,  walang habas na tumaas ang mga presyo ng mga pagkain at iba pang bilihin. Ipinakita ng grupo ang sarili nilang   monitoring  sa pagtaas ng presyo ng mga batayang pangangailangan sa loob ng bahay.

Bilihin Presyo (Hulyo 2010) Presyo (Mayo 2011)
Mantika (lapad) P20.00 P35.00
Asukal (Brown) P54.00 P60.00
Bigas (NFA premium) P28.00 P32.00
Tinapay (Pinoy Tasty) P36.00 P39.00
LPG P576.50 – P651.50 P679-P743
SONA ng kababaihan: Limang araw bago ang SONA ni Aquino,  hinatulan ng Gabriela ang unang taong termino ng administrasyong Aquino. (Macky Macaspac)
SONA ng kababaihan: Limang araw bago ang SONA ni Aquino, hinatulan ng Gabriela ang unang taong termino ng administrasyong Aquino. (Macky Macaspac)

Idinagdag pa ng grupo na tumitindi raw ang kakapusan o kaya naman ang kawalan ng akses sa batayang serbisyo tulad ng pabahay, pabahay, kalusugan at edukasyon.  Ayon sa kanilang datos, nananatiling malaki ang agwat sa bilang ng manggagawang pangkalusugan na nangangalaga sa kalusugan ng mamamayan.

“Ang ratio ay isang doktor para sa 15,000 hanggang 26,000 katao at isang midwife sa bawat tatlong barangay,”  ani Linaban.

Sa kabila ng matinding kahirapan, walang tigil na demolisyon sa  mga maralitang komunidad ang tugon daw ng gobyerno bunsod ng pagbibigay-daan sa mga  proyektong pangkaunlaran.  Maliban pa sa demolisyon, idinagdag ng grupo na matagal nang nakapako ang sahod; ang kawalan ng trabaho at kawalan ng lupa at kabuhayan.

Ayon pa kay Linaban, tumitindi rin ang mga kaso ng karahasan sa kababaihan.  Diumano, umaabot sa  14,441 kaso ng karahasan  sa kababaihan noong taong 2010, pinakamataas umano ang datos sa loob ng nakaraang sampung taon.

“Ibig sabihin, may isang babaeng nagiging biktima kada 37 minuto. Anong proteksiyon ang aasahan natin sa gobyernong mismong sa bakuran ng Malakanyang naganap ang panadaras sa isang 15 anyos na babae?” tanong ni Linaban.

Sinab pa niya na lalahok ang libu-libong kababaihan sa malawakang protesta kasabay ng ikalawang SONA ni Aquino.

“Matagal nang pinapasan ng kababaihan at kanilang pamilya ang krisis ng kahirapan. Puno na ang kababaihan, kami ngayon ay lumalaban. Kailangang managot si Aquino sa pagpapahirap niya sa mga mamamayan at pagtalikod sa interes ng sambayanan,” aniya.

Simbolikong binasag ng kababaihan ang anila'y bulok na itlog. Ayon kay Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, wala umanong maasahan sa bulok at pahirap na pangulo.  (Macky Macaspac)
Simbolikong binasag ng kababaihan ang anila'y bulok na itlog. Ayon kay Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, wala umanong maasahan sa bulok at pahirap na pangulo. (Macky Macaspac)