100,000 obrero nagmartsa sa Araw ng Paggawa


Para sa mga manggagawang Pilipino sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno, tuta ng gobyernong US, at ng mga kapitalista, komprador at panginoong maylupa si Pangulong Aquino. Sa pamamagitan ng dambuhalang protesta noong Araw ng Paggawa, Mayo 1, ipinakita nila ang matinding disgusto sa kasalukuyang administrasyon at Pangulo

 


Aabot sa 100,000 manggagawa, kasama ang iba’t ibang sektor ng lipunan, ang nagmartsa sa buong kapuluan upang gunitain ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Ang pamamaraan ng kanilang paggunita: protesta.

Pinuruhan ng protestang pinamunuan sa buong bansa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) si Pang. Benigno Aquino III, na anila’y “tuta ng imperyalismong US at mga kapitalista, at haciendero.

Matindi ang batikos ng mga manggagawa sa anila’y pagkabigo ng adminsitrasyong Aquino na magbigay ng kahit kaunting ginhawa sa mga mamamayan sa gitna ng lumalalang kagutuman at kahirapan.

Sa Kamaynilaan, tinatayang umabot sa 30,000 ang nagmartsa, patungong Plaza Miranda, Quiapo at paanan ng Mendiola Bridge sa Manila. Di nila ininda ang tindi ng init at ang pagbuhos ng ulan.

Sinabi ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU, na lalong nagalit ang mga manggagawa sa mga pahayag ni Aquino sa mga “dilawang” lider-manggagawa na nakipagpulong sa pangulo noong umaga ng Mayo 1.

“Kapariwaraan ng mga manggagawa ang mensahe ni (Aquino),” ani Labog. Sinabi ng lider-obrero na patunay ang mga pahayag ni Aquino na ipinagtatanggol niya ang interes ng malalaking korporasyon maging ang mga kompanya ng langis.

Elmer "Ka Bong" Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno. (KR Guda)
Elmer "Ka Bong" Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno. (KR Guda)

“Wala na ngang ibinigay binola pa ang mga manggagawa,” sabi pa ni Labog.

Mahigit isang dekada na ang panukalang P125 across-the-board wage increase ng KMU, ngunit sa kabila ng pagtindi ng krisis at pagtaas ng mga bilihin ay patuloy itong ibinabasura ng Kongreso at Malakanyang.

Tahasan na ring tinanggihan ni Aquino ang naturang panukala para sa makabuluhang dagdag-sahod.

“Hindi ito dole-out na manggagaling sa bulsa ni Aquino o ng mga kapitalista kundi bunga ng pagsisikap at pagtitiis ng mga manggagawa sa ating bansa. Hindi humihingi ng limos ang mga manggagawa,”sabi naman ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino.

Sinabi din ni Casino na hindi masama kung ibibigay ang P1.4 Trilyon, na pagtaya ng pangulo na bawas umano sa ekonomiya, na karagdagang sahod. Karapat-dapat lang umanong makuha ito ng mga manggagawa.

“Hindi naman gagastusin ng mga manggagawa sa ibang bansa ang perang ito. Papalakasin pa nga nito ang ekonomiya dahil gagamitin ito para sa pang araw-araw na gastusin ng pamilya ng mga manggagawa at sa edukasyon ng kanilang mga anak,” ani Casino.

Paliwanag naman ni dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo na matagal nang halos iwanan ng gobyerno ang hiling sa dagdag-sahod.

“Hindi umaalis ‘yung (Aquino) government sa pattern ng pagtugon ng gobyerno (sa panawagang dagdag-sahod) habang panahon – na hindi pupuwede ang legislated wage increase. Ini-invoke nila ang regional wage boards ang dapat magpapapasya, pero historically over decades, palaging kulang ‘yung mga binibigay na dagdag,” paliwanag ni Ocampo.

Sabi pa ni Ocampo, may isang taon na ibinibigay na palugit ang batas sa dagdag-sahod. Kaya kahit taun-taon magkaroon ng dagdag-sahod, kung kakarampot palagi ang ibinibigay ay hindi ito nagiging sapat para sa mga manggagawa.

Hindi rin natuwa ang Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) sa pagtiyak ng pangulo na maibibigay ang huling tranche ng Salary Standardization Law 3 (SSL3). Ayon sa Courage, napakaliit ng epekto nito sa 1.4 milyong kawani ng gobyerno upang manahimik ang mga ito sa gitna ng mataas na halaga ng pamumuhay.

“Kakarampot (ang) P713 na dagdag kada buwan sa minimum na sahod. Kung isasaalang-alang ang inflation, hindi nito kayang punuan ang nawalang halaga ng aming sahod,” ani Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Courage.

Ayon pa kay Gaite, hindi naman bago ang panukalang dagdag-sahod para sa mga kawani.“’Yan na ang huling installment na sinimulan pa noong 2009,”ani Gaite.

Ipinanawagan ng mg kawani sa gobyerno ang P6,000 na dagdag sa buwanang minimum na sahod.

Pagtanggal sa EVAT, pagbatikos sa mga pahirap

Panawagan din ng mga nagmartsa ang pagbasura sa Expanded Value-Added Tax (EVAT), lalo na sa produktong langis na anila’y nakakadagdag sa paghihirap ng mga mamamayan.

“Oo nga’t ngayo’y unti-unting bumababa ang presyo ng langis sa merkado, pero papaano kung sa susunod na mga araw ay pataas na naman itong muli dahil nananatiling deregulated ang industriya at malayang nakakapagtakda ng presyo ang kartel ng langis.” ani Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Bukod sa kahilingang dagdag-sahod para sa mga manggagawa, sinabi ni Salvador na isang kagyat na kaalwanan para sa nakakarami ang pag-alis sa EVAT sa mga produktong langis dahil maaaring mapababa nito ang mga presyo ng mga bilihin.

Samantala, tinatayang 5,000 maralitang lungsod ang lumusob sa tahanan ni Pangulong Aquino sa Times Street bago tumungo sa Mendiola. Kanilang kinondena ang diumano’y kaliwa’t kanang demolisyon sa mga komunidad ng mga maralita.

“Lumahok ang malaking bilang ng mga maralita ngayon dahil sa walang puknat na demolisyong ipinatutupad ni Aquino. Pinapalala nito ang kawalang trabaho at lugmok sa kahirapan ng mga maralita,” ani Gloria Arellano, pangkalahatang kalihim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

Isinisisi ng Kadamay ang proyektong public-private partnership sa pagdemolis sa mga komunidad ng mga maralita, tulad ng nangyari sa Silverio Compound sa Paranaque noong Abril 21.

Bukod sa panawagan na makabuluhang dagdag-sahod, iprinotesta din nila ang diumano’y patuloy na pangangayupapa ng administrasyong Aquino sa dayuhan lalo nasa gobyernong US.

Isang kontingent ng KMU at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang nagprotesta sa harap ng embahada ng US bago tumulak ng Plaza Miranda noong tanghali ng Mayo 1.

Kanilang iprinotesta ang naganap na usapan sa Washington DC sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Amerika.

Ayon sa grupo, hindi patas ang naging resulta ng usapan dahil pinayagan ng administrasyong Aquino na palawigin pa ang tratado gayundin ang malawakang paglulunsad ng mga ehersisyong militar at pananatili ng tropang Kano sa bansa.

Kasabay ng mga martsa at protesta ng mga manggagawa, isang misa naman ang inialay ng mga obispo at paring Katoliko para sa mga manggagawa,

“Ang taunang pagdiriwang ng Araw ng Manggagawa sa unang araw ng Mayo ay magandang pagkakataon upang maipahayag ng Simbahan ang kanyang pasasalamat sa mga manggagawa, ang kanyang pagmamalasakit sa kanilang kapakanan at ang kanyang turong panlipunan hinggil sa paggawa upang maitaguyod ang wasto, makatarungan at makataong patakaran sa mundo ng paggawa. Sa taong ito, ibig kong ibahagi ang ilang mahalagang turo ng Simbahan,” bahagi ng ipinalabas na pastoral letter ni Archbishop Antonio Tagle, DD.

Sinabi din ni Tagle na mas mahalaga ang tao kaysa sa kapital at tubo. “Ang tao o ang manggagawa ang pinakamahalagang bahagi ng isang business o produksiyon. Ang paglago ng materyal o pinansiyal na bahagi ng produksiyon ay mahalaga rin subalit hindi kailanman dapat maging dahilan upang pagsamantalahan ang manggagawa. Sa maling pag-aalaga sa kapital at kikitain, nasisira ang dangal ng manggagawa, pati na ang kanilang pamilya at ang buong lipunan,” aniya.

Panawagan ni Tagle na dapat bigyang prayoridad at igalang ang bawat tao.

Ikinatuwa naman ito ng KMU na nagsabing magsisilbing inspirasyon ng mga manggagawa ang mensahe ng obispo sa kanilang mga pakikibaka.

“Sa panahon na ipinapakita ng (administrasyong) Aquino at mga kapitalista ang kawalang malasakit nila sa mga manggagawa, aang pahayag ni Archbishop Tagle ay parang sariwang hangin para sa amin, “ ani Lito Ustarez, pangalawang tagapangulo ng KMU.

Artikulo: Sinulat ni Macky Macaspac, may ulat si Joan Cordero

Mga larawan sa slideshow: Kuha nina KR Guda, Darius Galang, Pher Pasion, Macky Macaspac at Kat Elona