Karapatang Pantao

Paglipat ng kulungan ng NDF konsultant sa Visayas, ipinrotesta ng Selda

Ipinrotesta ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) ang paglipat ng isang bilanggong pulitikal mula sa regular na kulungan patungo sa kampo ng militar sa Central Visayas.

Piket ng Selda sa isang kampo sa Quezon City noong nakaraang taon. Patuloy nilang iginigiit ang paglaya ng mga bilanggong pulitikal, kabilang ang mga konsultant ng NDF sa usapang pangkapayapaan. (KR Guda/PW File Photo)

Ang bilanggong pulitikal na si Ramon Patriarca ay isang konsultant ng National Democratic Front (NDF) sa usapang pangkapayapaan nito sa gobyerno. Ayon sa Selda, inilipat si Patriarca matapos ang pagdalo niya sa pagdinig sa kaso niya sa Cebu City.

“Ang paglipat kay Patriarca sa kustodiya ng militar ay may bahid ng panlilinlang at may masamang layunin: upang patahimikin ang mga bilanggong pulitikal, gayundin upang mabinbin pa ang usapang pangkapayapaan,” ani Angie Ipong, pangkalahatang kalihim ng Selda.

Kuwento ni Ipong, napag-alaman nila mula sa ulat ng Karapatan-Central Visayas, na hindi ibinalik sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC) si Patriarca at sa halip ay dinala sa kampo ng Visayas Central Command (Centcom) ng Armed Forces of the Philippines na walang pahintulot sa kanya (Patriarca) at maging sa kanyang mga abogado.

Sa kampo ng Centcom umano unang dinala si Patriarca matapos arestuhin siya noong Pebrero 2009.

Peace consultant siya ng NDF noong dukutin siya ng mga elemento ng AFP Central Command na nakabase sa Camp Lapu-lapu,” paliwanag ni Ipong. Idinagdag pa ni Ipong na sa Centcom ay nakaranas ng tortyur at matagal na naging inkomunikado si Patriarca.

Ayon sa militar, natatakot umano silang baka itakas si Patriarca ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA).

Pero sinabi ni Ipong na “kabaliwan” ang idinadahilang paglipat kay Patriarca. “Imbento lamang ito ng (militar). Dahil habang inaakusahan nila si Patriarca, patuloy naman nilang ipinagyayabang na wala nang NPA sa Cebu.”

Sinabi pa ni Ipong na hindi sinasabi ng militar ang tunay na dahilan ng paglipat, na patuloy na paggiit ni Patriarca sa mga karapatan niya at mga kapwa bilanggo, sa kabila ng masamang kalagayan sa kulungan.

Muling iginiit ng Selda sa administrasyong Aquino na kagyat na palayain ang mahigit sa 300 bilanggong pulitikal, laluna ang 13 konsultant ng NDF sa usapang pangkapayapaan.

Isa lamang si Patriarca ay mga konsultant ng NDF na nakakulong sa kabila ng pag-anunsiyo ng gobyerno na palalayain sila bilang “confidence building measure” sa usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng NDF na naglulunsad ng armadong rebolusyon sa bansa.

Hinuli ng pinaghihinaalang mga elemento ng pulis at militar si Patriarca noong Pebrero 5, 2009 sa Concolacion, Cebu. Tinortyur siya ng at naging incommunicado ng ilang araw. Kinumpirma ito ng korte na unang nagdinig sa kanyang kaso noong 2009.