Karapatang Pantao

‘Pista ng paglabag sa karapatang pantao’

Tumitindi ang atake sa mga komunidad ng mga magsasaka sa Timog Katagalugan. Nitong panahon ng pista ng Pahiyas, hindi sila nagdiwang, kundi nagprotesta

Tangan ng isang magsasaka ang poster na 'Wanted Palparan', inakusahan ng iba't ibang grupo si dating heneral Jovito Palparan na siyang may kagagawan umano ng maraming pagpaslang sa rehiyon ng Timog Katagalugan kung saan siya nadestino. (Macky Macaspac)
Tangan ng isang magsasaka ang poster na 'Wanted Palparan', inakusahan ng iba't ibang grupo si dating heneral Jovito Palparan na siyang may kagagawan umano ng maraming pagpaslang sa rehiyon ng Timog Katagalugan kung saan siya nadestino. (Macky Macaspac)

“Walang ipinagdiriwang ang mga mamamayan ng Quezon. Sa halip, nagluluksa sila dahil sa matinding militarisasyon na patuloy na banta sa kanila at kanilang kabuhayan.”

Ito ang sinabi ni Peter Gonzales, tagapagsalita ng Task Force Stop Militarization at Save the People of Quezon, sa harapan ng Kampo Aguinlado, punong kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), noong Mayo 15.

Noong araw na iyon, ginanap ang pistang Pahiyas sa Lucban, Quezon. Ito ang taunang kapistahan ni San Isidro Labrador, bilang pasasalamat sa magandang ani ng mga magsasaka. Pero sa halip na magdiwang, nagmartsa ang mga magsasaka bitbit ang isang tunay na kabaong na simbolo umano ng malawakang paglabag sa Karapatang pantao sa probinsiya ng Quezon at sa iba pang panig ng rehiyong Timog Katagalugan.

Sa halip na magdiwang para sa kapistahan ni San Isidro Labrador, nagmartsa at nagprotesta ang mga magsasaka mula sa probinsiya ng Quezon upang kondenahin ang diumano'y malawakang paglabag sa karapatang pantao na idinudulot ng matinding militarisasyon.  (Macky Macaspac)
Sa halip na magdiwang para sa kapistahan ni San Isidro Labrador, nagmartsa at nagprotesta ang mga magsasaka mula sa probinsiya ng Quezon upang kondenahin ang diumano'y malawakang paglabag sa karapatang pantao na idinudulot ng matinding militarisasyon. (Macky Macaspac)

Ayon sa Karapatan, ilan lamang sa kaso ng paglabag sa Karapatang pantao ang naranasan ni Christopher Prieto na taga-Sityo Pilsen, Brgy. Cambuga, Mulanay, Quezon. Pinaratangan si Prieto ng pinaghihinalaang mga militar na nagtatago ng mga baril noong Mayo 9.  Dahil sa pananakot, nilisan ni Prieto ang kanilang lugar.

Takot din ang namamayani kay Genelyn Dichoso, matapos tanggihan niya ang P150,000 na perang iniaalok sa kanya ng mga elemento ng 76th Infantry Batallion ng Philippine Army para di-magsampa ng kaso sa pagkamatay ng kanyang pamangkin na si Manilyn Caribot. Namatay si Caribot, 17-anyos, nang mag engkuwentro ang mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) at 85th IB ng Army noong Abril 29 sa Lopez, Quezon. Ayon pa sa Karapatan, hinalughog ang bahay ni Dichoso habang inililibing ang kanyang pamangkin.

“Mga magsasaka ang sinasalanta ng Oplan Bayanihan, na nagtatago sa mga katagang ‘peace and development’. Sa totoo lang, walang kahit anino ng kapayapaan o kaunlaran na aming naransan.  Maliban na lang kung aalis ang mga militar,” ani Gonzales.

Binatikos din ng grupo ang AFP na nagpahayag na walang kahit isang kaso ang naisampa laban sa  hanay ng militar sa loob ng unang apat na buwan ng taon, at pawang mga akusasyon lamang ang  mga naisampa mjula noong Hulyo 2010.

“Tigilan na ng AFP ang pagkakalat ng mga kasinungalingan. Ang mga biktimang humarap sa press conference ang magpapatunay na may mga paglabag,” sabi naman ni Glendhyl Malabanan, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-Timog Katagalugan.

Sa isang press conference kamakailan, humarap sa midya ang mga biktima mula sa Timog Katagalugan. Inilabas nila ang  kanilang mga hinaing hinggil sa mga kaso ng paglabag sa Karapatang pantao sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ipinakita ng mga grupong pangkarapatang pantao sa Quezon ang mga basyo ng bala na mula sa militar, sa isang press conference ng Karapatan-Southern Tagalog, hinggil sa militarisasyon sa naturang probinsiya. (Kat Elona)
Ipinakita ng mga grupong pangkarapatang pantao sa Quezon ang mga basyo ng bala na mula sa militar, sa isang press conference ng Karapatan-Southern Tagalog, hinggil sa militarisasyon sa naturang probinsiya. (Kat Elona)

Kuwento ng karahasan

Pauwi na umano ang asawa ni Mirasol na si Felix Baston, isang magsasaka, mula sa pagbebenta ng puso ng saging isang umaga noong ika-27 ng Marso, 2011. Pambili ni Felix ng bigas para sa pamilya ang pinagbentahan ng puso ng saging. Ayon sa mga nakasaksi, tinambangan siya ng 85th Infantry Battalion ng Army na mulang Camp San Miguel Dao sa Lopez, Quezon habang naglalakad. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nahahanap si Felix.

“Pinagbintangang NPA ang asawa ko. Bakit siya pinagbintangang NPA? Wala naman siyang dalang baril, itak lang,” sabi ni Mirasol.

Sinabi ng mga biktima na karamihan sa mga dinurukot na mga magsasakat at iba pang sibilyan sa Quezon Province ay pinagbibintangang miyembro ng NPA bagama’t walang sapat na basehan.

Ilang kilometro mula sa tahanan nila Mirasol sa Macaleleng, isang magsasaka din ang pinagbintangang miyembro ng NPA. Nag-aararo at nangunguha lamang daw ng niyog ang magsasakang nagngangalang Biloy nang bigla siyang damputin at dalhin sa kampo ng mga militar, ani Orly Marcellana, tagapagsalita ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK).

Hindi lamang mga magsasaka ang biktima ng mga pandarahas na ito, maging ang mangingisdang si Dondon Peros ng San Andres, Quezon ay nakaranas din at ninakawan pa umano siya ng 74th Infantry Battalion ng Philippine Army ng bangka at bigas.

“Pagsasaka at pangingisda pa naman po ang pangunahing kabuhayan dito, tapos ninanakawan pa kami,” ani Peros.

Maraming sibilyan sa kanayunan ang nagiging biktima ng pamamaslang tuwing may labanan sa pagitan ng NPA at mga militar, dahil madalas itong maganap sa mga komunidad, ayon sa Karapatan-ST.

Sa kabila ng lumulobong tala ng paglabag sa mga Karapatang pantao, wala umanong ginagawang hakbang ang lokal na pamahalaan ng Quezon upang solusyonan ang mga ito. “Lumapit nga kami sa mga opisyal ng Macaleleng, pero ang sabi nakakaabala lang daw kami,” ani Mirasol.

Lupain ng ligalig

Ibinalandra ng mga magsasaka ang isang kabaong sa harapan ng Camp Aguinaldo bilang protesta sa malawakang militarisasyon sa probinsiya ng Quezon. (Macky Macaspac)
Ibinalandra ng mga magsasaka ang isang kabaong sa harapan ng Camp Aguinaldo bilang protesta sa malawakang militarisasyon sa probinsiya ng Quezon. (Macky Macaspac)

Isa mga pinakamayamang lalawigan sa bansa ang probinsiya ng Quezon sa Timog Katagalugan.  Mayaman ito sa agrikultural na produksiyon gaya ng mais, palay, niyog at iba pa. Sagana din ito sa yamang mineral, at iba pang likas-yaman mula sa kabundukan at karagatan. Pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente dito.

May apat na distrito ang Quezon Province. Ang ikatlo at ikaapat na distrito ay tinaguriang South Quezon at Bondoc Peninsula na sentro ng produksiyong agrikultural kaya’t dito matatagpuan ang malaking bilang ng mga magsasaka at mangingisda. Nasa dalawang distritong ito ang mga proyektong pangkaunlaran ng gobyerno gaya ng Bio-Diesel sa Gumaca, Mirant Powerplant sa Atimonan, at Dam sa Macalelon.

Karamihan sa mga residente dito, tutol sa mga proyektong nais ng gobyerno, dahil masasagasaan nito ang kanilang tirahan at kabuhayan. Maaari silang mailipat sa malayong lugar kung saan malayo ang kanilang kabuhayan kung ipagpapatuloy ang mga proyektong ito ng gobyerno.

Tinagurian namang hacienda belt ang Bondoc Peninsula dahil sa libu-libong ektaryang lupang-sakahan na pagmamay-ari ng pamilyang Murray, Soleta, Estrada-Quizon, Tan, Reyes, at Matias.

Tutol din ang mga magsasakang taga-Quezon sa pangangamkam ng mga lupain nila ng iilang panginoong maylupa. Matagal na nilang ipinaglalaban na mabalik sa kanila ang lupang sakahan, at magkaroon ng reporma sa lupang sakahan.

Dahil sa pagdami ng bilang ng mga militar sa bahaging ito ng Quezon, nadiskaril ang pamumuhay ng mga residente dito na naglalayon umanong supilin ang paglaban ng mga mamamayan sa mga panginoong maylupa at sa gobyerno, ayon sa Karapatan-ST.

“Takot na ang karamihan sa mga sundalo. Paano na ang kabuhayan namin? ‘Di na ako nakakapag-araro. ’Yung iba nasa kalsada na nagtitirik ng bahay, natatalon ‘pag may mga sundalo,” ani Marcellana.

Kapag hindi umano pumayag ang mga residente sa gusto ng mga sundalo, nangunguha sila ng mga alagang manok ng mga naninirahan doon, at iba pang ari-ariang maaari makuha.

Sa kasalukuyan, walong batalyon ang nakatalaga sa South Quezon at Bondoc Peninsula.

Ayon sa Karapatan, nakatalaga dito ang 85th, 76th, 74th, at 59th IB ng Army. Kabilang din ang 1st Special Forces ng Army, 201st Brigade, 2nd Infantry Division, Citizen Armed Force Geographical Unit, at 416th Provincial Police Mobile Group.

Ito ang pinakamaraming batalyong naitalaga sa bahaging ito pa lamang ng Quezon Province.

“Naalarma kami sa tunay na intensyon ng malawakang militarisasyon. Ang sabi ng AFP bahagi ito ng kanilang pamamaraan para lusawin ang NPA, pero mga sibilyan sa kanayunan ang nagiging pangunahing biktima ng pang-aabuso ng mga sundalo,” ani Malabanan.

Tanggalin ang Oplan Bayanihan

Hindi nagdiriwang ang mga magsasaka sa Quezon, kundi nagpoprotesta. (Macky Macaspac)
Hindi nagdiriwang ang mga magsasaka sa Quezon, kundi nagpoprotesta. (Macky Macaspac)

Ayon sa ulat ng Karapatan, ang militarisasyong ito ay bunsod ng programang Oplan Bayanihan na programang kontra-insurhensiya o kontra sa mga taong lumalaban sa gobyerno. Katulad umano ito ng Oplan Bantay Laya noon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo.

Sa ilalim ng Oplan Bantay Laya ni Arroyo noon, umabot sa 1,206 ang biktima ng pulitikal na pamamaslang, 206 ang mga dinukot, at libu-libong kaso ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao ang naitala.

Itinatago ng pamahalaan ang Oplan Bayanihan sa ngalan ng “kapayapaan at kaunlaran”. Ayon sa mga grupong pangkarapatang pantao, “balatkayo” lamang daw ang paggalang umano nila sa karapatan ng mga tao sa pamamagitan ng dental at health missions, at iba pa. Ang katunayan, matapos nito, minamaltrato nila ang mga sektor sa nayon.

“Dapat ng paalisin ang kasundaluhan sa kabundukan. Sa halip na pinagtatanggol kami, dinadahas pa kami,” ani Marcellana.

Hindi lamang mga residente ng Quezon Province ang nakararanas ng mga paglabag sa karapatang pantao. Noong termino ni Arroyo, naitalang 180 ang kaso ng pulitikal na pamamaslang, 32 kaso ng pandurukot, at iba pang kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa Timog Katagalugan.

Para sa mga militanteng magsasaka ng rehiyon, nakadisenyo ang programang kontra-insurhensiya para depensahan ang despotikong mga panginoong maylupa at malalaking negosyante sa lugar.

“Inaalagaan lang ng mga militar ang interes ng mga panginoong maylupa at may-ari ng malalaking negosyo sa nayon,” sabi ni Pedro Gonzales, pangkalahatang kalihim ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas-Timog Katagalugan (Pamalakaya-TK).

Kasabay ng pagkondena  at panawagan na agarang paalisin ang mga militar sa probinsiya ng Quezon, nagsampa rin ang grupo ng kaso sa Commission on Human Rights. Isa namang resolusyon ang isinampa ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano na nagpapanawagan ng imbestigasyon sa mga paglabag sa Karapatang pantao sa Quezon at agarang pagpapa-alis sa mga militar sa naturang lugar.

“Ang Oplan Bayanihan ni Aquino ay bumibiktima sa buhay at aria-arian ng libu-libong  magsasaka. Hinihiling namin ang kagyat na pag-alis ng puwersang militar sa Timog Quezon at Bondoc Peninsula,” pahayan ni Mariano.

Iginigiit naman ng mga magsasaka at kamag-anak ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao, na hangga’t manhid ang administrasyong Aquino sa panawagan ng mga mamamayan para sa kanilang mga batayang karapatan, wala silang pagpipilian kundi ang manindigan at lumaban.

May ulat ni Kat Elona