Video: Welga ng estudyante, guro, kawani ng SUCs kontra budget cut


Mataas ang diwa ng pakikibaka ng mga estudyanteng lumahok sa martsa patungong Mendiola, Manila noong Setyembre 23, 2011. Matarungan daw kasi ang kahilingan nila: ang itulak ang gobyerno na patuloy na suportahan ang edukasyon at serbisyong panlipunan.

Martsa patungong Mendiola, Manila. (KR Guda)
Martsa patungong Mendiola, Manila. (KR Guda)

Aabot sa 10,000 estudyante, guro, kawani at administrator mula sa state universities and colleges (SUCs) ang lumahok sa pambansang welga kontra sa pagkakait diumano ng gobyernong Aquino ng sapat na badyet para sa pangkolehiyong edukasyon.

Ayon kay Florencio Abad, sekretaryo sa Department of Budget and Management ng administrasyong Aquino, hindi naman binawasan ang badyet ng SUCs kundi dinagdagan pa nga. Ngunit iginiit ng mga grupong pangkabataan na kulang na kulang pa rin ito sa hinihinging P45.8-Bilyon na kailangan ng SUCs para maipagpatuloy ang kahit papano’y abot-kayang edukasyong pangkolehiyo.

Sinabi ni Vencer Crisostomo, pangkalahatang kalihim ng Kabataan Party-list, na ipagpapatuloy nila ang paghimok sa mga estudyante, guro, kawani at administrador, para sumuporta sa kampanya.