Migrante

Pinoy OFWs: Tagasalba na, pinahihirapan pa


Ginagawang pampalutang (ng ekonomiya), pinagkakakitan, tapos papabayaan — iyan ang kalagayan ng milyun-milyung migranteng Pilipino sa ilalim ng administrasyong Aquino, ayon sa Migrante International

Cherry Clemente ng Migrante: Lalong pagpapahirap sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, sa ilalim ng administrasyong Aquino. (Darius Galang)
Cherry Clemente ng Migrante: Lalong pagpapahirap sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, sa ilalim ng administrasyong Aquino. (Darius Galang)

Isa sa pinakamalaking sakripisyong binabalikat ng maraming bilang ng mga Pilipino ang pangingibang bansa para sa kabuhayan ng kanilang mga pamilya. Malinaw ang dahilan ng pangingibang-bayan: kawalan ng sapat na trabaho sa Pilipinas.

Ayon sa Department of Labor and Employment ng gobyerno, aabot na sa 15 milyong Pilipino na nasa ibang bansa.

Kaalinsabay ng nalalapit na pagtatapos ng ikalawang taon ng panunungkulan ni Pang. Benigno Aquino III sa poder, sinuri ng Migrante International ang kalagayan ng migranteng Pinoy sa buong mundo.

Dahil sa kawalang trabaho

Napag-alaman ng Migrante na sa kabila ng hirap ng pangingibang-bansa, lalong tumataas ang bilang ng mga Pilipinong lumabas ng bansa. Umabot ito sa 5.2 porsiyento, o karagdagang 1.23 milyong Pilipino noong nakaraang taon mula noong 2010.

Makikita umano ito sa datos mismo ng gobyerno: Ayon sa Department of Labor and Employment ng gobyerno, aabot na sa 15 milyong Pilipino na nasa ibang bansa.

Ayon sa Migrante, may direktang kinalaman ang paglaki ng bilang ng mga nangingibang bansa sa pagtindi ng kawalang trabaho at oportunidad sa Pilipinas. Sa tala mismo ng National Statistics Office, napag-alamang tumaas nang 7.2 porsiyento noong isang taon ang tantos ng kawalan ng trabaho, mula sa 7 porsiyento noong 2010.

Tumaas rin sa 19.1 porsiyento ang tinatawag na underemployed, mula 17.9 porsiyento noong 2010. Direktang may kinalaman umano ito sa pagtaas ng bilang ng mga nangingibang bansa. Sa ngayon, isa sa apat na Pilipino ang walang sapat na trabaho o underemployed.

Walang malinaw na programa ang administrasyong Aquino para makapaglikha ng trabaho sa sariling bansa, maliban sa ibinabanderang sunshine industry na business process outsourcing o call centers. Kaya naman, di nakapagtatakang aktibong itinutulak ng gobyerno ang polisiya ng pag-eksport sa lakas-paggawa ng mga Pilipino.

Sa ngayon, ikaapat na sa mundo ang Pilipinas na nagpapalabas ng kanyang lakas-paggawa (nangunguna ang China, Mexico at India). Inamin mismo sa Philippine Development Plan 2011-2016 ni Aquino na isa sa pinakamalaking bahagi ang remitans ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa nakakasalba sa ekonomiya ng bansa. Katunayan, mas malaki ang ganansiya galing sa remitans, galing man sa pormal o impormal na paraan, kumpara sa pinagsamang portfolio investments, business processes outsourcing, pag-eeksport, at turismo.

Hindi sikreto na umaasa ang Pilipinas sa remitans upang isalba ang ekonomiya nito. Noong 2010, umabot na nang 8.7 porsiyento ng Gross National Product ng bansa ang pumapasok na salapi galing sa OFWs sa gitna ng pandaigdigang krisis pangekonomiya.

Dahil sa lumalaking bilang ng mga OFW, nagagawa pa umano ng gobyerno na “gatasan” sila, sa uri ng kaliwa’t kanang koleksiyon, bayarin at buwis.

“Sa OWWA (Overseas Workers Welfare Agency) pa lamang, kumikita na ang gobyerno nang mahigit P5-Milyon bawat araw sa 4,500 Pilipinong lumalabas araw-araw para mag-abroad,” ani Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng Migrante Sectoral Party.

Sa kanilang pagsusuma, aabot ito ng hanggang P80-milyon kada araw, kung ang 4,500 na lalabas ng bansa ay gagastos ng average na P20,000. Hindi pa rito kasama ang babayaran niya sa ahensiya na magpapaalis sa kanya tungo sa ibang bansa.

Walang nangyari sa pangako

Noong kampanya sa pagkapresidente ni Benigno Aquino III, sinabi niyang kaseguruhan sa trabaho at proteksiyon sa kanilang buhay at kabuhayan ang adyenda ni Aquino sa OFWs.

Pero para kay Cherry Clemente ng Migrante Sectoral Party, malayo sa reyalidad ang naganap nang maupo sa puwesto si Aquino. “Nakita natin na sa loob ng dalawang taon (na panunungkulan niya), ang hatol ng mga migrante ay isang malaking kasinungalingan ’yung kanyang mga pangako. Mas naging intensified ang puwersahang migrasyon, sa pagtangi niya at kahit pa ng mga nakaraang administrasyon na magkaroon ng pambansang industriyalisasyon,” ani Clemente.

Pambansang industriyalisasyon, o aktibong pagpapayabong ng batayang mga industriya ng bansa para sa sariling kapakanan, ang isa sa mga itinutulak ng Migrante bilang pangmatagalang solusyon sa kawalang trabaho. Kaalinsabay umano nito ang pagtutulak ng tunay na reporma sa lupa, o pamamahagi at pagbibigay-karapatan sa mga magsasaka na malayang makapagtanim sa mga lupaing sakahan at paunlarin ang produksiyong agrikultural, para sa pangmatagalang paglutas sa kahirapan sa bansa.

Para sa Migrante, malayung malayo sa mga panukalang ito ang ipinapatupad ni Aquino. Sa halip na industriyalisasyon, lalong pagkatali sa dayuhang pamumuhunan at eksploytasyon. Sa halip na repormang agraryo, lalong pagpapalakas ng kontrol ng iilang panginoong maylupa sa mga lupaing agraryo.

At habang pinaiigting ang labor export policy, lantarang bigo rin ang administrasyon sa pagbigay- proteksiyon sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.

Halimbawa nito, ani Clemente ang lalong pagkakalagay sa peligro ang daan-daang Pilipino sa bansang Syria, na nasa gitna ng isang madugong giyerang sibil. Napakalaking problema umano ang repatriation o paglilikas sa mga Pilipinong naiipit sa kaguluhan doon. Pero hindi pa rin natutugunan ng gobyerno ang repatriation ng mga nais nang umuwi sa Pilipinas, ani Clemente.

Kaliwa’t kanan ang mga kaso ng pang-aabuso, pagpapahirap at pagpapabaya sa mga OFW sa buong mundo na naiuulat sa Migrante.

Sila na nga ang nagsasalba sa bayan, sila pa umano ang pinahihirapan.