Suring Global

State of the Union Address ni Obama: Bumabagsak na Amerika


Bagaman basura lamang ang tingin sa kanyang State of the Union address nitong Enero 24, 2012 ng kanyang mga karibal sa pulitika at tinatawag iyong State of Re-election Address, nagsasaad ito ng panawagan ni Obama ng patas na patakarang pang-ekonomya kung saan, aniya, “makukuha ng lahat kung ano ang dapat sumakanya” sa pamamagitan ng paggamit sa kapangyarihang estado para maitayo ang isang “ekonomyang magtatagal.”

US Pres. Barack Obama (Malacanang Photo Bureau)
US Pres. Barack Obama (Malacanang Photo Bureau)

Bagaman basura lamang ang tingin sa kanyang State of the Union address nitong Enero 24, 2012 ng kanyang mga karibal sa pulitika at tinatawag iyong State of Re-election Address, nagsasaad ito ng panawagan ni Obama ng patas na patakarang pang-ekonomya kung saan, aniya, “makukuha ng lahat kung ano ang dapat sumakanya” sa pamamagitan ng paggamit sa kapangyarihang estado para maitayo ang isang “ekonomyang magtatagal.”  Iginuhit niya ang plano ng kaunlarang pang-ekonomya na pareho ang patakaran para sa mga mayaman at mga ordinaryong mamamayang Amerikano at ipinanukala ang malaking pagbubuwis (30%) sa mga mayaman.  At marami pang iba.  Sa kabuuan ay nakatuon siya sa ekonomyang batay sa panggitnang uri.

Malungkot nga lamang, na ngayon pa lang ay malakas na ang pagtutol sa kanyang mga panukala.  At kahit wala, sa wari’y wala na itong mararating sa umpisa pa lamang.  Nakabatay sa isang malayang kapitalismo na hindi puwedeng sagkaan ang kalakaran ng Estados Unidos.  Kontrapelo dito ang panghihimasok ng estado.  Maaalalang nagpanukala din nang ganito si Bill Clinton—repormahin ang Amerika!, lumikha ng maraming trabaho!, ng pagkakapantay-pantay! at, higit sa lahat, ng pagsusulong ng kalayaan ng isang tao!

Alam nating nabigo si Clinton.   Palengke ang nagpasya kung gaano karaming tao ang dapat iempleyo sa isang panahon, palengke ang nagtakda ng kahulugan ng pagkakapantay-pantay at, higit sa lahat, palengke ang nagbigay ng kahulugan kung ano ang ibig sabihin ng personal na kalayaan—na walang iba kundi ang kalayaan ng isang tao na mabili ang anuman ang kanyang gustong bilhin sa abot ng kanyang kakayahang bumili.  Ang nagawa lamang ni Clinton, kung meron man, ay ang pagwasak sa matandang teoryang social contract, na nagsasabing may pananagutan ang indibidwal sa kanyang pamayanan, sa lubos na pangingibabaw ng indibidwalismo.

Walang sinumang lider ng bayan sa alinmang kapitalistang bansa, gaano man kabusilak ang kanyang kalooban, ang puwedeng sumagka sa sariling batas ng kapitalismo na batay sa kanya-kanyang pakinabang.  Sabi mismo ni Adam Smith:  “Hindi gumagawa ang panadero ng tinapay na ating inaalmusal dala ng kanyang kabutihan, manapa’y pinagkikitaan niya ito.”  At si Smith mismo ay nilapastangan ng ibayong pagsulong ng kapitalismo na nagbasura sa kimkim niyang sentimentalismong  nagpapalagay na may moralidad ang sistema at natural  na kakandiliin nito ang  kapakanan ng komunidad.  Tuloy ay malungkot na naisulat ni Jeffrey Sach, isang contributor sa Financial Times:  “A lack of morals will lead to the system’s self-destruction.”  Ang masakit lang, wala pang sistemang maipapalit sa kapitalismo na nasa abot-tanaw o nasa  likuran man lamang ng sugpungan ng langit at dagat.  Mas malinaw pa ang larawan ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig, at pagkaraan lamang niyon makikita ang isang sistemang batay sa makatwirang pakikitungo ng tao sa kanyang kapwa, ang pagkilala sa indibidwal na karapatan at kalayaan, ang ekonomyang lumilikha ng mga pangangailangan ng tao at hindi mga produktong ipamamalit—bunsod ng sama-samang mapait na karanasan sa digmaan, ng sama-samang pamimighati, ng wasak na kalikasang isang malaking hamon ang mabuhay sa araw-araw.