Special ops, isinasagawa para palayasin mga magsasaka ng Luisita
Idinetalye ng Oplan April Spring ang mga hakbang para makamit ang layuning bakuran ang lupaing inaangkin ng RCBC, kabilang na rito ang panunuhol sa pulisya, mobilisasyon, at paggamit ng midya. Ayon sa mga magsasaka, isa itong patunay ng patuloy na maniobra ng pamilya Cojuangco-Aquino, at kabiguan ng Comprehensive Agrarian Reform Program.

Ibinulgar ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang “Oplan April Spring,” isang espesyal na plano umano ng pamilya Cojuangco-Aquino at Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) para palayasin ang mga magsasaka sa 500-ektaryang lupain sa loob ng Hacienda Luisita.
Sa isang press conference sa Quezon City, ipinamahagi ng grupo ang kopya ng isang plano na ipinadala sa e-mail ni Anacleto Diaz, abogado ng RCBC, kay dating Marikina Rep. Romeo Candazo, na nagpapakilala sa mga magsasaka ng Luisita bilang representante ng bangko. (I-download ang kopya ng Oplan April Spring)
Idinetalye ng Oplan April Spring ang mga hakbang para makamit ang layuning bakuran ang lupaing inaangkin ng RCBC, kabilang na rito ang panunuhol sa pulisya, mobilisasyon, at paggamit ng midya. May badyet ng P1.545 Milyon ang nasabing plano, na mahigit sa kalahati ay nakalaan sa special operations: P650,000 para sa “Law Enforcement Support” at P120,000 naman para sa “PNP (Philippine National Police) Food and Drinks.”
Ibinigay umano sa KMP ang kopya ng plano ng isang insider sa RCBC na “may simpatya sa mga magsasaka ng Luisita.” Naka-attach ang plano sa isang e-mail ni Anacleto kay Candazo noong Marso 30.
Ayon kay Lito Bais, presidente ng United Luisita Workers Union, patunay ito na patuloy na tinatakasan ang reporma sa lupa ng pamilya ni Pang. Benigno Aquino III, sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). “Habang nariyan ang CARP, mahirap ang pakikibaka para sa lupa, dahil patuloy na nakakamaniobra ang pamilya Cojuangco,” sabi ng lider-magsasaka.
“Ang plano ni Aquino na i-extend ang bogus na CARP hanggang 2016 ay bahagi ng mas malaki pang plano kaysa sa Oplan April Spring. Ito ay ang planong pigilan ang distribusyon ng lupa sa buong Luisita,” ayon naman kay Willy Marbella, pangalawang pangkalahatang kalihim ng KMP.
Oplan April Spring
Ang Oplan April Spring ay isang kampanya paalisin sa nasabing lupain ang mga magsasaka na binungkal ito simula noong nakaraang taon. Mayroon itong layunin na: “To mobilize the community in the completion of the fencing and enclosure of the property, eviction of the intruders and its defense against future saboteurs.”
Sa pinal na desisyon ng Korte Suprema noong Abril 24 ngayong taon, hindi nito isinama sa distribusyon ng lupa ang 500-ektarya sa Brgy. Balite na ibinenta ng HLI sa RCBC. Ngunit inaapela ito ng mga magsasaka sa Department of Agrarian Reform (DAR), at iginigiit na ilegal na binenta ng HLI sa RCBC ang lupa.
Ayon kay Bais, kasabwat ng mga Cojuangco-Aquino ang RCBC sa pagsasagawa ng Oplan April Spring, dahil nasa 187-ektarya lamang umano ang pag-aari ng RCBC, at ang natitira ay pag-aari na ng Luisita Industrial Park Corp.
Sa nasabing plano, kasama sa mga aktibidad ang “propaganda and counter propaganda,” kabilang na ang paid advertisements sa mga dyaryo sa Gitna at Hilagang Luzon, na may badyet na P200,000. May badyet din para sa press conferences, press releases, primers, at tarpaulin hanging.
Kasama rin sa mga aktibidad ang “organization and mobilization” na may kabuuang badyet na P410,000. May badyet ang bawat isang tao sa mobilisasyon na P300 kada araw. May badyet din para sa deputization ng Barangay Security Personnel” na P300 kada tao sa isang araw.
Nasa plano rin ang identipikasyon ng mga kaaway at posibleng alyado (“enemies and possible allies”) mula sa lokal na mga lider at grupo.
Bahagi ng estratehiya at taktika ng nasabing plano ang “one big, decisive push to drive out intruders.” Dapat umano itong isagawa sa loob ng 24 oras na may minimum lamang na karahasan, sa tulong ng “sympathetic neutrality” ng pulisya at korte.
Kuwento ni Bais, nakipagdayalogo sa mga magsasaka si Candazo sa isang pulong noong Abril 13 sa Brgy. Buenavista. Inalok umano ni Candazo ang mga lider na iaatras ng RCBC ang mga kasong isinampa laban sa kanila, kapalit ng pagbabakante ng lupain. Mariin itong tinanggihan ng mga lider ng Ambala (Alyansa ng Manggagawang-Bukid sa Asyenda Luisita).
Noong Abril 27, nagkagirian ang mga guwardiya ng RCBC at miyembro ng Ambala na dumepensa sa kubol na kanilang itinirik sa nasabing lupain. Nabigo ang RCBC na paalisin ang mga magsasaka noon.
Ngunit ayon kay Bais, patuloy na nanunuhol ang RCBC sa mga lider-magsasaksa. Kasabay nito, sinisiraan ng umano’y mga tauhan ng Cojuangco-Aquino ang mga lider ng Ambala at ULWU “para hatiin ang aming pagkakaisa,” aniya.
Naghayag din pangamba ang mga magsasaka ng Luisita sa delay ng DAR sa pagbeberipika ng mga benepisyaryo, na ipinirmi ng Korte Suprema sa bilang na 6,296.
“Ini-interview ng DAR kahit ang hindi mga benepisyaryo. Sa ngayon, nasa 8,000 na ang nai-interview nila, at may hanggang Hunyo 22 pa sila. Ibig sabihin, lolobo pa ang bilang na yan. Ang pangamba namin, posibleng magdulot ng delay at lalo pang gulo ang ginagawang ito ng DAR, dahil aasa ang mga hindi benepisyaryo, at posible silang gamitin ng mga Cojuangco,” sabi ni Bais.
Kilos-protesta sa anibersaryo ng CARP
Inanunsiyo ng KMP ang isang malaking kilos-protesta ng mga magsasaka sa iba’t ibang rehiyon sa Hunyo 11 at 12, bilang paggunita sa ika-24 na anibersaryo ng CARP. Tutol sila sa ekstensiyon ng umano’y huwad na programa sa repormang agraryo.
Ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano, “Ang malaking backlog ng DAR sa acquisition at distribusyon ng pribadong mga lupang agrikultural ay patunay nito. Nananatili sa kontrol ng malalaking panginoong maylupa at kompanyang transnasyunal ang malalaking lupain. Nanatiling buo ang mga asyenda gaya ng Luisita, Yulo, at iba pa sa kabila ng pagdaan nito sa 11 programa sa repormang agraryo, at siguradong mananatili itong buo kahit i-extend ang CARP.”

Nagbigay-daan umano ang CARP sa kanselasyon ng libu-libong mga Certificate of Land Ownership Awards, Certificate of Land Transfer, at Emancipation Patent.
Sa halip, ipinapanukala ng Anakpawis ang Genuine Agrarian Reform Bill bilang alternatibo sa CARP. Hinikayat din ng mambabatas ang Catholic Bishops Conference of the Philippines na suportahan ang GARB sa halip na CARP.
Para naman sa Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog-Katagalugan (Kasama-TK), ang matagumpay na repormang agraryo ay “mabilis, radikal at may kakayahang mangumpiska ng lupa,” hindi umano katulad ng CARP na “namimili at hinahahayaan ang malalaking asendero na tumakas sa pamamahagi ng lupa.”
Ayon kay Orly Marcellana ng Kasama-TK, nasa 16,478 ektarya sa Bondoc Peninsula at South Quezon ang nananatili sa kontrol ng mga asendero. “Nananatili itong hacienda belt, sa kabila ng 24 na taon ng CARP,” aniya.
Pinoprotesta rin ng mga magsasaka ang pagdeploy ng walong batalyon ng militar sa Bondoc Peninsula at South Quezon, na nagsisilbi umanong “private army” ng mga asendero, kabilang na ang tiyuhin ng pangulo na si Danding Cojuangco.