Pambansang Isyu

Bagong estratehiyang pandepensa ng US, nakapokus sa Asya, PH


Pinaiigting ng gobyerno ng US ang presensiyang militar nito sa rehiyon ng Asya Pasipiko, kabilang ang Pilipinas. Malinaw na labag ito sa soberanya ng bansa. Pero patuloy naman ang paborableng pagtanggap ng administrasyong Aquino sa presensiyang militar ng US sa bansa

Legacy ng pangangayupapa? Si Pangulong Aquino at si US Sen. John McCain, sa harap ng portrait ng mga dating presidente ng bansa. (Gil Nartea/ Malacanang Photo Bureau)
Legacy ng pangangayupapa? Si Pangulong Aquino at si US Sen. John McCain, sa harap ng portrait ng mga dating presidente ng bansa. (Gil Nartea/ Malacanang Photo Bureau)

Unti-unti nang isinasagawa ng gobyerno ng Estados Unidos ang kanilang bagong estratehiyang pandepensa, na nakapokus sa rehiyon ng Asya Pasipiko at may malaking implikasyon sa bansa.

Pangontra sa lumalakas na kapangyarihang pang-ekonomiya at pampulitika ng Tsina ang dahilan ng gobyernong US para palakasin din ang presensiyang militar sa Asya Pasipiko, ayon sa ulat ni Craig Whitlock ng Washington Post nitong Enero 26.

Sa naturang artikulo, inamin ng gobyernong US at Pilipinas na nagnenegosasyon na ang dalawang panig hinggil sa pag-igting ng mga ehersisyong militar ng dalawang gobyerno.

Lumabas ang ulat nito isang linggo matapos bumisita sa Malakanyang ang apat na senador ng US na pinangunahan nina John McCain at Joseph Lieberman, mga miyembro ng Senate Armed Forces Committee.

Inamin ni McCain na pinag-usapan nila ni Pang. Benigno Aquino III ang tungkol sa sigalot ng Pilipinas at Tsina hinggil sa Spratly Islands. Minaliit man niya ang posibilidad ng direktang komprontasyong militar sa Tsina, idiniin niya na handa ang US na suportahan ang anumang hakbang ng gobyerno ng Pilipinas para higit pang depensahan ang Spratlys.

“We think it’s important for us…to emphasize that we will do whatever we need to do in order to protect the principle of freedom of navigation particularly in the West Philippine Sea,” ani McCain. Mapapansin na ginamit ni McCain ang terminong “West Philippine Sea,” sa halip na “South China Sea.”

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), isa si McCain sa mga nagtutulak ng interbensiyon ng US sa usapin ng Spratlys, at na ang kanilang pagbisita ay indikasyon na lalakas pa ang presensiyang militar ng US sa bansa at sa buong rehiyon.

Nakumpirma ng ulat ng Washington Post ang hinala ng militanteng mga grupo sa posibleng pag-igting ng presensiyang militar ng US sa bansa, matapos bumisita ang dalawang senador ng US at ni US Secretary of State Hillary Clinton noong 2011.

“Sa paglatag ng bagong estratehiyang pandepensa ng US, at sa palaasa at palasunod na polisiyang panlabas ng Pilipinas na minana mula sa rehimeng Arroyo, darami ang tropang US sa ating bansa, na siyang paglabag sa ating pambansang soberanya,” paliwanag ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

“Hindi tayo dapat pumayag na maging military outpost ng US ang bansa para sa hegemonic na interes ng huli,” ani Reyes.

Barkong pandigma ng US na dumaong sa Subic, Zambales noong 2010. (KR Guda / PW File Photo)
Barkong pandigma ng US na dumaong sa Subic, Zambales noong 2010. (KR Guda / PW File Photo)

Pagmamantine sa kapangyarihan sa daigdig

Malinaw mula sa polisiyang inilalatag ng administrasyong Obama na layon ng gobyernong US na paigtingin ang presensiyang militar nito sa Asya Pasipiko.

Sa binalangkas ng gobyernong US na estratehiyang pandepensa, na isinapubliko ni US Pres. Barack Obama noong Enero 3 at pinamagatang Sustaining US Global Leadership, Priorities for 21st Century Defense, ililipat ng US ang pokus nito sa Asya Pasipiko: “While the U.S. military will continue to contribute to security globally, we will of necessity rebalance toward the Asia-Pacific region.

Tinukoy ng gobyernong US na may malaking implikasyon sa seguridad at ekonomiya ng Estados Unidos ang pag-angat ng Tsina bilang superpower, na banta sa sariling kapangyarihan ng US sa rehiyon. Ayon sa plano, may pangangailangan na mamantine ang “free flow of commerce” at “US influence,” o malayang pagnenegosyo at impluwensiya ng US sa rehiyon. At nakadepende ang malayang akses ng US sa Asya Pasipiko sakapabilidad at presensiyang militar nito sa rehiyon.

Tinukoy sa plano ang pagpapaigiting ng US sa kooperasyon nito sa gobyerno ng India para sa seguridad umano ng bahagi ng rehiyon na sakop ng Indian Ocean. Gayundin, sa pamamagitan ng tulong ng mga kaalyadong gobyerno, nais ng US na imantine ang “kapayapaan”—o sa madaling salita, ang kanilang kontrol—sa Korean Peninsula.

Bago bumisita sa Pilipinas, nagtungo rin ang mga senador sa Vietnam at Burma. Inilatag nila ang mga rekisitos para maalis ang umiiral na arms embargo ng US sa Vietnam. Inanunsiyo ni Lieberman na may mahabang listahan ang gobyerno ng Vietnam ng mga armas na nais nitong bilhin mula sa gobyernong US.

Ipinangako naman ni McCain sa gobyerno ng Burma na maaalis ang economic sanctions na ipinataw ng US dito kung magiging “malinis” ang halalan nito sa Marso. Tinitingnan ito bilang dagdag na presyur sa Burma para bawasan ang ugnayang pampulitika at pangmilitar sa Tsina.

Para kontrolin ang Asya Pasipiko, mahalaga para sa US ang malakas na presensiyang militar sa rehiyon, lalo na sa mga bansang alyado gaya ng Pilipinas. “Batay sa bagong estratehiya, mukhang mananatili rito ang mga tropang Kano,” ani Reyes ng Bayan.

Paulit-ulit na itinatanggi ng gobyerno ng Pilipinas at US na mayroon, o magkakaroon, ng permanenteng mga baseng militar ng US sa bansa. Ito rin ang tiniyak ni McCain noong nakaraang linggo. Ngunit simula nang ilunsad ang Balikatan Exercises sa bisa ng Visiting Forces Agreement, permanente nang namamalagi sa ilang parte ng Mindanao ang Joint Special Operations Task Force-Philippines sa ilalim ng US Special Operations Command.

Minamarkahan ngayong buwan ang isang dekada ng Balikatan Exercises, na nagsimula noong Enero 2002.

Bahagi pa rin ng bagong estratehiyang pandepensa ng US ang pagmamantine ng ganitong klase ng presensiya (“stabilizing presence”) sa buong daigdig. “US forces will conduct a sustainable pace of presence operations abroad, including rotational deployments and bilateral and multilateral training exercises. These activities…help to build the capacity and competence of US, allied, and partner forces for internal and external defense, strengthen alliance cohesion, and increase U.S. influence,” ayon sa plano.

Ngunit inamin ng US na dahil limitado na ang mga rekurso nito, pipiliin nang maigi ng gobyerno ang lokasyon at dalas ng presence operations nito.

Balikatan: Pagpapamalas ng kapangyarihan

Kung pagbabatayan ang ipinangako nina Senador McCain at Lieberman sa pagbisita sa bansa, tila nasa mataas na prayoridad pa rin ang Pilipinas, na ang mga lider ay mahigpit na alyado ng US.

Hindi man ikinagulat ng Bayan, dismayado ang grupo na ni wala man lang tangka si Pangulong Aquino na igiit ang soberanya at interes ng bansa, sa pakikipagpulong sa bumibisitang matataas na opisyal ng US. “Wala itong ginawa kundi hingin ang segunda-mano na mga kagamitang militar ng US,” ayon kay Reyes, tinutukoy angpinakahuling barkong pandigma na ipinangako ng mga senador ng US. (Kapansin-pansin naman na ang barkong ito, isang Hamilton class-cutter, ay ide-deploy sa West Philippine o South China Sea.)

Matapos ang bisita ng mga senador, inanunsiyo ni Lt. Gen. Juancho Sabban ng Western Command na gaganapin sa Palawan, malapit sa Spratly Islands, ang susunod na Balikatan sa Marso. Kasama sa mga ehersisyong lalahukan ng pinagsanib ng mga tropang Pilipino at Amerikano ang “defense and retake” o depensa at pagkubkob sa mga gas and oil platform. Wala umanong kinalaman sa Tsina ang lokasyon at uri ng nasabing mga ehersisyo.

Gayunman, tinitingnan na bahagi na ito ng pagpamamalas ng US ng kanilang kapangyarihan, bagay na napakahalaga, ayon sa kanilang estratehiyang pandepensa. “In order to credibly deter potential adversaries and to prevent them from achieving their objectives, the United States must maintain its ability to project power in areas in which our access and freedom to operate are challenged,” ayon sa bagong plano, na ispesipikong tinukoy ang Tsina at Iran na kaaway.

Kapayapaan at istabilidad ang bukambibig na dahilan ng gobyerno ng US sa kanilang planong militar sa buong daigdig. Ngunit malinaw na potensiyal na giyera at gulo ang hatid ng estratehiyang pandepensa nito, lalo na sa mga bansa gaya ng Pilipinas na kinakasangkapan ng US sa pandaigdigang paghahari nito.