Kay PNoy: Negosyo ang tubig


Kasabay ng lalong pagsasapribado ng kuryente, mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan, itinutulak ng administrasyong Aquino ang pagsasapribado sa serbisyo ng tubig. Lumalaban ang mga empleyado sa serbisyong ito

Martsa ng mga empleyado ng water districts patungong Mendiola noong Hulyo 18. (KR Guda)
Martsa ng mga empleyado ng water districts patungong Mendiola noong Hulyo 18. (KR Guda)

Mula sa batis, bukal at iba pang pinagmumulan ng tubig-tabang, hanggang gripo sa bawat tahanan – sa madaling salita, ang buong serbisyo ng tubig: Ito ang nais kontrolin ng administrasyong Aquino para negosyohin ng pribadong sektor.

Kung maipapasa ang Senate Bill 2997 ni Sen. Edgardo Angara at House Bill 5497 nina Marikina Rep. Romero Quimbo at  Davao City Rep. Karlo Nograles, masesentralisa sa isang pambansang opisina ang serbisyo ng tubig. Sentralisado ring maibubukas ito sa lokal at dayuhang mamumuhunan para pagkakitaan ito.

Tutol dito siyempre ang mga empleyado ng iba’t ibang lokal na water districts sa buong bansa. Noong Hunyo 18, sabay-sabay silang nagprotesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa para ihayag ang paniniwalang esensiyal na karapatan ng bayan ang tubig, at di ito maaaring gawing negosyo.

PPP sa serbisyo ng tubig

SB 2997 at HB 5497: Tulak ng pribadong sektor at dayuhang mga institusyong pampinansiya para ibukas sa mga mamumuhunan ang serbisyo ng tubig. (KR Guda)
SB 2997 at HB 5497: Tulak ng pribadong sektor at dayuhang mga institusyong pampinansiya para ibukas sa mga mamumuhunan ang serbisyo ng tubig. (KR Guda)

Unang itinakda ni Pangulong Aquino ang panukalang pagsesentralisa at regulasyon ng water utilities sa buong bansa sa unang pulong ng Legislative-Executive Development Authority (Ledac) noong Pebrero 2011.

Mula rito, naipanukala ni Angara sa Senado, at nina Quimbo at Nograles sa Kamara, ang mga panukalang batas. Ang kanilang dahilan: Marami pa ring Pilipino ang walang akses sa malinis na tubig, at maibibigay lamang sa kanila ito kung masesentralisa ang pangangasiwa ng water utilities at papayagan ang pribadong sektor na makisosyo sa pangangasiwang ito.

Achieving effective water governance will induce investors to come in and would facilitate the unitary approach in the operation of service providers,” sabi ni Nograles, nang isumite ang panukalang batas kasama si Quimbo.

Pero para sa Water System Employees’ Response (Water), alyansa ng mga empleyado ng serbisyo ng tubig at lokal na water districts, napatunayan nang hindi sagot ang pagsasapribado o ang pakikipagsosyo sa pribadong sektor para mabigyang akses ang mga mamamayan ng serbisyong ito.

Anila, napatunayan na ng pagsasapribado ng serbisyo ng tubig sa Kamaynilaan noong 1997 na di totoo ang batayan ng mga panukalang batas. Noong 1997, iginawad ng noo’y administrasyong Ramos ang pamamahagi ng tubig sa Kamaynilaan sa Manila Water (ng mga Ayala) sa East Manila at Maynilad (ng mga Lopez) sa West Manila. Ang resulta: tumaas nang 845 porsiyento (sa mga sineserbisyuhan ng Manila Water) at 449 porsiyento (sa mga sineserbisyuhan ng Maynilad) ang singil sa tubig.

“Habang di naman nagkaroon ng 24/7 na availability ang service areas ng Maynilad, isang water shortage pa ang naganap noong 2010 na nangailangan ng pagrarasyon ng tubig sa maraming lugar ng parehong kompanya,” sabi ng Water, sa position paper nito hinggil sa SB 2997 at HB 5497.

Lalong di naging abot-kamay sa mga mahihirap ang serbisyo ng tubig, anila.

Problema ng pagsasapribado

Jaime Augusto Zobel de Ayala ng Ayala Corp. at Manila Water: Nanguna sa pakikipagsosyo sa gobyerno sa serbisyo ng tubig. (Wiki Commons)
Jaime Augusto Zobel de Ayala ng Ayala Corp. at Manila Water: Nanguna sa pakikipagsosyo sa gobyerno sa serbisyo ng tubig. (Wiki Commons)

Gusto ng dalawang panukalang batas na magbigay ng insentibo sa pamumuhunan ng pribadong sektor (lokal at/o dayuhan). Kabilang na rito ang sampung taong tax holiday (di nila kailangang magbayad ng buwis),  pag-import ng kagamitan nang walang duties, espesyal na realty tax sa makinarya at kagamitan, at maraming iba pa.

Sa pangangasiwa ng serbisyo ng tubig, nais ng SB 2997 at HB 5497 na maisentro ito sa isang “provincial water resource zone”. Ito’y sa halip na nakakalat ang water service sa iba’t ibang water districts sa mga munisipyo tulad ng nakasaad sa Presidential Decree 198 noong taong 1973 na ipinapatupad pa ngayon.  At ang pamprobinsiyang ahensiyang ito’y nasa ilalim ng isang “Water and Sanitation Regulatory Authority”.

Ang ibig sabihin lamang nito, ayon kay Ramir Corcolon, pangkalahatang kalihim ng Water at empleyado ng San Pablo City Water District, ay mergers ng local water districts – na nangangahulugan ng tanggalan. “Nanganganib ang trabaho ng 30,000 empleyado (ng serbisyo ng tubig) sa buong bansa,” aniya.

May batayan ang kanilang pangangamba, dahil naging malawakan din ang tanggalan sa Metropolitan Water and Sewerage System (MWSS) matapos ang pagsasapribado ng serbisyo ng tubig sa Kamaynilaan noong 1997.

Naniniwala si Corcolon na gobyerno pa rin ang pinakamainam na magbigay serbisyo ng tubig sa mga mamamayan. Aniya, minamandato ng Saligang Batas na gobyerno ang dapat magbigay ng pampublikong serbisyo tulad ng tubig. Ito rin ang nakasaad sa mismong resolusyon ng General Assembly ng United Nations noong Hulyo 28, 2010, na nagdedeklarang esensiyal na karapatan ng mga mamamayan ang akses sa malinis na tubig.

Hiling ng Water, maglaan ang gobyerno ng sapat na pondo para suportahan ang lokal na mga water service providers para mapalawak ang kanilang mga operasyon.

Pagkiling sa malalaking negosyante

Bago pa man maipatupad ang mga panukalang batas hinggil sa pagsasapribado ng serbisyo ng tubig, unti-unti nang pinapasok ng malalaking negosyante ang serbisyong ito.

Kuwento ni Corcolon, noong 2007 ay binigay na ng gobyerno sa Manila Water ang pangangasiwa sa malawak na water source sa Cabuyao, Laguna na tinaguriang Matang Tubig. “Magandang water source kasi malakas at sariwa, at halos di nauubusan ng tubig,” sabi niya.

Nakuha ng Manila Water ang 25-taong concession para sa pamamahagi ng tubig hindi lamang sa Cabuyao, kundi sa Sta. Rosa City at Binan sa Laguna. Sa pamamagitan ng AAA Water Corporation na nasa ilalim nito, kontrolado ng Manila Water ang 70 porsiyento ng Laguna AAA Water Corp. na siyang nagsusuplay ng tubig sa naturang mga lugar.

Sa pamamagitan ng SB 2997 at HB 2497, gusto ng administrasyong Aquino na lalong palawakin ang Public-Private Partnerships (PPP) sa serbisyo ng tubig. Gusto nitong sakupin ng negosyo, hindi lamang ang mga gripo sa bawat tahanan, kundi pati ang mga batis, bukal at iba pang pinagmumulan ng tubig-tabang.

Desidido ang Water na labanan ito. “Ang tubig ay buhay. Karapatang pantao na rin ang tubig. Pero nilalabag ito ng gobyerno, sa pagturing sa tubig bilang negosyo,” pahayag pa ng Water.