Magsasaka

CARP: 24 taon ng kawalan ng lupa at kalayaan


Kung nagtagumpay ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa pagbibigay ng lupa sa mga magsasaka, hindi na sila babalik taun-taon sa paanan ng Mendiola para iprotesta ang umano’y huwad na repormang agraryo na pinasimulan ng ina ni Pang. Benigno Aquino III.

Drayber ng isang dumaraang pribadong sasakyan, nagpahayag ng suporta sa kilos-protesta ng mga magsasaka sa Araw ng Kalayaan (Ilang-Ilang Quijano)

Kung nagtagumpay ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa pagbibigay ng lupa sa mga magsasaka, hindi na sila babalik taun-taon sa paanan ng Mendiola para iprotesta ang umano’y huwad na repormang agraryo na pinasimulan ng ina ni Pang. Benigno Aquino III.

Hunyo 12, Araw ng Kalayaan, at dalawang araw makaraan ang ika-24 na anibersaryo ng CARP, mahigit-kumulang 2,000 magsasaka mula sa Gitnang Luzon, Southern Tagalog, at Negros ang naghayag ng kanilang mga testimonya kung paano wala pa rin silang lupa, at kalayaan, sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Mula sa Quezon, nagpupuyos sa galit si Mylene Santoa, tagapag-ugnay ng grupong Piglas-Quezon, at tenante sa Hacienda Tan sa Brgy. Masalaan, bayan ng San Francisco. Nahaharap ang buong South Quezon at Bondoc Peninsula sa matinding militarisasyon bunga ng pagdeploy ng walong batalyon ng Philippine Army para “durugin” ang New People’s Army (NPA).

Mylene Santoa, tenanteng magsasaka sa Quezon: Pinagbibintangang NPA dahil ipinaglalaban ang lupa (Ilang-Ilang Quijano)

Dinukot ng militar si Santoa at ininteroga sa loob ng walong oras, pilit siyang pinaaamin na kasapi ng NPA. “Kung NPA kami, pupunta pa ba kami rito para iparating ang aming mga hinaing?” aniya sa kanyang talumpati sa entablado.

Kuwento niya sa Pinoy Weekly, pinupuntahan ng mga miyembro ng 74th Infantry Batallion ang mga lider-magsasaka sa kanila-kanilang bahay. “Bakit daw kami hindi na lang makuntento sa pagiging tenante,” aniya.

Nasa mahigit 3,000 ektarya ng niyugan sa kanilang lugar ang matagal nang pagmamay-ari ng asenderong si Juanito Tan. Nang mamatay ito, pinaghati-hatian ng kanyang mga anak ang lupa, at walang napunta sa mga magsasaka, sa kabila ng umano’y pagiging saklaw nito ng CARP.

Umiiral ang klasikong pyudal na relasyon: 40 porsiyento lamang ng ani ang napupunta sa kanila, habang 60 porsiyento ang napupunta sa mga asendero. “Sa amin pa ‘yung gastos sa produksiyon. Kaya sa P5,000 na kinikita namin kada paglulukad (kada dalawang buwan), P500 na lang ang natitira, karamihan ay pambayad-utang,” ani Santoa. Halos hindi na umano makapag-aral ang kanyang mga anak.

Ayon sa datos ng Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK), may 16,000 ektarya sa South Quezon at Bondoc Peninsula ang nananatili sa kamay ng mga asendero. Kabilang na dito ang tiyuhin ng pangulo na si Eduardo “Danding” Cojuangco Jr.

Nang tanungin kung bakit tutol siya sa ekstensiyon ng CARP, iginiit ni Santoa na nabigo ito na ipamahagi ang mga lupain, at nagbibigay lamang ng huwad na pag-asa sa mga magsasaka. Iginigiit niya ang libreng pamamahagi ng lupa, gaya ng nakasaad sa isinusulong na Genuine Agrarian Reform Bill ng Anakpawis Party-list. Paliwanag niya, sa ilalim ng CARP, “hindi rin naman naming kayang bayaran ang Land Bank sa loob ng 30 taon, at mawawala rin sa amin ang lupa.”

"Yankees, Go Home!", isa sa mga popular na islogan noong napatalsik ang baseng Kano noong 1992. Pinaniniwalaang muling nagbabase ang US sa Pilipinas sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement. (Ilang-Ilang Quijano)

Samantala, sa sarbey na isinagawa ng National Federation of Sugar Workers (NFSW), lumalabas na 41 porsiyento ng agrarian reform beneficiaries na manggagawa sa tubuhan, o 25, 336 sa 61,375, ang naagawan muli ng lupa dahil sa mga iskemang non-land transfer ng CARP, gaya ng Stock Distribution Option (SDO) at corporate joint venture.

Katunayan, lumobo pa nang 5,030 ektarya ang pag-aari ni Cojuangco sa buong isla ng Negros, nang dahil sa nasabing mga iskema sa ilalim ng nakaraang 24 taon ng CARP, ayon sa NFSW.

“Isang kabalintunaan na habang ipinagdiriwang ng bansa ang ika-114 na taon ng umano’y kalayaan nito, alipin pa rin ng pyudal na pagsasamantala ang mga magsasaka, ang mayorya ng mga Pilipino. Ang esensya ng repormang agraryo ay ang libre pamamahagi ng lupa; ito ang pinakamahalagang elemento ng ating kalayaan ngayon,” ani Rodelson Mesa, pangkalahatang kalihim ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura.

Matapos ang kilos-protesta sa Mendiola, nagtungo ang mga magsasaka at iba pang sektor mula sa progresibong mga organisasyon sa embahada ng Estados Unidos. Hinarang sila sa daan ng mahigit-kumulang 50 na pulis. Sa isang programa sa Kalaw Ave., binatikos ng mga grupo ang “pagpapakatuta” ni Pangulong Aquino sa mga interes pang-ekonomiya at pangmilitar ng US, na umano’y patunay ng patuloy na kawalan ng kalayaan ng bansa. (Panoorin ang bidyo ng protesta sa US embassy)  

Iba pang mga larawan ng kilos-protesta:

Gaya ng mga watawat ng Pilipinas na nagkalat sa Kamaynilaan noong araw na iyon, iwinawagayway ng mga magsasaka ang kanilang mga bandila na sumisimbolo ng kanilang patuloy na paglaban para tunay na kalayaan. (Ilang-Ilang Quijano)

 

Martsa ng mga magsasaka patungo sa US embassy, bitbit ang panawagang palayasin ang mga tropang Kano (Ilang-Ilang Quijano)
Kahit naka-dilaw, hindi pro-Aquino ang demonstrador na ito: Binabatikos niya ang pagpapatuloy ng pangulo sa di-pantay na relasyon ng US at Pilipinas. (Ilang-Ilang Quijano)

 

Istrimer na iniladlad ng rebolusyonaryong grupo sa overpass sa Mendiola, para iparating ang kanilang solusyon sa kawalan ng tunay na reporma sa lupa. (Ilang-Ilang Quijano)
Hinarang ng pulisya ang mga demonstrador pagdating sa US embassy, isang indikasyon umano ng interes na pinagsisilbihan ng mga puwersa ng estado. (Ilang-Ilang Quijano)