FEATURED

Humantong na ba tayo sa ganito?


Rebyu ng Staying Alive: Safety for Journalists (Philippine Center for Investigative Journalism, ikalawang edisyon 2011, 17 minuto)

Ed Lingao ng PCIJ, sa bidyong "Staying Alive" ng PCIJ. (video grab)

Rebyu ng Staying Alive: Safety for Journalists (Philippine Center for Investigative Journalism, ikalawang edisyon 2011, 17 minuto)

Ayon sa video manwal na ito, simula nang ibalik ang kalayaan sa pamamahayag noong 1986, may lampas na 170 mamamahayag ang pinaslang, at 120 nga rito ay pinatay dahil sa trabaho.   Ang Staying Alive ay isang praktikal na manwal o survival kit para sa mga mamamahayag para hindi sila mapaslang, tulad nang marami na sa kanila  na nagbigay-reputasyon sa bansa bilang isa sa pinakamapanganib para sa profesyong ito.

Heto ang link sa video:

Ang malaking kabalintunaan sa napakahalagang video na ito ay humantong na ba tayo sa ganito, na ang isyu ng kaligtasan—buhay at kamatayan—ng mamamahayag ay pangunahin nang inilalagay sa kanilang mga kamay?  Ito ang nakalulungkot sa video manwal sa serye ng “Murder and Malice: Media Killings in the Philippines” ng PCIJ, na ang kawalan-kakayahan ng estado na protektahan ang mga tagapaghatid ng balita’t opinyon ay ipinapapasan sa mismong mga profesyonal at ang kanilang hanay ang sariling seguridad.

Ed Lingao ng PCIJ, sa bidyong "Staying Alive" ng PCIJ. (video grab)
Beteranong mamamahayag na si Ed Lingao, sa bidyong "Staying Alive: Safety for Journalists" ng PCIJ. (video grab)

Sa katunayan, ang mapapansin sa video manwal ay ang estado bilang absent metasignifier ng pambansang penomenon ng pagpaslang sa peryodista.  Wala ang estado—ang gobyernong inutil sa maraming pagkakataon na dakipin, isakdal at ikulong ang pumatay, lalo na ang mastermind na kadalasan ay kabahagi ng mismong estado:  mga politiko, military, negosyanteng naapakan ng expose ng mga mamamahayag.

Wala ang estado pero ang estado ang nagluwal at nagpaunlad ng pagpaslang sa peryodista at ang mas malaking politisisasyon ng kultura ng impunidad.  Sa kanya naoorganisa ang penomenon:  kung bakit may mga mamamahayag na patuloy pa ring pinapaslang sa kasalukuyan, inaabot ng siyam-siyam ang pagkakaso sa mga akusadong pumaslang o nagpapaslang, inaantay lamang silang sumuko imbis na hanapin at arestuhin kung sakali mang makasuhan, at ang komersyal na media ay wala ring interes na itaguyod ang isyung ito lalo pa pagpapaigting ng infotainment sa media.

Kung susundin ang video manwal, kapag may panganib na natugunan ang mamamahayag, kailangan itong maging mapagmatyag, baguhin ang routine; mag-log ng mga kahinahinalang mga tao, sasakyan at insidente; huwag gumamit ng cell phone sa sensitibong pagsusubstansya ng ulat; makipag-solidarity sa iba’t ibang grupong pang-media.

Kapag nariyan na ang panganib, lumaban kahit barabarabay lang, ayon sa security expert sa video, para lamang maipagtanggol ang sarili.  Epektibong naipagsama ang praktikalidad ng individual na seguridad na pinapasa’t pinapagawang responsibilidad na rin para sa lahat ng mamamahayag sa bansa.

Bukod sa security expert, kasama rin ang abogadang kalahok sa prosekusyon, editor ng news organization, mga representatibo ng mediawatch organizations, at iba pang personalidad para sakupin ang mga usaping legal, paralegal, self-defense, solidarity networking, at iba pang isyu at aksyon na maaring gawin ng mga mamamahayag para protektahan ang sarili.

Ang trahedya sa patuloy na repetisyon ng pagpaslang sa mamamahayag ay ang kompartamentalisasyon ng usaping pang-seguridad sa antas ng mga individual na mamamahayag sa pangunahin.  Dito papaloob ang iba pang “praktikalidad” sa isyu:  ang pag-aarmas sa mamamahayag, ang mga aktibidad sa larangan ng patuloy na edukasyon hinggil sa media safety, at iba pang mga bagay.

Tila sinasabing wala naman lubos na kapangyarihan ang media at mamamahayag na legal na aksyonan ang mga pumaslang at nagpapaslang kaya dito na lang tayo sa mga isyu ng praktikalidad.   Humantong na nga ba tayo sa ganito?