Magniniyog: bawiin ang coco levy fund
Inspirado ng legal na tagumpay ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita, nagdaos ng Koprahang Bayan sa SMC ang mga magniniyog mula sa Lalawigan ng Quezon para bawiin ang P200-Bilyong coconut levy fund mula sa kontrol ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr., tiyuhin ni Pangulong Aquino. Ayon kay Isidro Frisco, tagapangulo ng Pinag-isang Lakas ng Magbubukid sa […]

Inspirado ng legal na tagumpay ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita, nagdaos ng Koprahang Bayan sa SMC ang mga magniniyog mula sa Lalawigan ng Quezon para bawiin ang P200-Bilyong coconut levy fund mula sa kontrol ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr., tiyuhin ni Pangulong Aquino.
Ayon kay Isidro Frisco, tagapangulo ng Pinag-isang Lakas ng Magbubukid sa Quezon o Piglas-Quezon, sinisimbolo ng “Koprahan” ang iskematikong proseso kung paano inagaw mula sa mga maliliit na magniniyog ang pondo papunta sa kamay ni Cojuangco.
“Ang coco levy funds ay mula sa pawis at paggawa ng mga magniniyog, mula sa pagkokopra para lamang mapunta kay Danding at sa San Miguel Corporation (SMC),” ayon kay Frisco.
Sinabi naman ni Willy Marbella, deputy secretary general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), pinalalakas ng mga magniniyog mula sa Quezon at iba pang rehiyon ang kanilang pakikibaka para bawiin ang naturang pondo.
“Inspirado ang maliliit na magniniyog sa legal na tagumpay ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita. Palalakasin namin ang aming laban para bawiin ang coco levy fund mula sa tiyuhin ng Pangulo,” ani Marbella.
Ipinakikita umano ng mga rekord sa korte na ang kita sa buwis sa kopra ng mga magsasaka na dineposito sa United Coconut Planters Bank (UCPB), ay ginamit para bumili ng stocks sa SMC noong 1983. Nagkakahalagang P2 bilyon noong, tinatayang nasa halos P200 bilyon na ito sa kasalukuyan.
Nauna rito ay nagsampa na ng mosyon sa Ombudsman ang Piglas-Quezon at KMP para utusan si Cojuangco na magsampa ng kontra-affidavit sa kasong pandarambong na isinampa nila noong 2003.
Naniniwala ang KMP na ang coconut levy funds ay puwersahang inagaw mula sa maliliit na magniniyog noong panahon ng batas militar.
“Ang pondo ng mga magniniyog ay dinambong ng tambalang Marcos-Cojuangco sa panahon ng batas military. Pag-aari ito ng mga magniniyog. Ang pagbawi dito ay pagsauli sa tunay nitong may-ari ay matagal nang dapat na ginawa,” sabi pa ni Marbella.