Karapatang Pantao

40 taon makalipas: Batas militar nagpapatuloy


Muling binagtas ng mga aktibista ng dekada sisenta at otsenta ang daan patungong tulay ng Mendiola sa Maynila para muling gunitain ang malagim na kasaysayan ng deklarasyon na batas militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong Setyembre 21, 1972

Muling binagtas ng mga aktibista ng dekada sisenta at otsenta ang daan patungong tulay ng Mendiola sa Maynila para muling gunitain ang malagim na kasaysayan ng deklarasyon na batas militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong Setyembre 21, 1972.

Marami sa kanila, mga lumaban sa diktadurang Marcos at ang ila’y naging biktima ng paglabag ng karapatang  pantao noong panahong iyon.

Sa pangunguna ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan, protesta ang pamamaraan ng paggunita ng mga aktibista sa batas militar. Anila, nananatili pa kasi sa bansa ang legacy ng diktadura.

Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa rin umano ang pag-iral ng batas militar bagamat hindi klarong nakikita.  Sinabi ng grupo na tulad noong umiiral pa ang batas militar, laganap pa rin ang paglabag sa karapatang pantao tulad ng ilegal na pag-aresto at detensiyon sa mga kritiko ng gobyerno at lumalaban para sa pagbabago. Laganap pa rin ang tortyur, pagdukot at pagkawala, ekstra-hudisyal na pamamaslang, pambobomba at hamletting sa mga komunidad, ebakwasyon at paglaganap at paggamit sa mga para-militar na grupo.

Samantala, sa hiwalay na paggunita ng Pangulong Aquino sa batas militar binatikos nito ang mga paglabag ng militar noon, at sinabing hindi nito umano papayagang umiral muli ang batas militar.

Nagsabit ng mga larawan ng mga biktima ng karapatang pantao noong panahon ng batas militar ang mga aktibista. (Darius Galang)
Nagsabit ng mga larawan ng mga biktima ng karapatang pantao noong panahon ng batas militar ang mga aktibista. (Darius Galang)

Nanawagan ang mga aktibista kay Aquino na “tularan ang kanyang amang si dating Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr.” na lumaban sa tiraniya. Magagawa umano ito ni Aquino sa pamamagitan ng pagbigay ng hustisya sa mga martir at biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao, noon at ngayon.

“Nakakahiya ang pagpuna ni Pangulong Aquino kay Marcos at sa Martial Law, dahil ang mga sinabi niya sa kanyang talumpati ay parehong nangyayari sa ilalim ng kanyang gobyerno. Wala nga lang ng pormal na deklarasyon ng batas militar,” pahayag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Sinabi pa ni Palabay na “nakakatawang pakinggan” si Aquino na tutol sa mga checkpoint noong batas militar samantalang laganap ngayon ito lalo na sa mga kanayunan.

Kahit umano ang ginawang pag-aresto ni Marcos sa mga aktibista at kritiko noon ay nagaganap pa rin sa kasalukuyan.

“May 385 bilanggong pulitikal ngayon, at 170 ang inaresto sa loob ng dalawang taong panunungkulan niya,” sabi ni Palabay. Pero sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita na si Edwin Lacierda, dati nang itinanggi ni Aquino na may mga bilanggong pulitikal sa kanyang panunungkulan – tulad ng pagtanggi din noon ni Marcos.

Tulad din umano noon, laganap din ang pamamaslang na “salvaging” ang turing at extra-judicial killings  naman ngayon.

Sa tala ng Karapatan, mahigit 100 na ang biktima ng EJKs sa dalawang taon ni Pangulong Aquino.

“Parehong Armed Forces of the Philippines at grupong mga paramilitar ang mga salarin,” ani Palabay.  Inihalimbawa niya ang pagpaslang sa isang lider-katutubo sa Agusan del Sur nito lamang Setyembre 13.  Binaril at pinahirapan hanggang sa mapatay umano ng mga mga sundalo at paramilitar si Genesis Ambason, 23-anyos na aktibo sa kampanyang pagtutol sa komersiyal na pagmimina sa kanilang lugar.

Ayon sa grupo, hindi sapat na hustisya ang mga papuri at pag-aalay ng mga bulaklak para sa mga martir na nag-alay ng kanilang buhay sa paglaban sa diktadurang Marcos at sa batas militar.

Pag-alala sa batas militar

Para sa mga mamamayang Moro, tila batas militar pa rin ang nagaganap sa kanilang mga lugar. Hanggang sa kasalukuyan, nakakulong pa rin ang daan-daang Moro na political prisoners -- marami sa kanila'y taong 2001 pa nakakulong. (Darius Galang)
Para sa mga mamamayang Moro, tila batas militar pa rin ang nagaganap sa kanilang mga lugar. Hanggang sa kasalukuyan, nakakulong pa rin ang daan-daang Moro na political prisoners — marami sa kanila’y taong 2001 pa nakakulong. (Darius Galang)

Para sa mga aktibista at beterano ng pakikibaka noong batas militar, malinaw ang mapait na aral na iniwan nito, gayundin ang maningning na pakikibaka ng sambayanan para pabagsakin ang diktaduryng Marcos na suportado ng gobyerno ng US.

“Bigo ang mga nakaraang rehimen pagkatapos ni Marcos, mula sa unang rehimeng Aquino hanggang sa kasalukuyang rehimeng Aquino. Wala pa ring hustisya para sa mga biktima ng batas militar. Apatnapung taong walang hustisya. Kahit ang indemnification bill para sa mga biktima, nakabitin pa rin sa Kongreso,” ani Carol Araullo, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at dati rin bilanggong pulitikal noong batas militar.

Sinabi ni Araullo na walang ipinapakitang interes ang pangulo na mabigyan ng katarungan ang mga biktima.

Isa sa mga muling nagmartsa ang batikang direktor na si Bhen Cervantes na nagsabing hindi dapat kalimutan ang batas militar at mga martir sa panahon na ito.  “Hindi natin dapat kalimutan na pinatay si Lean Alejandro noong 1987, samantalang nais naman maging pangulo ni Bongbong Marcos,” sabi ni Cervantes.  Inalala ni Bhen Cervantes na apat na beses siyang inaresto at ikinulong noon at kabisado na niya ang ABC (Aguinaldo, Bicutan at Crame). Ilan lang ito sa mga detention center na nagsilbing piitan ng mga bilanggong pulitikal noon na ayon sa isang nabilanggo din at ngayon ay propesor sa University of the Philippines na si Judy Taguiwalo, aabot sa 70,000 ang naaresto at nakulong.

Giit nila na wala pa rin hustisyang nakakamit ang mga biktima ng batas militar,  kahit nagsampa ng isang class suit laban kay Marcos ang aabot sa sampung libong biktima.  Bukod kasi sa hindi nasaklaw ng class suit ang lahat ng biktima, marami pa ang naalis sa listahan ng orihinal na complainant sa class suit ng ibigay ang danyos noong nakaraang taon. Sinabi din nila na namamayagpag at nakabalik na sa poder ang pamilyang Marcos, samantalang ang mga biktima ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya.  “Nasaan na ang Marcoses? Nasa poder pa rin sila at wala pa ring hustisya,” ani Taguiwalo.

“Mangangampanya ako laban kay Bongbong Marcos,” pahayag sa midya ni Cervantes patungkol sa planong pagkandidato bilang pangulo ng anak ni dating Ferdinand Marcos.

Kasabay ng paggunita,  hindi rin umano dapat kalimutan ang pag-iral ng malagim na bahagi ng kasaysayan, dahil hindi pa umano nakakamit ang hinahangad na tunay na pagbabago kaya naman tuloy pa rin ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Pinaalalahanan din ng mga beterano ng pakikibakang anti-diktadurya na kailangang ipaalam at ituro sa mga susunod na henerasyon ang tunay na kuwento ng batas militar.

“Ang mapait na aral at dakilang pakikibaka ng sambayanan para pabagsakin ang diktaduryang US-Marcos ay dapat na maituro sa mga susunod na henerasyon,” ani Araullo.