Karapatang Pantao

Bakwit sa ngalan ng ‘kaunlaran’


“Taun-taon, napipilitan kaming lisanin ang aming mga komunidad, ang aming mga tanim na handa nang anihin. Tumitigil sa pag-aaral ang aming mga anak para lamang magtago sa mga lugar na walang kaseguruhan, matulog sa malamig na semento sa mga gym at basketball o eskuwelahan.” Ito ang pahayag ng isa sa mga katutubong dumalo sa kumperensiya ng mga Internally Displaced People.

Depiksiyon ng mga bakwit: Gamit ang mga 'standies', inilarawan ng grupong Karapatan ang kalagayan ng mga bakwit sa iba't ibang panig ng kapuluan. (Macky Macaspac)

Habang nagaganap ang marahas na demolisyon sa Silverio Compound sa Parañaque noong Abril 23, nakatipon naman ang mga bakwit mula sa iba’t ibang lugar sa bansa sa isang kumperensiya sa Quezon City. Tinatalakay nila ang kanilang kalagayan bilang mga bakwit, o mga mamamayang sapilitang lumikas mula sa kani-kanilang tahanan. Bakas sa mukha ng mga katutubo ang hinagpis at galit sa nababalitang demolisyon, kung saan isa ang napaslang. May pagkakahawig kasi ang nararanasan ng mga maralitang lunsod sa nararanasan nila sa kanayunan.

“Kung dito sa kalunsuran pwersahang pinapalayas ang mga maralita dahil sa malalaking negosyo tulad ng SM, sa kanayunan mayroon ding pwersahang pagpapalikas dahil sa mga negosyong agrikultural at malalaking minahan,” sabi ni Genasque Enriquez, pangkalahatang kalihim ng Kahugpong sa Lumadnong Organisasyon (Kasalo), organisayon ng mga katutubong Lumad sa rehiyon ng Caraga. Isa siya sa mga dumalo sa National Conference on Internally Displaced People (IDP), na pinangunahan ng End Impunity Alliance at Ecumenical Voice for Human Rights and Peace in the Philippines.

“Kung nararanasan ng mga maralitang tagalunsod ang brutalidad ng kapulisan, sa amin ay ang malawakang military combat operations naman,” ani Genasque.

6,500 bakwit sa ilalim ni PNoy

Sa tala ng grupong Karapatan, may 6,500 na biktima ng pwersahang pagpapaalis (ebiksyon at demolisyon) at sapilitang paglikas (ebakwasyon) simula noong umupo si Pang. Benigno Aquino III hanggang sa unang kwarto ng 2012. “Minamaliit ng bawat administrasyon ang bilang ng mga IDP,” ayon kay Marie Hilao-Enrquez, tagapangulo ng Karapatan.

Marami sa mga bakwit ay mga katutubo na biktima ng operasyong militar sa ilalim ng Oplan Bayanihan, programang kontra-insurhensiya ni Aquino.

Nakapanayam ng Pinoy Weekly ang mga katutubo mula sa tribong Mamanwa. Isa si Balodoy Inano sa mga lumikas mula sa Brgy. Camam-onan, Gigaquit, Surigao del Norte matapos mabiktima ng pamamaril ng militar. Sa wikang Bisaya, ikinuwento ni Inano na nangangahoy siya kasama ang dalawa pang katutubo noong Marso 23, 2012 nang sumulpot sa kanilang likuran ang mga sundalo at biglang nagpaputok. Tinamaan si Inano sa kaliwang balikat ng bala na tumagos sa kanyang kilikili, samantalang ang dalawa nitong kasamahan ay nakaligtas dahil nagtatakbo pagkakita sa mga sundalo.

“Hindi nila ako ipinagamot, iniwan nila ako matapos humingi ng pasensya,” kuwento ni Inano. Umabot ng isang araw bago siya nakita ng mga kapwa katutubo. Sa panahon na nakahandusay siya sa pinagyarihan ng insidente, umano’y muli siyang nadaanan ng isang grupo ng mga sundalo, na nagbigay lamang ng isang pirasong gamot para sa kanyang mga sugat.

Kasabay ng pamamaril kay Inano, binomba ang kanilang mga kabahayan–dahilan para tuluyan nang lumikas ang buong komunidad. Kasama ang mga bata, kababaihan at matatanda sa mahigit isandaang pamilya na nananatili sa tabi ng Gigaquit river hanggang sa kasalukuyan. “Mahirap ang kalagayan sa nilikasan namin. Delikado din dahil tabi ng malaking ilog,” sabi ni Datu Balbino sa wikang Bisaya. Bukod sa kakulangan ng pagkain, marami rin sa mga katutubo ang nagkakasakit, laluna ang mga bata.

Hindi lamang sa bayan ng Gigaquit nagkakaroon ng sapilitang paglikas ng mga Mamanwa. Ayon sa Karapatan-Caraga, may mga lumikas din sa bayan ng Ferlda, Alegria (52 pamilya), Kitcharao (100 pamilya), Puting Bato at Mahaba (32 pamilya). Ayon pa sa grupo, kulang ang suportang ibinibigay ng lokal na pamahalaan sa mga katutubong lumikas. Katuwiran ng lokal na pamahalaan, gawa-gawa lamang ang paglikas ng mga ito (staged evacuation). Ngunit iginigiit ng mga katutubo na lumikas sila dahil sa takot sa mga miltar, na direkta silang inaatake.

Napaiyak ang isang bakwit mula sa Mindanao habang ikinukuwento nito ang naranasang pananakot at pandarahas ng mga militar. Nasa tabi niya si Bai Ali Indayla ng grupong Kawagib Human Rights Alliance. (Macky Macaspac)

Ganito rin ang dahilan ng isa pang Mamanwa na si Bebeth Calinawan Enriquez. Kasama siya sa 215 na pamilyang Mamanwa mula sa Cabadbaran, Agusan del Norte noong Marso. Lumikas umano sila dahil sa walang habas na pambobomba ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines malapit sa kanilang kabahayan. “Sa tuwing may operasyong militar, lumilikas na kami dahil natatakot kami,” ani Bebeth. Naging biktima na kasi si Bebeth ng mga paglabag sa karapatang pantao sa kamay ng militar. Kuwento niya, noong Setyembre 2011, inaresto, ikinulong at iprinesenta siya sa midya bilang isang rebeldeng New People’s Army (NPA). Makaraan ang ilang araw, iprinesenta uli siya sa midya bilang isa namang biktima umano ng landmine ng mga rebelde.

Malalim ang hinanakit ng mga katutubong bakwit. “Taun-taon, napipilitan kaming lisanin ang aming mga komunidad, ang aming mga tanim na handa nang anihin. Tumitigil sa pag-aaral ang aming mga anak para lamang magtago sa mga lugar na walang kaseguruhan, matulog sa malamig na semento sa mga gym at basketball o eskuwelahan. Tinitiis namin ang matinding init at lamig sa mga pinagtagpi-tagping tent at umaasa sa mga pagkaing donasyon at gamot,” ani Genasque.

Ang masaklap, sa oras na bumalik sila sa kanilang mga komunidad ay aabutan nilang wasak ang kanilang mga tahanan. “Patuloy at paulit-ulit naming ibinabangon ang aming mga buhay,” aniya.

Dagdag pa ni Genasque, “Para kaming basura kung tratuhin ng ilang opisyal ng gobyerno at militar na dapat magtanggol sa aming karapatan.” “Buti pa ang minahan ng Taganito nang lusubin ng mga rebelde, pinuntahan agad ng mga taga-Malakanyang. Kami matagal nang humihingi ng tulong pero hindi pinapansin,” sabi naman ng isang katutubong ayaw magpakilala.

Katawagan: Internally Displaced People

Bakwit (mula sa salitang evacuate) ang katawagan sa mga taong lumilikas mula sa kanilang mga komunidad patungo sa isang ligtas na lugar, kadalasan dahil sa armadong tunggalian o armed conflict. “Dalawa ang katangian ng armed conflict, yung isa ay conflict between countries at yung conflict within a country. Kaya dalawa din ang katangian ng refugees,” ani Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan.

Ayon kay Hilao-Enriquez, karaniwan ang Internally Displaced People (IDP) sa loob ng mga bansang mayroong presensiya ang mga rebolusyonaryong kilusan, gaya ng Pilipinas kung saan naroroon ang NPA at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Mula nang ipinatupad ang Batas Militar ni dating diktador Ferdinand Marcos noong dekada ’70, nagaganap na umano ang malawakang paglikas. Sa panahon din kasi ng Batas Militar lumakas at lumawak ang rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa. Nagpatuloy ang isyu ng mga bakwit sa panahon ni dating Pang. Corazon Aquino, ina ng kasalukuyang pangulo. Isa sa mga pinakatampok na kaso noon ay paglikas ng libu-libo sa Marag Valley, Apayao, na nagpatuloy hanggang sa panahon ni dating pangulong Ramos. Ayon kay Hilao-Enriquez, “Sumasahol ang mga kaso ng paglikas sa pagdaan ng panahon at sa bawat pagpalit ng administrasyon.”

Maraming mga IDP sa hanay ng mga mamamayang Moro, dagdag pa niya. “Mas mahirap lamang ang dokumentasyon sa bilang nila dahil hindi organisado ang kanilang paglikas. Pero sa tantiya ng Karapatan, umaabot ito sa libu-libo, tulad ng nangyari sa all-out war sa Mindanao nina dating pangulong Estrada at Arroyo,” ani Hilao-Enriquez.

Dahil sa mga proyektong ‘pangkaunlaran’

Isang talaan ng Ibon Foundation na nagpapakita ng saklaw ng pagmimina sa buong bansa, na ikinakabit ng mga katutubo sa militarisasyong kanilang dinaranas.

Tulad ng madalas na katuwiran na kailangang idemolis ang kabahayan ng mga maralitang lunsod para tayuan ng mga condominium at iba pang komersiyal na istruktura, ang sapilitang paglikas ng mga katutubo at iba pang mamamayan sa liblib na mga lugar sa kanayunan ay upang bigyan-daan ang mga proyektong diumano’y para sa kaunlaran, tulad ng minahan, malalaking dam, at plantasyong agrikultural.

Nitong Marso 31, 2012, inaprubahan ng gobyernong Aquino ang 56 na Mineral Production Sharing Agreement na may kabuuang saklaw na 130,420.725 ektarya (o 6.9% ng kabuuang land area ng rehiyong Caraga) at 16 na Exploration Permits na may kabuuang saklaw na 31,716.22 ektarya.

Samantala, sa probinsya ng Compostela Valley, libu-libong ektarya ng lupain sa Pantukan ang sakop ng mga dayuhang operasyon ng mina tulad ng Nationwide Development Corporation (1,656 ekt.), Napnapan Mines Resource and Corporation (4,912 ekt.), Blue Mountain Exploration Mining (1,600 ekt.), Lion Share Mining Company (4,000 ekt.), Southern Horizon (2,000 ekt.), at Russel Mines and Minerals, Inc. (1,656 ekt.).

Ito ang dahilan ng malawakang operasyong militar at hamletting sa naturang lugar, ayon kay Maria Lou Lambo, isang guro sa komunidad ng Lubog, Tibagon, Pantukan. “Tumindi ang operasyong militar nang magsimula ang mga operasyon ng mina sa aming lugar,” aniya. Napilitang lumikas si Lambo dahil sa pananatili ng mga sundalong militar, na pinagbibintangan umano siyang tagasuporta ng NPA at nagtuturo sa mga bata ng aralin ng mga rebelde.

Ang militarisasyon na kaakibat ng pagpasok ng mga minahan ang itinuturong sanhi ng pamamaslang kay Jimmy Liguyon, isang lider-katutubong Matigsalog. Noong Marso 5, pinaslang si Liguyon ng isang grupong paramilitar ng mga Lumad, ang New Indigenous People’s Army Reform (NIPAR) na kadikit ng 8th Infantry Batallion na nakabase sa Halapitan, San Fernando, Bukidnon. Matibay ang paniniwala ni Sharon Liguyon, asawa ni Jimmy, na pinaslang ang kanyang asawa dahil sa mahigpit nitong pagtutol sa pagpasok ng minahan sa San Fernando.

Simula nang paslangin si Jimmy, napilitan na ring lumikas ang kanyang buong pamilya, kasama ang 19 pang pamilya ng mga Matigsalog, upang makatiyak sa kanilang kaligtasan. “Hindi kami babalik sa aming lugar hangga’t hindi naaresto ang pumaslang sa aking asawa at matiyak namin ang aming kaligtasan sa aming komunidad,” ani Sharon sa kumperensiya.

Panawagan ng mga grupo ang kagyat na pagpapatigil sa lahat ng operasyong militar upang makabalik sila sa kani-kanilang mga komunidad. Iginigiit nilang kilalanin ang kanilang karapatan sa lupang ninuno. Mabagal at paunti-unti umanong pinapatay ang mga katutubo sa tuluy-tuloy na militarisasyon sa ngalan ng ‘kaunlaran’ na iilan lamang ang makikinabang.