Administrasyon ng PUP binatikos ng KMU sa di-pagtupad sa kasunduan sa mga manggagawa


Binatikos ng sentro ng militanteng unyonismo na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang adminsitrasyon ng Poytechnic University of the Philippines (PUP) dahil sa di-pagtupad sa kasunduan (memorandum of agreement) sa pagitan ng mahigit 100 dyanitor ng unibersidad.

Mga dyanitor ng PUP na nagpiket para tutulan ang panloloko diumano ng administrasyon ng pamantasan kaugnay ng kanilang pag-empleyo rito. (Kontribusyon)
Mga dyanitor ng PUP na nagpiket para tutulan ang panloloko diumano ng administrasyon ng pamantasan kaugnay ng kanilang pag-empleyo rito. (Kontribusyon)
Mga dyanitor ng PUP na nagpiket para tutulan ang panloloko diumano ng administrasyon ng pamantasan kaugnay ng kanilang pag-empleyo rito. (Kontribusyon)

Binatikos ng sentro ng militanteng unyonismo na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang administrasyon ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) dahil sa di-pagtupad sa kasunduan (memorandum of agreement) sa pagitan ng mahigit 100 dyanitor ng unibersidad.

Nakasaad sa kasunduan na kukunin ang naturang mga dyanitor sa bagong maintenance agency na kinuha ng administrasyon.

Ayon sa KMU, tinupad ng mga manggagawa ang mga requirement na nakasaad sa kasunduan na pinirmahan ng mga manggagawa at nina Estelita Dela Rosa, officer-in-charge ng PUP at  Larry Alfonso,  vice president for administration ng naturang unibersidad. Ngunit hindi umano pinaninindigan ng dalawang opisyal ng unibersidad ang kasunduan.

 “Ginagawa kaming tanga ng PUP administration. Pinaasa kami na kukunin kaming lahat ng bagong ahensiya kapag natupad namin ang mga requirement ng  bagong ahensiya,”  ani Rey Cagomo, presidente ng Samahan ng Janitors sa PUP (SJPUP), isang unyon sa ilalim ng National Federation of Labor Unions o Naflu-KMU.

Hiniling nila sa administrasyon na panatilihin sila at gawing regular na manggagawa. Noong Pebrero 27, muli silang nagprotesta sa harapan ng tanggapan ni Dela Rosa, ngunit hindi sila hinarap at ipinasa sila kay Alfonso na hindi umano kinilala ang naunang kasunduan.

Ipinangako umano ni Alfonso na kakausapin niya ang bagong ahensiyang Carebest International Inc., na unti-unting ieempleyo ang datihang mga dyanitor sa naturang pamantasan.

Ngunit para sa SJPUP, walang katiyakan ang pangako ni Alfonso. “Nakakangalit, ang iba sa ami’y naglingkod sa unibersidad nang mahigit isang dekada at ngayon ang turing sa amin basura,” ani Cagomo.

Aniya pa, “ngayong tumupad kami sa  itinakda nilang requirements, sinasabi nilang hindi lahat kukunin.”

Sinabi pa ni Cagomo na hindi lamang ang kanilang mga trabaho ang ipinaglalaban nila, kundi pati na rin ang buhay at kinabukasan ng kanilang mga anak.

“Napakarami ng walang trabaho sa bansa, alam namin na mahihirapan kaming maghanap muli ng  trabaho ,” ani Cagomo.

Nauna nang nagprotesta ang mga dyanitor ng unibersidad noong Pebrero 16.

Ayon naman sa Naflu-KMU, malinaw na halimbawa ang pangyayari sa mga dyanitor ng PUP sa lumalalang kalagayan ng mga manggagawa sa buong bansa.

“Marami ang walang trabaho at ang mga mayroong trabaho, wala namang kaseguruhan,” ani Tony Pascual, pangkalahatang kalihim ng Naflu-KMU.

Nanawagan din si Cagomo sa mga kapwa-manggagawa, gayundin sa mga mag-aaral at guro ng PUP na ipagpatuloy ang pagsuporta sa gagawin nilang araw-araw na protesta sa loob ng kampus ng unibersidad.