Pambansang Isyu

Pagtalikod sa serbisyong panlipunan, tulak ng ‘bulok na sistema’


Sa ipinasang panukalang badyet para sa 2012 ng Kongreso, muling dehado ang serbisyong panlipunan. Nagprotesta ang iba’t ibang sektor na apektado. Nangako ang kabataan: Bilang protesta – sa badyet at sa “naghaharing sistema” – ookupahin nila ang Mendiola.

BISPERAS NG KAMPUHAN? Martsa ng iba't ibang sektor na kumukondena sa pambansang badyet ng administrasyong Aquino para sa 2012. (Darius R. Galang)
BISPERAS NG KAMPUHAN? Martsa ng iba't ibang sektor na kumukondena sa pambansang badyet ng administrasyong Aquino para sa 2012. (Darius R. Galang)

“Nakahanda ba kayo na okupahin ang Mendiola?”

Ito ang tanong ni Vencer Crisostomo, tagapagsalita ng Kilos Na, sa mga nagsipunta sa Mendiola noong Nob. 29 para tuligsahin ang “railroading” ng Senado sa pambansang badyet sa taong 2012. Aniya, ang badyet na ito’y “anti-mamamayan” at malayo bilang maging isang “reform budget.”

Mga estudyante ng state universities and colleges na nagprotesta kontra sa budget cuts. Nangako silang babalik sa Disyembre 6 para "okupahin" ang Mendiola. (Darius R. Galang)
Mga estudyante ng state universities and colleges na nagprotesta kontra sa budget cuts. Nangako silang babalik sa Disyembre 6 para "okupahin" ang Mendiola. (Darius R. Galang)

Nagsagawa ng mga pambansang protesta sa state universities and colleges nitong nakaraang mga buwan, at patuloy ang panawagan ng “rechanneling” ng pondo ng gobyerno patungo sa mga SUC at sa mga serbisyong panlipunan. Noong Nob. 29, nakiisa sila sa iba pang mga sektor na lubhang apektado ng kaltas sa badyet ng gobyerno sa serbisyong panlipunan: mga kawani ng gobyerno, kababaihan, migrante, manggagawa, manggagawang pangkalusugan, maralitang lungsod, at marami pang iba.

Kabilang sa mga nakilahok sa protesta ang Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), Gabriela, Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), Health Alliance for Democracy, Alliance of Concerned Teachers, Migrante International, Kilusang Mayo Uno, at marami pang iba.

Nais nilang malakas na irehistro ang protesta sa badyet ni Pangulong Aquino. Sa kabila ng pagkakapirma rito ng Kongreso, paiigtingin umano ng kabataan ang kanilang pagkondena rito, gayundin sa sistemang panlipunan na nagtutulak umano sa gobyerno na di-iprayoritisa ang serbisyong panlipunan at sa halip ay gawing negosyo ito.

Makikita ito, ani Crisostomo, sa badyet na ipinasa sa Kongreso: P21.8-Bilyon ang ilalaan para sa 110 SUCs. Malayo ito sa P45-B na hiling ng mga paaralan, at mas maliit pa sa inilaang P22.03-B ng kasalukuyang taon.

Sa bilang ng Kilos Na, may 50 paaralan na mababawasan ng kabuuang P500-Milyon. Aabot naman sa 45 ang magkakaroon ng pagtabas ng P250-M sa kanilang Maintenance, Operations and Other Expenditures, habang 58 ang mababawasan ng P400-M sa kanilang Personal Services. Wala pa ring capital outlay tulad noong nakaraang taon.

Matindi ang epekto ng pagkaltas sa badyet pangkalusugan sa mga pampublikong ospital at iba pang institusyong pangkalusugan ng gobyerno, ayon sa Coalition for Health Budget Increase. (Darius R. Galang)
Matindi ang epekto ng pagkaltas sa badyet pangkalusugan sa mga pampublikong ospital at iba pang institusyong pangkalusugan ng gobyerno, ayon sa Coalition for Health Budget Increase. (Darius R. Galang)

Tinuligsa rin ang badyet na ito ng mga manggagawang pangkalusugan, na nagsabing labis na maaapektuhan hindi lamang ang mga manggagawang pangkalusugan, kundi ang mismong serbisyong pangkalusugan sa bansa.

Nasa Mendiola, kasama ng kabataan, ang mga maralitang lungsod, na kumukundena sa “kakarampot” na P7-B pondo para sa pabahay. Ayon pa sa Kadamay, mayorya sa pondong ito ay nagagamit, hindi sa pagpapatayo ng disente at murang pabahay para sa maralita, kundi para sa demolisyon. Tulad na lamang ng demolisyon ng mga bahay sa BIR Road, isang araw bago ang protesta.

“Ang kasalukuyang nangyayari ay kinokontrata ang pribadong sektor ng gobyerno upang magsagawa ng tinawag pang low-cost housing. Pero pagbabayarin rin ang mga titira dito na relocatees na tinangalan ng mga bahay. Paano sila makapagbabayad nito kung wala ring pagkukunan ng hanapbuhay sa pinagtapunan sa kanila,” paliwanag ni Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Sa mga pagkaltas na ito, nakikiisa ang kabataan. “Nadidismaya kami (na tila) determinado ang administrasyong Aquino na talikuran ang karapatan at kapakinabangan ng mga mamamayan. Sinusunod pa nito ang kanyang imperyalistang amo sa paglagay ng kaban ng bayan sa pribatisasyon, sa militar at pambayad-utang,” ani Mai Uichangco, tagapagsalita ng League of Filipino Students.

Determinado umano ang mga organisasyon ng kabataan, ani Crisostomo, na “okupahin” ang paanan ng Malakanyang sa Mendiola, mula Disyembre 6, kahit umabot ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao sa Disyembre 10. Ang isyu: Hindi na lamang ang sektoral na hinaing ng kabataan, atbp., kundi ang pangkalahatan umanong disgusto sa bulok na sistema sa pulitika at ekonomiya na nasa likod ng pagtalikod na ito ng gobyerno sa serbisyong panlipunan.

“Babalik tayo rito sa Disyembre 6,” sabi ni Crisostomo, sa galak ng mga kausap na mga nagpoprotestang kabataan.

“Kaya ihanda na ang inyong tent, mga sleeping bag, at isama ang inyong mga kaibigan upang ipakita na sawang-sawa na tayo sa bulok na naghaharing sistema na pumapabor lamang sa iilan.”