Karapatang Pantao

Grupong karapatang pantao kokontrahin ang ulat ng administrasyong Aquino sa UN


Taliwas sa tunay na nangyayari sa bansa ang iuulat ng mga kinatawan ng administrasyong Aquino sa Universal Periodic Review (UPR) sa United Nations (UN) sa susunod na linggo

Nais ng delegasyon ng mga aktibistang pangkarapatang pantao na tutungo sa Geneva, Switzerland sa susunod na linggo na pabulaanan ang magiging ulat ng administrasyong Aquino sa United Nations. (Macky Macaspac)
Nais ng delegasyon ng mga aktibistang pangkarapatang pantao na tutungo sa Geneva, Switzerland sa susunod na linggo na pabulaanan ang magiging ulat ng administrasyong Aquino sa United Nations. (Macky Macaspac)
Nais ng delegasyon ng mga aktibistang pangkarapatang pantao na tutungo sa Geneva, Switzerland sa susunod na linggo na pabulaanan ang magiging ulat ng administrasyong Aquino sa United Nations. (Macky Macaspac)

Taliwas sa tunay na nangyayari sa bansa ang iuulat ng mga kinatawan ng administrasyong Aquino sa Universal Periodic Review (UPR) sa United Nations (UN) sa susunod na linggo.

Ito ang sasabihin ng mga grupong pangkarapatang pantao, sa pagtungo nila sa Geneva, Switzerland kasabay ng pagharap ng gobyerno ng Pilipinas sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa Mayo 29.

Sa UPR, bubusisiin ang rekord ng administrasyong Aquino sa pagpapatupad ng karapatang pantao sa bansa.

Sa isang press conference bago tumulak sa Geneva, sinabi ng grupong Philippine UPR Watch, na taliwas sa ulat ang tunay na nangyayari sa bansa.

“Sa kabila ng mga pahayag ng gobyerno hinggil sa karapatang pantao, patuloy pa rin ang ekstra-hudisyal na mga pamamaslang at lumalala ang kahirapan mula noong huling pagrebyu sa rekord ng Pilipinas noong 2008,” sabi ni Fr. Rex Reyes, katuwang na pinuno ng delegasyon at pangkalahatang kalihim ng National Council of Churches in the Philippines (NCCP).

Isinumite rin ng delegasyon sa UNHRC ang kanilang alternatibong ulat na naglalarawan ng diumano’y kawalang katuparan ng gobyerno sa obligasyon nito sa mga pinirmahang tratado hinggil sa karapatang pantao. Kasama rin sa ulat ang patuloy umanong paglabag ng gobyerno sa sibil, pulitikal, ekonomiya at panlipunang karapatan.

Sinabi pa ni Reyes na sa loob ng apat na taon mula noong unang UPR noong 2008, na walang pagbabago sa kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas, at patuloy umanong namamayani ang impunity o kawalan ng pananagutan.

“Alam ng buong mundo ang kabiguan ng administrasyong Aquino na hulihin at maparusahan si Jovito Palparan at iba pang high profile fugitives,” ani Reyes.

Lubhang napakaliit din ang isang porsiyento ng paghatol sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao kasabay ng “napakabagal” na pagdinig sa mga kasong ito dagdag pa ni Reyes.

“Walang dapat na ipagmalaki ang gobyerno sa internasyunal na komunidad,” sabi pa ni Reyes.

Tampok sa alternatibong ulat ng grupo ang malawakang demolisyon sa mga komunidad ng mga maralita, tulad ng naganap na madugong demolisyon sa Silverio Compound sa Paranaque kung saan isang residente ang namatay.

Bibigyang-diin din ng grupo ang pananatili ng mababang pasahod sa mga manggagawa, kawalan ng sapat na trabaho at lumolobong bilang ng mga walang trabaho. Kasama din ang paglabag sa karapatan ng mga katutubo sa sariling pagpapasya dahil umano sa pagpasok ng mga malalaking dayuhang pagmimina.

“Mahalagang bahagi ng karapatang pantao ang karapatang pang-ekonomiya at ang Pilipinas ay pumirma sa Convention on Economic Social and Cultural Rights. Kailangang managot ang gobyerno sa tumataas na bilang ng unemployement, kagutuman at kahirapan,” sabi ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at isa sa mga delegado ng UPR Watch.

Ayon sa lider ng Bayan, ipinangalandakan ng gobyerno sa ulat nito na agresibo ito sa pagpapatupad, pagkilala sa sa pang-ekonomiya, panlipunan at kultural na karapatan ng mga mamamayan gayundin ang pagbibigay solusyon sa nararanasang kahirapan.

Ngunit para sa grupo, pawang dole-outs lang ang mga programa ng gobyerno tulad ng conditional cash transfer  at iba pang proyektong hindi umano malinaw ang pagpapatupad.

Maliban pa dito, tampok din sa kanilang ulat ang 76 na kaso ng ekstra-hudisyal na mga pamamaslang at daang kaso ng iba pang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Aquino.

Ilan lamang sa mga kasong ihaharap ang pagpaslang kay Fernando Baldomero, Dr. Leonard Co, Fr. Fausto Tentorio, Jimmy Liguyon at ang batang si Sunshine Jabinez.

Gayundin, ipapakita ng grupo sa Geneva sa pamamagitan ng kanilang alternatibong ulat ang ang kalagayan ng mga katutubong lumilikas dahil sa umano sa mapanirang proyekto tulad ng dam, plantasyong agrikultural at dayuhang pagmimina, ang patuloy na pagkakabilanggo ng mga biktimang Moro ng deklarasyon ng “state of lawlessness” sa Mindanao ni dating Pangulong Arroyo at ang patuloy na pagbabansag sa mga batang biktima ng paglabag bilang mga batang mandirigma.

“Ang ulat ng gobyerno ay maganda sa papel lamang. Mistulang paraiso ang pagkakasulat para pagtakpan ang katotohanan na napakasama ng kalagayan ng karapatang pantao sa bansa. Sa totoo lang, ang ulat ng gobyerno ay hilaw dahil wala itong katuturan para sa mga biktima,” ani Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan at isa sa mga pinuno ng delegasyong UPR watch.

Kasama sa mga organisasyong bumubuo ng delegasyon UPR Watch ang Karapatan, NCCP, Bayan, Ibon Foundation, Children’s Rehabilitation Center, Moro-Christian People’s Alliance, Migrante at iba pa.