Kababaihang lider-maralita sa Timog Katagalugan ‘ilegal’ na inaresto
Kinondena ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan ang diumano’y ilegal na pag-aresto ng pinagsanib na puwersa ng pulis at militar sa dalawang lider-maralita sa Timog Katagalugan.
Ang dalawang inaresto na sina Evelyn Legaspi at Pastora Latagan ay lehitimong mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at hindi mga miyembro ng New People’s Army tulad ng inaakusa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ayon sa Karapatan.
Pahayag ng Karapatan-Timog Katagalugan, inaresto ang dalawa noong Pebrero 7 sa Brgy. Maitim, Bai, Laguna ng mga pinaghihinalaang mga elemento ng Philippine National Police, 202nd Infantry Brigade at 22nd Military Intelligence Company.
Ayon pa sa Karapatan, pasado alas-singko ng hapon nang lusubin ng aabot sa 50 pinagsanib na puwersa ng kapulisan at militar ang bahay na tinutuluyan ng dalawa. Agad silang pinosasan at isinakay sa isang van.
Wala din umanong ipinakitang warrant of arrest ang mga umaresto. Sinabi pa ng grupo na ipinagbigay alam lamang sa opisyal ng barangay ang pag-aresto matapos halughugin ang buong bahay.
Dagdag pa ng grupo, sa una’y itinanggi ng CIDG na inaresto nila ang dalawa. Pero unamin din ang CIDG na nasa kustodiya nila sa Camp Vicente Lim ang dalawang lider-maralita at sinapahan sila ng kasong illegal possession of explosives, multiple attempted murder, multiple frustrated murder at multiple murder.
“Ilegal ang pagkaka-aresto sa kanila,” giit ni Glen Malaban, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-TK. Sinabi niyang hindi ipinakita ang mga biktima sa kanilang pamilya nang halos isang araw at inilitaw lamang sila matapos ang interogasyon ng mga militar sa dalawa.
“Katulad din ito ng pag-aresto sa 43 manggagawang pangkalusugan sa Morong, Rizal noong Pebrero 2010 na tinaniman ng (ng militar) ng mga baril at eksplosibo ang rest house habang nagsasagawa ng medical training,” ani Malabanan.
Binatikos din ng grupo ang paratang ng CIDG na mga miyembro ng NPA ang dalawa. “Pinaninindigan namin na sina Legaspi at Latagan ay mga lider-maralita at lehitimong miyembro ng Kadamay-ST,” sabi pa ni Malabanan.
Si Legaspi ay regional council ng Kadamay at istap naman ng organisasyon si Latagan, ayon sa grupo.
“Ang maruming taktika ng pagbabansag na NPA ang mga progresibong lider ay madalas na ginagamit ng gobyerno upang bigyang matwid ang anumang paglabag sa karapatang pantao,” dagdag pa ni Malabanan.
Ayon pa sa grupo, ipinapakita ng pangyayari na walang kaibahan ang administrasyong Aquino sa pinalitan nitong administrasyong Arroyo. Patuloy umano ang pangungunsinti sa mga paglabag sa karapatang pantao.
Hamon pa ng Karapatan, sa halip na tugisin ang progresibong mga lider at aktibista, dapat si dating heneral Jovito Palparan ang pagsikapang hulihin ng gobyerno.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=18165













