Kapirasong Kritika

Mi Deo Cruz


Marami, ang totoo’y napakarami, nang naisulat tungkol sa kontrobersyal at ipinasarang eksibit na “Kulô” sa Cultural Center of the Philippines, partikular sa likhang-sining na “Poleteismo” ng alagad ng sining na si Mideo Cruz. May ilan lang akong gustong idagdag o patampukin, batay sa mga nakita kong larawan/bidyo ng likhang-sining sa Internet.

Kung anumang dahila’y
hindi mahalaga,
basta’t sinasamba kita.
– Rey Valera

Marami, ang totoo’y napakarami, nang naisulat tungkol sa kontrobersyal at ipinasarang eksibit na “Kulô” sa Cultural Center of the Philippines, partikular sa likhang-sining na “Poleteismo” ng alagad ng sining na si Mideo Cruz. May ilan lang akong gustong idagdag o patampukin, batay sa mga nakita kong larawan/bidyo ng likhang-sining sa Internet.

Sabi sa Bibliya, sa isa pinaka-hindi mapagpatawad na pahayag ng Diyos Ama: “Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”

Eksperto at iskolar daw sa Bibliya ang Papa ngayon, si Joseph Ratzinger o Benedict XVI. Pero paano kaya niya ipinapaliwanag ang praktika ng buong simbahang pinamumunuan niya ng paglikha ng mga imahen ni Hesukristo at iba pang tauhan sa Bibliya, ng pagluhod at pagdarasal at minsa’y pag-aalay ng kung-anu-ano sa mga imaheng ito?

Isa ito sa maraming kakatwa sa kontrobersya hinggil sa likhang-sining ni Mideo Cruz. Sa pagturing nilang banal sa mismong imahen ni Hesukristo, at ng iba pang taong banal, isinisigaw ng mga tagapagtanggol ng Simbahang Katoliko: “Ang Diyos ko ay ang Krus!” Ang imahen, hindi ang mismong Diyos. Pwede kaya itong isalin ng “Mi Deo Cruz”?

Pero paano nga ba babasahin ang likhang-sining ni Cruz? Kahit ayaw ng mga artistang ipinapaliwanag ang likhang-sining nila, naobliga na si Cruz, bunsod ng pumutok na kontrobersya. Pero “Patay na ang Awtor!” masayang deklarasyon ng pilosopong Pranses na si Roland Barthes, sa mga dahilang malapit na kaugnay ng paghina ng hawak ng relihiyon sa mga tao. Kakatwang magagamit si Barthes ngayon, sa isang banda, ng Simbahang Katoliko.

Pero kahit walang iisang wastong pakahulugan sa isang likhang-sining, hindi rin naman pwede ang kung anu-ano na lang na pagbasa. Kailangan pa rin ang batayan sa mismong likhang-sining. Minsang nasabi ni Fredric Jameson, teoristang pangkultura, na mas gusto na niya ang “malakas na maling pagbasa (strong misreadings)” sa mga likhang-sining kaysa sa mga mahina at mabuway. Kung kaya mong palabasing tungkol ang pelikulang Moulin Rouge sa pagkamatay ng sosyalismo, gawin mo, basta’t kaya mong patunayan. Pero kung sabit, huwag na lang.

Sa kaso ng likhang-sining ni Cruz, nahahangganan ang pagbibigay-pakahulugan dito ng kabuuan nito at lalo na ng titulo nito. Dahil naglipana ang mga larawan ni Hesukristo at ang titulo ay “Poleteismo,” lumilitaw na ang pinoproblema ng likhang-sining ay ang katayuan ng pananampalataya ng mga tao sa Kanya. Ipinapakita ng tambalan ng mga larawan ni Hesukristo at ng iba pang “idolo” ang pagpapantay ng dalawang panig bilang parehong Diyos. Inilalarawan nito ang “politeismo” kung saan isang elemento lamang ang Diyos ng relihiyong monoteistiko.

May elemento ng uri sa likhang-sining ni Cruz. Una, siya na mismo ang nagsabi, nadulas siguro: “Hindi mo ba nakikita ang katulad na mga imahen sa mga pader ng mga bahay sa mga komunidad ng maralitang lungsod?” At ang mga tampok na imahen, bukod kay Hesukristo, ay ng mga taong ipinagpapalagay na idolo ng masa: Manny Pacquiao, Fernando Poe, Jr., Imelda Marcos at iba pa. Wala naman masyadong idolo ng mga nasa panggitna o nakatataas na uri.

Ikalawa, ang pinaglunsaran ng likhang-sining ay mga lunan ng panggitna at nakatataas na uri: CCP Main Gallery nitong huli, Loyola School of Theology sa Ateneo de Manila University, at Vargas Museum sa University of the Philippines. Hindi lang ako sigurado sa katangian ng Kulay Diwa sa Parañaque City.

Sa mga espasyong ito, maaaring nililikha o ginagatungan ng likhang-sining ni Cruz ang pagkabagabag sa pananampalataya at pagiging relihiyoso ng masa ng panggitna at nakatataas na mga uri. O maging ng mga taong-simbahan. Mababanaag ang ganitong pagkabagabag sa pahayag minsan, halimbawa, ni Cardinal Gaudencio Rosales kaugnay ng debosyon sa Itim na Nazareno: “Ang ilan sa nakita natin ngayong araw ay kalabisan ng pagpapakita ng pananampalataya. Maraming karumihan, panira sa pagkapuro (impurities) na kailangang linisin,” aniya.

Mula sa relihiyosong pagbasa, may-batayang sabihing tuligsa ang likhang-sining sa tipo ng pananampalataya at pagiging relihiyoso kung saan nagbabangga ang sinasabi sa ginagawa. Politeismo vs. monoteismo, “aktwal na umiiral na Katolisismo” vs. “dapat na Katolisismo.” Sa pagpapahaging ng pagiging ipokrito ng mga nananampalataya, kahanay ng likhang-sining ng kantang “Banal na Aso, Santong Kabayo” ng bandang Yano na naging kontrobersyal din noon.

Ang tunay na eskandalo ng “Poleteismo,” kung tutuusin, ay may-batayang basahing maka-relihiyon: Bakit maraming sinasamba at sinasampalatayaan ang masa labas kay Hesukristo? Pero naging mas malaki ang eskandalong dulot ng pag-akusa ritong kontra-relihiyon. At naroon ang pinakamalaking eskandalo: na ang likhang sining na may posibleng maka-relihiyong komentaryo ay tinuligsa ng mga relihiyoso na kontra-relihiyon. Sarado ang paningin, makitid ang isip.

Sa kabilang banda, pwede rin itong ituring na pagsisiwalat sa pananampalataya at pagiging relihiyoso ng masa sa katulad, halimbawa, ng librong Pasyon and Revolution ni Reynaldo Ileto. Mababanaag ang kaibahan sa mga inimbestigahan ni Ileto at ni Cruz: kung nakabatay ang nauna sa kakaiba o pariwarang pakahulugan sa Bibliya, nakabatay ang kalakhan ng ikalawa sa kulturang popular at pulitika na parehong pinalaganap at pinag-ambagan ng modernong masmidya. Interesante ang pagsiyasat sa ugnayan ng dalawa na nasa magkaibang yugto ng kasaysayan.

Anu’t anuman, bilang depiksyon ng pananampalataya at pagiging relihoyoso ng masa, hindi masasabing kontra-relihiyon ang likhang-sining ni Cruz. Hindi ang likhang-sining ang kontra-relihiyon, kundi ang inilalarawang reyalidad. “Huwag barilin ang mensahero,” ang kagyat na sumasagi sa isip.

Sa ganitong konteksto dapat basahin ang pinaka-kontrobersyal na imahen sa likhang-sining ni Cruz: ang larawan ni Hesukristo na may ashtray na ari ng lalake – huwag na tayong mahiya, sabihin nating titi – na nagsisilbing ilong, nakatapal sa mukha.

Si Cruz mismo ay nahulog sa bitag ng kalaban, ng mga tumutuligsa, at binigyang-pakahulugan ang imahen nang hiwalay sa konteksto nito: “Simboliko ito ng patriyarkiya, simbolo ng kapangyarihan,” aniya. Pero malaya na sa kanya ang likhang-sining at bukas na ito sa pagbasa, sa pagbibigay-interpretasyon ng madla, nang kaiba sa kanya.

Sa konteksto ng inilalarawang politeismo, talaga namang nawawala sa dapat na pagpapahalaga maging ang sinasabing imahen ng Diyos. Hindi lang ito ipinapantay sa iba pang “idolo” kundi itinatabi sa mga bagay na pariwara o bangga sa sinasabing kabanalan nito. Ang ginawa lang ng alagad ng sining ay matalas na ilarawan ang ganito.

Pwede ba itong sabihing tuligsa kay Hesukristo mismo? Posible lang kung aalisin ang imahen sa napakalinaw na konteksto nito. Sa ganyang pagbasa, hindi na pag-unawa ang layunin, wala na sa larangan ng panunuri ng sining, kundi ng pulitikang napakakitid.

Ang problema ni Cruz, ang artista at hindi ang arsobispo, naghahanap ang Simbahang Katoliko ng pambangon ng dangal nitong dinungisan ng napakaraming eskandalo – tampok, para sa marami, ng pagkunsinti sa napakatagal at napakabulok na paghahari ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Dahil dito, nahubog ng pulitika, sa napakasamang pakahulugan nito, ang pagbasa sa likhang-sining na “Poleteismo.” At ang pangunahing paraan ng pagbasa ay ang makitid na pagpokus sa isang bahagi ng nito: ang Hesukristong may titi bilang ilong. Kontra-sining, walang pang-unawa ang ganito.

Ang problema pa ni Cruz, nakipagsabwatan sa pagsensura ang rehimeng Aquino na gustong magpabango sa Simbahang Katoliko matapos kaladkarin sa lusak ang huli at dumihan ang puting-puting sutana nito gamit ang iba’t ibang eskandalo ng katiwalian. Oportunistang pamumulitika ang ganito.

13 Agosto 2011