Kababaihan

Pagpapalakas ng US sa Asya Pasipiko, pinangangambahan ng Gabriela

Nagprotesta sa harapan ng embahada ng US ang kababaihan ng Gabriela at International Women’s Alliance (IWA) upang ipaabot ang pagtutol sa planong pagdagdag ng tropang Amerikano sa bansa sa ilalim ng RP-US Mutual Defense Treaty.

Ayon sa IWA, kakambal ng presensiya ng tropang US ang mga abuso sa kababaihan, kabilang ang prostitusyon sa kababaihan at bata. (Macky Macaspac)
Nagprotesta sa harap ng embahada ng US ang Gabriela at International Women's Alliance para muling irehistro ang pagtutol sa papaigting na presensiya ng tropang US sa bansa. (Macky Macaspac)

Minaliit din nila ang nakaambang pag-apruba ng kongreso ng US sa pagbibigay nito sa Pilipinas ng isang barkong 45-taon na ang tanda—ang Coast Guard Cutter Dallas—upang magamit sa pagpapatrulya sa karagatang saklaw ng pinag-aagawang isla ng Spartlys.

Ayon sa IWA, kakambal ng presensiya ng tropang US ang mga abuso sa kababaihan, kabilang ang prostitusyon sa kababaihan at bata. (Macky Macaspac)
Ayon sa IWA, kakambal ng presensiya ng tropang US ang mga abuso sa kababaihan, kabilang ang prostitusyon sa kababaihan at bata. (Macky Macaspac)

“Pinapaypayan muli ng US ang alitan sa bansang Tsina dahil sa pagiging karibal nito sa rehiyon pagdating sa pang-ekonomiya at pampultikang impluwensiya,” ani Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela. Sinabi pa ni Salvador na tuwirang panghihimasok sa bansa ang gagawin ng US.

Ayon pa sa Gabriela, ang pagpihit umano ng patakarang panlabas ng US mula sa Iraq at Afghanistan patungo sa Asya-Pasipiko sa ilalim ng tinaguriang “Pacific Century” ay nagbibigay pangamba sa kababaihan, laluna’t nakatakdang makipagpulong si Pangulong Aquino sa mga opisyal ng US hinggil sa sa karagdagang tropa ng Amerika.

“Ginagawa ng US ang lahat upang patindihin ang kontrol nito sa rehiyong Asya-Pasipiko sa pamamagitan ng pagde-deploy ng kanyang tropa. Kulang na lang ang pagbubukas ng mga base militar dito sa bansa,” sabi ni Salvador.

Nangangamba ang Gabriela na matulad ang bansa sa Iraq at Afghanistan. “Bahagi ng larawan ng mga bansang ito ang karahasan at pandarambong sa likas yaman, na pinangangambahan namin,” dagdag pa ni Salvador.

Ayon naman kay Liza Maza, tagapangulo ng IWA at dating representate ng Gabriela Women’s Party, na ang pagdeploy ng mga tropa at barkong pandigma ng US sa mga bansa ng Asya-Pasipiko kasama na ang Pilipinas ay upang tiyaking may opurtunidad ang US sa kanyang pamumuhunan, kalakalan at teknolohiya. Gayundin ang pangangalaga sa mag ito mula sa pagtutol ng mga mamamayan. “Pakinabang lang ng US ito, hindi ng mga tao,” ani Maza.

Dagdag pa niya, malalagay umano sa banta ng panganib ang buhay at kabuhayan ng naghihikos na mga mamamayan ng rehiyong Asya-Pasipiko.

Ipinunto pa ng grupo na sa mga lugar na may presensiya ang tropang US, laganap ang industriya ng “rest and recreation,” partikular ang prostitusyon at sex trafficking, kasama na ang iba pang pang-aabuso sa mga bata at kababaihan.

“Naranasan na ito ng Pilipinas noong nandito pa ang mga base militar sa Angeles at Olongapo, kung saan tinatayang 55,000 na kababaihang biktima ng prostitusyon ang naidokumeto noong 1981-85,” sabi pa ni Maza.

Sinabi din niya na kahit sa Japan, South Korea, Taiwan at Thailand, lumaki ang bilang ng prostitusyon pagpasok ng tropang Amerikano.

“Ang prostitusyon sa Thailand ay tumaas noong 1960, nang itayo ng US ang mga base militar para sa digmaan sa Vietnam,” sabi pa ni Maza.

Idinagdag pa ng Gabriela na ang pagpapalakas sa presensiya ng US, ay nakatuon sa ekonomiyang pandarambong upang mailigtas nito ang matinding krisis pampinasiya na kinakaharap ng US at iba pang kapitalistang bansa.
“Sa basbas ng tutang gobyerno ni Aquino, ginagawa tayong tagapagligtas, at ibabasura na lang nila matapos nilang pagsawaan,” pagdidiin ni Salvador.

Nagbabala din ang grupo kay Aquino na huwag “maglaro ng apoy” sa pang-uupat ng giyera ng US, gayundin ang pakikipagnegosasyon sa muling pagtatayo ng mga base militar.

“Huwag niyang hayaang masunog ang bahay. Hindi dapat pinag-iisipan ni Aquino ang mga ideyang ito,” ani Salvador.