Wanted: Gen. Jovito Palparan

December 19, 2011

Jovito Palparan. (Boy Bagwis/PW File Photo)

Jovito Palparan. (Boy Bagwis/PW File Photo)

Nanawagan sa publiko ang mga grupong pangkarapatang pantao na kung may nakakaalam sa kinaroroonan ngayon ni retiradong Hen. Jovito Palparan Jr. ay agarang iulat sa kanila ito o sa Department of Justice.

Sinabi nina Concepcion Empeno at Erlinda Cadapan, mga ina ng nawawalang mga estudyante ng UP na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan, na isang malaking hakbang para sa hustisya sa sinapit ng kanilang mga anak kung maaaresto si Palparan.

Pinaghahanap na rin ng DOJ si Palparan, matapos maglabas ang korte sa Malolos, Bulacan ng warrant of arrest sa tinaguriang “berdugo” ng mga aktibistang pinaslang, dinukot at sinaktan sa maraming probinsiya sa bansa, laluna noong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Naunang nabalita ang pagtangkang mangibang-bansa ni Palparan umaga ng Disyembre 19, sa pandaigdigang paliparan sa Clark Airbase, Pampanga. Pinuwersa siyang pababain ng Bureau of Immigrations matapos iutos ito ng DOJ, bago naglabas ang korte ng mandamyento.

The reported attempt of Palparan to sneak out of the country is the most manifest sign of flight from justice. Flight is an indication of guilt,” pahayag ni Edre Olalia, abogado ng mga kaanak ng mga estudyante ng UP na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan na sinasabing dinukot ng militar sa pangunguna ni Palparan noong 2006.

Naglabas ng mandamyento ang korte matapos ilabas ng DOJ ang 30-pahinang resolusyon na nagsasabing nakita ng nag-imbestigang panel na may dahilang sampahan (probable cause) ng kasong kidnapping at serious illegal detention sina Palparan, Lt. Col. Felipe Anotado, Master Sgt. Rizal Hilario at Staff Sgt. Edgardo Osorio.

Binigyang bigat ng prosekusyon ang mga  testimonya ng mga saksing sina Raymond Manalo at Oscar Leuterio, na nakakita sa dalawang estudyante habang  na nasa kustodiya ng mga militar.  Ang dalawang saksi ay pawang biktima rin ng pagdukot at ilegal na detensiyon, at nakulong sa parehong kampo kung saan nakulong ang dalawang estudyante.

The complainants’ witnesses were able to establish that Sherlyn and Karen, both female, were kidnapped on June 26, 2006, and were last seen by Manalo detained up to around June 2007, a period of one year. The armed men who took Sherlyn and Karen did not pretend they were making an arrest. They simply took the two women,” bahagi ng resolusyon ng DOJ.

Sinabi naman ni Erlinda Cadapan, ina ni Sherlyn, na ipinapakita ng resolusyon ng DOJ na tama ang matagal na nilang sinasabi na maysala si Palparan at ang mga kasamahan niya.”Bagama’t  may bahid ng kasiyahan (ako) sa desisyon, malulubos ito kung makita kong nakakulong ang mga nasasangkot sa kaso. Dapat na mabulok sa bilangguan si Palparan at kanyang mga tauhan,” aniya.

Ipinanawagan naman ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan na agarang magpalabas ng hold departure order ang DOJ laban kay Palparan at iba pang akusado. Kasabay nito,  hinamon ng grupo si Chief Justice Renato Corona at ang buong Korte Suprema na huwag harangin ang anumang hakbang laban sa mga akusado.

Simula ng naantalang hustisya

Sa panig naman ng mga abogado ng mga biktima, sinabi ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) na sa loob ng halos anim na taon ng kaso, malilitis na rin sa korte si Palparan at iba pang mga akusadong militar.

Holding Palparan for trial is long overdue amidst the several crimes he perpetrated against activists and those who espouse dissent amidst injustice,” ani Olalia, na siya ring pangkalahatang kalihim ng NUPL.

Sinabi ni Olalia na simula pa lamang ang pagsampa ng kaso kay Palparan nang mahaba at masalimuot na prosesong legal para sa pagpapanagot sa dating heneral na tinaguriang “berdugo” sa mga krimen niya sa mga mamamayan.

“Nasagot na din ang ilang taon naming paghihintay, kahit paano nakahinga kami dahil gumugulong na ang hustisya,” sabi naman ni Concepcion Empeno, ina ni Karen.  Ngunit sa kabila ng paborableng desisyon, sinabi ni Concepcion na hindi pa rin nila makakasama sa Pasko si Karen.

“Nawawala pa rin si Karen. Dapat na silang ilitaw,” aniya.

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+196
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2011/12/news-palparan-arestuhin-na/
Instagram0
Follow by Email
RSS