Pambansang kilos protesta vs overpricing sa langis ikinasa


Pag-aalabin ng militanteng mga grupo ang paglaban sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis. Inanunsiyo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Anakpawis  Party-list  ang isang protestang bayan sa Agosto 31. Ang protesta’y pagkondena ng progresibong mga grupo sa overpricing […]

Ilulunsad ng iba't ibang grupo ang pambansang kilos-protesta na tinaguriang "Araw ng Paglaban sa Sabwatan ng Kartel sa Langis at Pamahalaan" sa Agosto 31. Nasa Larawan sina George San Mateo ng Piston, elmer Labog ng KMU at Arnold Padilla ng Bayan. (Macky Macaspac)

Pag-aalabin ng militanteng mga grupo ang paglaban sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis.

Inanunsiyo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Anakpawis  Party-list  ang isang protestang bayan sa Agosto 31.

Ang protesta’y pagkondena ng progresibong mga grupo sa overpricing sa mga produktong petrolyo at sa anila’y pakikipagsabwatan ng gobyernong Aquino sa kartel ng langis.

Tinaguriang ‘Araw ng Paglaban sa Sabwatan ng Kartel at Pamahalaan’,  katatampukan ito ng mga martsa, pagtitipon at noise barrage sa iba’t ibang panig ng Metro Manila, gayundin sa ibang lalawigan at probinsiya tulad sa Isabela, Cagayan, Baguio City, Laguna, Iloilo Bacolod,  Dumaguete, Cagayan de Oro, Butuan, General Santos at iba pa.

Isa namang regionwide transport strike ang ilulunsad ng Concerned Operators and Drivers for Reforms (Condor-Piston) sa anim na probinsiya ng Bikol. Inilinaw ng grupo na hindi transport strike ang protesta at sa Bikol lamang ito magaganap.

Panawagan pa rin ng mga progresibong grupo ang pagbabasura sa oil deregualtion law na sanhi umano sa walang habas na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. (Macky Macaspac)

Ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, patikim lamang ito sa mas malaking kilos-protesta sa susunod na mga linggo.  “Makakahikayat (ito) sa paglahok ng mas maraming manggagawa, maralita at mga manggagawa sa sektor transportasyon,” aniya.

Ayon kay Labog, ang protesta ay bunsod na rin sa patuloy na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo, gayundin ang anila’y pakikipagsabwatan ng gobyerno sa kartel ng langis.

“Laging sinasabi ng Petron, Shell, Caltex gayundin ang gobyerno ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III. Sinusundan lang nila ang paggalaw ng presyo sa pandaigdigang pamilihan.  Huwag tayong maniniwala sa panggagantso nila sa atin,” ani Labog.

Sinabi pa ng lider-manggagawa na ang nagtatakda sa presyuhan ng langis ay ang monopolyo ng langis sa pandaigdigang merkado na nagdudulot sa paglobo ng presyo ng mga produktong petrolyo. “Sila rin ang nagtatakda ng presyo ng langis sa bansa, kaya nagagawa nilang mag-overpricing,” aniya.

Iginiit niyang mayroong umanong P9 overpricing sa mga produktong petrolyo batay na rin sa kanilang sariling kuwenta.

Inakusahan rin ng KMU na may nagaganap na sabwatan sa pagitan ng kartel at gobyerno. “Matagal na itong idinadaing ng iba’t ibang grupo, pero walang kibo si Noynoy,” sabi ni Labog.

Matagal nang tumanggi ang pangulo na ibasura ang Oil Deregulation Law at alisin ang mga produktong petrolyo sa Expanded Value Added Tax (EVAT), na nagiging sanhi sa pagtaas ng presyo.  “Lumalaki rin kasi ang koleksiyon sa 12% EVAT sa paglobo ng presyo ng langis,” ani Labog.

Pahayag naman ni George San Mateo, pangkalahatang kalihim ng Piston, na ang magaganap na kilos protesta sa Agosto 31 ay panimula sa mas malaking protesta na katatampukan ng isang unified transport strike ng iba’t ibang grupo ng transportasyon sa hinaharap.