Rehimeng Marcos Jr., patuloy sa paglabag sa karapatan–PH UPR Watch
“Nagsisinungaling ang gobyerno ng Pilipinas sa totoong sitwasyon ng mga komunidad at sa miserableng kabiguan nito sa pagtalima sa pangako nito sa international community,” ani Karapatan legal counsel Ma. Sol Taule.
Sinabi ng delegasyon ng Philippine Universal Periodic Review (UPR) Watch na hindi bumuti ang kalagayan ng karapatang pantao sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., taliwas sa ibinubuladas ng mga opisyal ng gobyerno sa mga kasaping estado ng United Nations (UN).
Sa ika-55 sesyon ng UN Human Rights Council (UNHRC) sa Geneva, Switzerland, ibinahagi ng delegasyon ng gobyerno na gumagawa ng mga signipikanteng hakbang ang administrasyong Marcos Jr. para protektahan ang mga karapatan ng mamamayan.
Ngunit sa isang side event ng sesyon noong Mar. 14, sinabi ng Philippine UPR Watch na nagpapatuloy ang pagpapatupad ng kasalukuyang rehimen sa mga mapaniil at mapang-abusong patakaran ng nagdaang administrasyon ni Rodrigo Duterte.
Tagumpay?
“Ano ang mga sinasabing tagumpay ng gobyernong Marcos [Jr.] habang walang puknat ang mga paglabag sa mga karapatan?” ani sa Ingles ni Ibon Foundation executive director Sonny Africa na bahagi ng delegasyon ng Philippine UPR Watch.
Sa sesyon ng UNHRC noong Peb. 27, sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na pinalalakas ng pamahalaan ang mga mekanismo sa karapatang pantao sa pamamagitan ng UN Joint Program (UNJP).
Sinabi rin niya na magbubuo ang gobyerno ng isang human rights coordinating council (HRCC) para palawakin ang saklaw ng mga programa at partisipasyon ng iba pang mga ahensiya ng pamahalaan at mga civil society organization (CSO).
Ayon kay Africa, kasapi ang Ibon Foundation at human rights watchdog na Karapatan sa technical working group ng UNJP at masasabi nilang walang epekto ang mga capacity-building exercise dahil sa mga mapaniil na batas tulad ng Anti-Terrorism Act na ginagamit upang gipitin ang mga tanggol-karapatan.
“Kung patuloy na hindi papansinin ng gobyernong Marcos [Jr.] ang mga rekomendasyon ng mga UN special rapporteur na bumisita sa Pilipinas kamakailan, tulad ng pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) at pagrebyu sa Anti-Terrorism Act, lalo pang dadami ang mga paglabag sa karapatang pantao,” paliwanag ni Africa.
Panghaharang
Samantala, kasama dapat sa delegasyon ng Philippine UPR Watch sa UNHRC ang dalawang biktima ng pagdukot ng estado at tanggol-kalikasan na sina Jonila Castro at Jhed Tamano ngunit hinarang dahil sa pagdinig sa kasong grave oral defamation na isinampa ng militar laban sa dalawa.
Ani Center for Environmental Concerns executive director Lia Mai Torres na bahagi ng delegasyon, isa sana itong magandang pagkakataon para sa dalawang matatapang na tanggol-kalikasan na maibahagi sa mundo ang kanilang karanasan sa kamay ng gobyernong Marcos Jr.
“Ang kabalintunaan pa dito, kinasuhan ng mga kidnapper ang mga biktimang dinukot nila,” wika ni Torres.
Matatandaang dinukot sina Castro at Tamano noong Setyembre ng nakaraang taon sa Orion, Bataan. Labimpitong araw silang hawak ng militar at inilitaw sa isang press conference ng NTF-Elcac sa Plaridel, Bulacan para ipresenta bilang mga rebeldeng sumuko.
Matapos matapang na isiwalat ang katotohanan sa kanilang pagdukot at ma-rescue ng taumbayan sa Bulacan, sunod-sunod ang paniniktik sa kanila ng mga elemento ng estado at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso para gipitin sila at ang pigilan ang kanilang malayang paggalaw.
Inhustisya
Ibinahagi naman ni Karapatan legal counsel Ma. Sol Taule sa mga graduate student at mga international CSO sa Geneva na may 800 bilanggong politikal ang patuloy na nagdurusa sa Pilipinas. Patunay umano ito ng hindi mabuting kalagayan ng karapatang pantao sa ilalim ni Marcos Jr.
Dahil bigo ang UNJP na mamunga ng mga inaasahang resulta, sinabi ni Taule sa Ingles na kailangang “balikan ng United Nations ang inaprubahang 2019 Iceland resolution para magsagawa ng independiyenteng imbestigasyon.”
Sinabi rin ng abogado ng Karapatan na walang karapatan ang Department of Justice na pamunuan ang HRCC dahil “wala itong kredibilidad sa pagbibigay ng katarungan sa mga biktima ng paglabag sa karaptang pantao, kagaya ng kaso ng kilalang ‘Bloody Sunday’ massacre sa Southern Tagalog tatlong taon na ang nakalilipas na pumaslang sa limang aktibista at marami pang iba sa loob ng isang araw.”
“Nagsisinungaling ang gobyerno ng Pilipinas sa totoong sitwasyon ng mga komunidad at sa miserableng kabiguan nito sa pagtalima sa pangako nito sa international community,” ani Taule.