Pinoy Weekly

Paint bombs, inihagis sa opisina ng Shell bilang protesta sa OPH

Pagwawakas sa monopolyong kontrol sa langis, isa sa mga panawagan ng Gabriela sa kilos-protesta sa darating na Marso 8, Araw ng Kababaihan (Ilang-Ilang Quijano)

Nagpakawala ng paint bombs sa opisina ng Shell Philippines, isa sa Big 3 na kompanya ng langis, ang militanteng mga grupo bilang protesta sa panibagong pagtaas sa presyo ng langis ngayong linggo. Sinisisi rin nila ang gobyernong Aquino na umano’y “nakikipagsabwatan” sa lokal at dayuhang kartel ng langis at hindi gumagawa ng anumang hakbang para ibaba ang presyo.

“Tiyak na mas marami pa ngayon ang bilang ng mga Pilipinong nagugutom dahil sa pagtaas ng presyo ng langis, bilihin at pamasahe,” ayon kay Joms Salvador, deputy secretary general ng Gabriela, isa sa mga grupong nanguna sa protesta.

Walang nagawa ang mga guwardiya sa pagbato ng pintura sa opisina ng Shell (Ilang-Ilang Quijano)

Nagbato ang mahigit-kumulang 100 demonstrador ng paint bombs na kulay asul, puti, at itim sa pader ng opisina ng Shell Sa kanto ng Villar at San Agustin Sts. sa Makati City. Walang nagawa ang mga guwardiya at pulis na nakaantabay para pigilan sila.

Simula Enero, tumaas na nang siyam na beses ang presyo ng mga produktong petrolyo. Tumaas ng P4.75 kada litro ang presyo ng gasolina, habang P2.65 naman ang presyo ng diesel.

Pinuna rin ng Gabriela ang pagmamatigas ni Aquino na huwag tanggalin ang Expanded Value-Added Tax (E-VAT) sa mga produktong petrolyo. “Kahit ipagmalaki ni Aquino na napupunta ang E-VAT sa serbisyo, hindi ito nararamdaman ng mamamayan. Sa katunayan, sadyang walang silbi ang mga Programang Pantawid na binubuhusan ng pondo ng gobyerno dahil ang kakarampot na natatanggap ng mga benepisyaryo ay tila bulang naglalaho sa walang habas na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo,” sabi ni Salvador.

Kasabwat ni Pangulong Aquino ang Big 3 sa walang habas na presyo ng langis, ayon sa grupo ng maralita. (Ilang-Ilang Quijano)

Binatikos ng mga demonstrador ang umano’y pagkaganid sa tubo ng malalaking kompanya ng langis. “Walang hangganan ang pagkaganid ng mga kompanya ng langis. Tuluy-tuloy silang nagtataas ng presyo, sa kabila ng overpricing sa mga produktong petrolyo,” sabi ni Roger Soluta, secretary general ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Tinataya ng KMU na simula nang ipatupad ang Oil Deregulation noong 1999, pinapatungan ng Big 3 ang presyo ng mga produktong petroloyo ng P9 hanggang P10 kada litro.

Noong 2011, kumita ng $160-Bilyon ang anim na pinakamalalaking kumpanya ng langis sa daigdig. Kabilang dito ang Royal Dutch Shell Company, mother company ng Shell Philippines, na kumita ng $6.5-B noong ika-4 na kuwarto lamang ng 2011.

Ayon kay Soluta, “Walang kagyat na ginhawa na binibigay si Aquino sa mga mamamayan sa usapin ng langis. Wala siyang inaanunsiyong malakihang rolbak sa presyo, ayaw niyang alisin ang E-VAT, at nangako lamang ng iimbestigasyon ang Oil Deregulation Law.”

“Kailangan nating ipresyur ang gobyerno na aksiyunan ang ating mga hiling. Nanawagan kami sa publiko na lumahok sa kilos-protesta sa Plaza Miranda sa Marso 8 (Araw ng Kababaihan) at Marso 15 protestang bayan na gaganapin sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila,” dagdag niya.

Noise barrage sa harap ng opisina ng Shell sa Makati City (Ilang-Ilang Quijano)

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=18442

avatar Posted by on Feb 29 2012. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Pinoy Print Issues

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes