Editoryal

Marcos Jr., barat sa manggagawa 


Ang sarap siguro sa pakiramdam ng mga manggagawa ang umuwing hindi problema ang ihahain sa pamilya, o kaya’y hindi takot ‘pag nagkakasakit dahil may panustos sa gamot at ospital.

Sa panahon ngayon, lahat tumataas, maliban sa sahod!

Sa press conference ng Malacañang nitong Abril 2, inanusyo ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire de Castro na wala sa priyoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsasabatas ng dagdag na P200 sa arawang sahod ng mga manggagawa, ipinaubaya ito ng pangulo sa mga regional wage board.

Sa katunayan, wala pa ang P200 sa kalingkingan ng antas na nakabubuhay o living wage, pero kahit ito hindi pa maibigay.

Nasa ibang dimensiyon yata itong si Marcos Jr. para isiping sapat na ang pagbagal ng implasyon bilang sukatan ng pag-unlad at sapat ang rebyu ng sahod bilang tugon sa gutom. Manhid siya sa totoong kalagayan ng mga pamilya ng manggagawang Pilipino.

Sa pagsisimula ng 2025, hindi na magkamayaw ang mga pamilyang Pilipino kung paano sasabayan ang sunod-sunod na pagtataas ng mga presyo ng bilihin. Liban kasi sa mataas na presyo ng bigas, sumabay pa sa tag-init ang pagtataas ng singil sa tubig at kuryente. Kahit anong pilit na higpitan ang sinturon, sagad na at wala nang ihihigpit pa.

Patunay nito ang paglaki ng bahagdan ng mga pamilyang nagugutom sa bansa. Sa huling sarbey ng Social Weather Stations, tumaas ng 6% ang mga pamilyang nakaranas ng inboluntaryong pagkagutom o iyong mga panahong gustong kumain pero walang makain. Pinakamataas ang bilang ng mga pamilyang nagugutom sa Visayas sa 33.7%, National Capital Region (NCR) na 28.3%, Mindanao sa 27.3% at iba pang lalawigan sa Luzon sa 24%.

Hindi nakapagtatakang lolobo at lolobo lang ang bilang na ito, lalo pa’t malayong-malayo ang halaga ng sahod ng mga manggagawa ngayon sa antas na nakabubuhay para sa kanilang pamilya. Dagdag pa ang higit na mas mababang minimum na sahod sa labas ng NCR . 

Sa datos ng Ibon Foundation, ang P645 na arawang sahod sa NCR ay may tunay na halagang P518 kung sa dami ng mabibili susukatin. Kung ganito, hindi nakapagtataka ang mas dausdos na kalagayan sa mga rehiyon ng Visayas at Mindanao na mas mababa pa ang arawang sahod. 

Kung gutom ang mga manggagawa at ang kanilang mga pamilya, paano aasahang makakabalik sila kinabukasan sa mga pagawaan para maging produktibo? Ang tanging puhunan ng mga manggagawa ay ang kanilang sariling lakas-paggawa, at ang patuloy na pambabarat sa halaga nito sa antas na mas mababa pa para sa kailangan niya para makakain man lang nang tatlong beses sa isang araw, ay labis-labis nang pagsasamantala! 

Sa huling kuwenta ng Ibon Foundation, nasa P1,222 kada araw o P26,579 kada buwan ang kailangan ng isang pamilyang may limang katao upang mabuhay ng marangal. Ang ganitong antas ng sahod ay nagtitiyak na mayroong panustos sa pagkain, bahay, pananamit, edukasyon, transportasyon at may sobra pa para sa pagliliwaliw at pag-iimpok.

Ang sarap siguro sa pakiramdam ng mga manggagawa ang umuwing hindi problema ang ihahain sa pamilya, o kaya’y hindi takot ‘pag nagkakasakit dahil may panustos sa gamot at ospital.

Pero ang pangarap na ito’y pilit inilalayo ni Marcos Jr. at ng mga malalaking kapitalistang ganid sa supertubo. Pinapako ang sahod ng mga manggagawa sa halos kalahati lang ng antas na nakabubuhay, habang tinitiyak ang pagkamal ng supertubo at pagpapakakasasa sa luho at marangyang pamumuhay. 

Liban sa pagiging madamot ng rehimeng Marcos Jr. na isabatas ang dagdag-sahod sa buong bansa, mismong gobyerno din ang humaharang sa pagsasabatas ng regularisasyon sa paggawa at ang pagkakaroon ng isang pambansang minimum na sahod. Sistematikong inaatake ng sabwatan ng estado at malalaking kapitalista ang halaga ng sahod habang nililikha ang napakalaking reserbang lakas-paggawa. 

Ginagamit ang kalam ng sikmura ng manggagawa para pigaan ng napakamurang lakas-paggawa kapalit ang limpak-limpak na supertubo. Hindi lang sahod ang ninanakaw ng gobyerno at mga kapitalista sa manggagawa, pinakamasahol ang pagwasak nito sa makauring pagkakakilanlan, kasaysayan at pagkakaisa ng manggagawang Pilipino.

Pinagwawatak-watak ang hanay ng manggagawa, inaatake ang mga unyon at unyonista, at kinakasangkapan ang armadong puwersa para sa walang habas na pagsasamantala at pagpiga ng yaman. 

Sa kabila nito, ang militanteng paglaban, kagaya ng ipinakita ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU), ay inspirasyon para isulong ang mga batayang kahingian ng uring manggagawa sa iba’t ibang pagawaan sa buong bansa. 

Ang pagtanggi ni Marcos Jr. na ibigay ang napakaliit na P200 dagdag-sahod ay pagpapatunay na ang pangunahing sasalalayan ng mga manggagawa’y ang kanilang sariling lakas at pagkakaisa. 

Sa pagkakaisa ng mga manggagawa kayang-kaya makamit ang P1,200 nakabubuhay na sahod para sa lahat, pagbasura sa kontraktuwalisasyon, pagbuwag sa mga regional wage board at pagsulong ng isang tunay na pambansang minimum na sahod.