Pambansang Isyu

Presyo tumaas, sahod bumaba

March 13, 2022

Tuloy-tuloy ang pagsirit ng presyo ng langis at iba pang bilihin. Nagdulot ito ng pagbaba ng tunay na halaga ng sahod.

Sunod-sunod na linggo nang nagtaas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Mula Enero 2022, tumaas na ng P11.65 ang kada litro ng diesel, P9.65 ang gasolina at P10.30 ang kerosene.

Mahigit 60 porsiyento na ang itinaas ng presyo ng langis mula 2021 ayon sa Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler).

Ang LPG, dalawang buwan na ring magkasunod na nagtaas. Nasa P900 hanggang P1000 na ang kada 11 kilo na tangke ng LPG dahil sa P7.95 kada litrong dagdag noong Marso 1. Nasa P4.44 kada litro naman ang itinaas ng AutoLPG.

Pinangangambahang magtuloy-tuloy pa ang pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa giyera sa Ukraine, na nagpalala sa problema ng suplay sa pandaigdigang pamilihan.

“Hindi dapat pinapasan ng ordinaryong Pilipino ang pasakit ng dagdag presyo ng langis,” ani Eiler Executive Director Rochelle Porras.

Dapat raw tiyakin ng gobyerno na may sapat na “safety nets” para sa mga drayber at pasahero ng pampublikong transportasyon para makaagapay sila sa pagtaas ng presyo ng langis.

Buwis sa langis

Dahil sa tuloy-tuloy na pagsirit ng presyo, muling umingay ang panawagan para sa pagsuspinde sa mga buwis na ipinapataw sa mga produktong petrolyo, para makapagbibigay ng kagyat na ginhawa sa mga Pilipino.

Litrato ni Cindy Aquino

Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, ang pagsuspinde ng excise tax sa langis ay maaaring magpababa ng P6.72 sa kada litro ng diesel, P6.33 sa gasolina at P33 sa kada 11-kilong tangke ng LPG. Mas malaki pa ang maaaring mabawas kung aalisin din ang Value Added Tax sa mga produktong petrolyo.

Nanawagan si Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag ng espesyal na sesyon ng Kongreso para talakayin ang nakabinbing panukalang batas na magsususpinde sa excise tax at VAT sa langis.

“Bakit tinutulugan ng administrasyong Duterte ang isyung ito? Bakit hinaharang ng mga economic managers ang pagsuspinde sa buwis sa langis? Gusto ba talaga nilang pahirapan ang mamamayan?,” ani Zarate.

Mariing tinututulan ng Department of Finance (DoF) ang pagsuspinde sa buwis sa langis dahil magdudulot daw ito ng P147.1 bilyong kabawasan sa kita ng gobyerno.

Pero ayon sa Ibon, maaari namang mabawi ang mawawalang kita ng gobyerno sa langis kung sususpendihin din ang mga kaltas sa Corporate Income Tax (CIT) ng malalaking korporasyon na umaabot sa P101.8 bilyon nitong 2022 at P115.8 bilyon noong 2021.

“Hindi dapat hinaharang ng Department of Finance ang suspensyon o pagtanggal na ng excise tax sa petrolyo, lalo na sa diesel, dahil kagyat nitong pabababain ang presyo ng langis at kahit paano ay magpapababa din sa presyo ng mga bilihin,” ani Zarate.

Iginiit din ni Zarate na dapat kontrolin ng gobyerno ang presyo ng langis na nakakaapekto rin sa presyo ng halos lahat ng pangunahing bilihin at serbisyo. Dahil sa deregulasyon, naging malaya aniya ang mga kumpanya ng langis na impluwensayahan ang halaga ng pamumuhay, kabuhayan, negosyo at komersyo, trabaho at badyet ng bansa.

“Pinataas ng girian [sa Ukraine] ang presyo [ng langis] sa pambihirang antas kaya mahalagang ibalik ang regulasyon sa downstream ng industriya ng langis para protektahan ang naghihirap nating konsyumer. Pero nananatiling bingi ang administrasyong Duterte sa panawagang ito n mamamayan,” sabi ni Zarate.

Lahat tumaas

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), tumaas ng 3.5 porsiyento ang gastos sa produksyon dahil sa pagsirit ng presyo ng langis. Tinataya namang umabot sa 3.2 porsiyento ang implasyon, o antas ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, nitong Pebrero 2022.

Bukod sa langis, nagtaasan din ngayong taon ang presyo ng bigas, manok, mantika, isda, at iba pang produktong agrikultural. Ang tinapay na 2016 pa huling nagtaas ng presyo, nagmahal na rin.

Litrato ni John Russel dela Cruz sa kilos-protesta nitong Marso 14 sa Petron, Tomas Morato.

“Lahat ng presyo pataas. Dapat may gawin ang gobyerno,” ani Anakpawis Partylist Chairperson Rafael Mariano.

Giit ng Anakpawis, maaaring magpataw ang DTI ng price ceiling sa mga pangunahing bilihin sang-ayon sa Price Act of 1992.

“May kapangyarihan at awtoridad ang gobyerno na kumilos sa nagtataasang presyo. Ang kawalan ng anumang ayuda o pangekonomiyang ginhawa para sa mga marginalized na sektor ay nakapagpapalalang sitwasyon,” ani Mariano.

Pero imbes na pagpapababa, nakaamba pang mas tumaas ang presyo ng bilihin dahil sa pagtutulak ng DoF para sa mga bago at mas mataas na mga buwis para bayaran ang mahigit P11.72 trilyong utang ng administrasyong Duterte. Balak na rin ng DoF na muling patawan ng VAT ang mga senior citizen at persons with disabilities.

Hindi katanggap-tanggap para sa mga manggagawa ang panukala ng DoF. Ayon kay Kilusang Mayo Uno Secretary General Jerome Adonis, sa matagal na panahon ay binabalikat na ng taumbayan ang pagbabayad ng utang ng mga gobyerno pero wala naman umanong inilaang pondo para sa programa at serbisyo.

“Ang panawagan namin ay dagdagan ang sahod, hindi ang buwis na babayaran. Tama na ang pagpapahirap sa amin,” giit ni Adonis.

Kaso ang sahod

Habang nagtataasan ang presyo ng langis at iba pang bilhin, nananatili namang nakapako ang sahod ng mga manggagawa. Huling nagkaroon ng dagdag sahod noon pang 2018.

“Ngayong sunud-sunod ang pagtaas ng presyo ng langis, sumunod na din ang pagtaas ng presyo ng mga batayan bilihin. Lalong namamaluktot ang mga manggagawang Pilipino. Biruin nyo, sa probinsya ng Ilocos at Bicol, may nakakatanggap pa din ng 250-310 na sahod para sa 8 oras na paggawa,” sabi ng batikang lider-manggagawa na si Elmer Labog, na kandidato din ngayon sa pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.

Sa Rehiyon 4-A halimbawa, nasa P373 lang ang average na minimum na wage. Katumbas lang ito ng isang kilong karne ng baboy. Napakalayo sa tinataya ng Ibon na P1,065 nakabubuhay na sahod.

Pero sa datos ng Philippine Statistics Authority, lumalabas na nasa P313 na lang ang tunay na halaga ng sahod sa rehiyon noong 2021. Lalo pang bumaba ang tunay na halaga nito dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin ngayong 2022.

Hindi ito makatarungan ayon kay Labog dahil bayani pa nga dapat na ituring ang mga manggagawa.

“Patuloy silang nagtatrabaho sa gitna ng banta ng sakit. Patuloy silang lumilikha ng yaman at, sa totoo lang, sila ang nagsalba sa naghihingalo nating ekonomya. Nararapat lang na ibigay sa kanila ang karampatang sahod at benepisyo na katumbas ng kanilang pinagtrabahuan,” aniya.

Sa ulat ng BusinessWorld, nakapagtala ang Pilipinas ng 52.8 sa IHS Markit Philippine Manufacturing Purchasing Managers’ Index (PMI). Ito na ang pinakamataas na naitalang pagtaas ng antas ng pagmamanupaktura sa bansa sa nakalipas na tatlong taon.

Naghain ng petisyon para sa dagdag sahod sa buong Calabarzon ang alyansang Workers’ Initiative for Wage Increase (Win for Win) na binubuo ng KMU, Kilos na Manggagawa, Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Federation of Free Workers, Confederation of Filipino Workers, Metal Workers Alliance of the Philippines, at Workers Assistance Center Inc. 

Panawagan nila, itaas sa P750 ang minimum wage sa rehiyon. Ayon sa Win for Win, ang hinihingi nilang dagdag sahod ay katumbas lang ng 8.9 porsiyento na bawas sa tubo ng mga malaking kapitalista.

Avatar

Neil Ambion

Gitarista, musikero at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, ngayo'y bahagi ng editorial staff ng PW si Neil Ambion.