Magsasaka

Mga magniniyog, muling nanawagang ibalik sa kanila ang coco levy fund


Lumusob sa Mendiola kahapon ang mga magniniyog na galing pa sa probinsiya ng Quezon para irehistro ang kanilang pagkadismaya sa pagmamaniobra daw ng administrasyong Aquino sa coco levy fund. Ayon sa Coco Levy Funds Ibalik sa Amin (Claims), tutol sila sa planong ilagay sa pribado at investment ang pondong aabot sa P72 Bilyon, batay na […]

Iginigiit ng mga magniniyog nanagprotesta sa paanan ng Tulay ng Mendiola na  ibalik sa kanila ang kontrobersiyal na coconut levy fund.  Macky Macaspac
Iginigiit ng mga magniniyog na nagprotesta sa paanan ng Tulay ng Mendiola na ibalik sa kanila ang kontrobersiyal na coconut levy fund. Macky Macaspac

Lumusob sa Mendiola kahapon ang mga magniniyog na galing pa sa probinsiya ng Quezon para irehistro ang kanilang pagkadismaya sa pagmamaniobra daw ng administrasyong Aquino sa coco levy fund.

Ayon sa Coco Levy Funds Ibalik sa Amin (Claims), tutol sila sa planong ilagay sa pribado at investment ang pondong aabot sa P72 Bilyon, batay na rin sa nilalaman ng executive order ni Pangulong Aquino.

Sabi ni Nestor Villanueva, tagapagsalita ng Claims, hindi naman silang magniniyog ang makikinabang sa ipinapanukala ni Aquino, maging ang mga panukalang batas sa Kamara at Senado, kundi mga negosyante.

“Ang dapat na magbenipesyo sa coco levy fund ay mga magsasaka at hindi ang pribadong sektor at mga negosyante na takaw na takaw na makibahagi sa pondo,” ani Villanueva.

Sabi naman ni Anakpawis Rep. Fernando Hicap na sa kasalukuyan, may iba-ibang panukalang batas na nakasalang sa Senado at Kamara pero iisa daw ang pinapatunguhan ng mga ito–ang pag-etsa-puwera sa mga magsasaka.

“Delikadong maideklara ang escrowed P72-B coco levy fund na public trust fund, dahil maaring mapunta ito sa pondong General Appropriations Act o Disbursement Acceleration Program ng gobyerno,” ani Hicap.

Naaalarma ang mambabatas na mauuwi sa korapsiyon ang pondo sa oras na matupad ang ipinapanukala ni Aquino at ng ilang mambabatas.

Ilan sa mga panukala ng gobyernong Aquino ang:

1.Pagsasapribado o pagbebenta ng coco levy funds at mga ari-ariang nagmula sa pondo;

2. Pagbubuo ng Coconut Farmers and Industry Development Plan;

3. Pagbubuo ng council o komite na direktang pangangasiwaan ng Office of the President, at, pagbubuo ng trust fund.

Ang ikinababahala ni Hicap, walang magsasaka ang direktang mangangasiwa sa mga ito. “Halimbawa sa plano nilang bubuing komite, si Aquino ang mangangasiwa at siya rin ang pipili sa uupong representative ng mga magsasaka batay sa rekomendasyon ng Philippine Coconut Authority at ng iba pang ahensiya ng gobyerno,” aniya.

Dagdag ni Hicap, wala daw kaseguruhan na tunay na magsasaka ang mapipili ni Aquino.

Simbolikong binalatan ng mga nagpoprotesta ang mga niyog na ginuhitan ng mukha ni Pangulong Aquino.   Macky Macaspac
Simbolikong binalatan ng mga nagpoprotesta ang mga niyog na ginuhitan ng mukha ni Pangulong Aquino. Macky Macaspac

Binalaan naman ni Villanueva si Pangulong Aquino na huwag na niyang pakialaman ang coco levy fund. “Kung plano niyang gamitin ito sa darating na eleksiyon hindi kami papayag,” aniya.

May hiwalay na panukalang batas ang grupong Anakpawis para sa paggamit ng pondo na direktang pakikinabangan ng mga magsasaka. Ayon sa grupo, sa HB 1327, ilalaan ang pondo para sa serbisyo sa mga magniniyog tulad ng medikal at dagdag kabuhayan, kasama na din ang pagpapaunlad sa pagtatanim ng niyog. Mga magniniyog din ang mangangasiwa ng pondo.

“Sila naman ang tunay na may-ari ng pondo kaya dapat lang na maibalik sa kanila ang coco levy fund,” sabi ni Hicap.