Petisyong P750 dagdag-sahod sa Calabarzon, inihain
Ibinatay ang halaga ng petisyon sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, pangangailangan ng mga manggagawa at kanilang pamilya at pag-angat ng batayan ng pamumuhay.
Naghain ng joint petition para sa P750 dagdag-sahod ang mga grupo ng manggagawa sa Calabarzon sa ilalim ng alyansang Workers’ Initiative for Wage Increase-Southern Tagalog (WIN4WIN-ST) sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board Region IV-A (RTWPB IV-A) nitong Ago. 6.
Ayon sa WIN4WIN-ST, ibinatay nila ang petisyon sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, pangangailangan ng mga manggagawa at kanilang pamilya at pag-angat ng batayan ng pamumuhay.
“Malaki ang magiging epekto [ng dagdag-sahod] para sa mga minimum wage earner. Lalaki ang kapasidad nila upang makatugon sa pangangangailangan ng kanilang pamilya. Sakop nito ang lahat ng kontraktuwal sa rehiyon at maging ang mga regular na walang unyon [na] nasa minimum wage pa rin ang arawang sahod,” sabi ni Mary Ann Castillo, tagapangulo ng Metal Workers Alliance Alliance of the Philippines (MWAP) at presidente ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union.
Sa kasalukuyan, nasa P520 lang ang pinakamataas na minimum wage sa Calabarzon na katumbas ng P11,232 kada buwan, base sa karaniwang 21.6 araw ng paggawa sa isang buwan. Malayo ito sa P18,389 income poverty threshold sa rehiyon gamit ang datos ng Philippine Statistics Authority sa 2023 Family Income and Expenditure Survey sa unang anim na buwan ng taon. Higit lalo sa family living wage sa rehiyon na P24,386.4 o P1,129 kada araw, ayon sa Ibon Foundation.
Nitong Hulyo, bumaba rin sa P411.72 kada araw ang tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa sa Calabarzon. Samantalang pumapangalawa ang rehiyon sa may pinakamataas na kontribusyon sa gross domestic product noong 2023 na umabot sa P2.94 trilyon.
Ani Castillo, lantad ang mga dahilan para sa makatuwirang dagdag-sahod. Wala umanong katotohanan ang ipinagyayabang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang nakaraang State of the Nation Address na bumaba ang antas ng kahirapan sa bansa at umayos ang kalagayan ng mga manggagawa.
“Ang dapat gawin ni [Marcos Jr.], ipag-utos niya sa mga kasabwat niya sa Kongreso na ma-abolish ang batas ng kontraktuwalisasyon at suportahan niya ang mga [panukalang batas] para sa [across-the-board na] dagdag-sahod,” sabi pa ni Castillo.
Magpahanggang ngayon, nakabinbin pa rin sa Kamara ang mga panukalang P150 pataas na dagdag sa national minimum wage. Nananawagan din ang mga sentrong unyo at grupo ng manggagawa na ibasura ang regionalized minimum wage.
Samantala, gumugulong na rin ang mga pagdinig sa dagdag-sahod sa RTWPB IV-A, ilang araw matapos maghain ng petisyon ang WIN4WIN. Inaasahang matatapos ito sa Ago. 20 kung kailan nakatakda ang huling pagdinig.
Patuloy namang nananawagan si Castillo sa mga kapwa manggagawa na ipaglaban ang nakabubuhay na sahod sa pambansang antas.