Korporatisasyon ng pampublikong mga ospital, minamadali sa Kamara


Hindi lamang ang 26 na publikong ospital ang nakataya kung matuloy na maipasa ng House Bill 6145 at House Bill 6069, gauyundin ang Senate Bill 3130. Nakataya rito ang karapatan ng mga mamamayang Pilipino sa serbisyong pangkalusugan. Ito ang mensaheng nais ipaabot ng sektor ng pangkalusugan mula sa mga publikong ospital sa harap ng Kamara […]

Nagpiket ang mga manggagawang pangkalusugan sa ilalim ng Alliance of Health Workers para ihayag ang pagtutol sa mga panukalang batas para isapribado ang pampublikong mga ospital. (Pher Pasion)
Nagpiket ang mga manggagawang pangkalusugan sa ilalim ng Alliance of Health Workers para ihayag ang pagtutol sa mga panukalang batas para isapribado ang pampublikong mga ospital. (Pher Pasion)
Nagpiket ang mga manggagawang pangkalusugan sa ilalim ng Alliance of Health Workers para ihayag ang pagtutol sa mga panukalang batas para isapribado ang pampublikong mga ospital. (Pher Pasion)

Hindi lamang ang 26 na publikong ospital ang nakataya kung matuloy na maipasa ng House Bill 6145 at House Bill 6069, gauyundin ang Senate Bill 3130. Nakataya rito ang karapatan ng mga mamamayang Pilipino sa serbisyong pangkalusugan.

Ito ang mensaheng nais ipaabot ng sektor ng pangkalusugan mula sa mga publikong ospital sa harap ng Kamara sa pangunguna ng Alliance of Health Workers upang tutulan ang nasabing mga panukalang batas na naglalayong isailalim sa korporatisasyon ang 26 na publikong ospital sa buong Pilipinas.

“Mas higit na malalayo ang mga mamamayan sa mga ospital sa pagpasok ng pribadong sektor na naglalayong pagkakitaan ang serbisyong pangkalusugan,” ayon kay Jossel Ebesate, pangulo ng Alliance of Health Workers.

Hindi man natuloy sa Kamara ang pagdinig ng Committee on Health sa House Bill 6145 noong Setyembre 4, nananatili pa ring malaking banta ito para sa sektor pangkalusugan at mga mamamayan, ayon sa AHW.

Paliwanag ng AHW, mahalaga ng pagpapakita ng paglaban ng mga sektor pangkalusugan at mga mamamayan dahil kung maipasa ang HB 6145, pagsasamahin na ang HB 6069 (na nauna ng naipasa) at HB 6145 at ipapanik na ito sa Senado.

“Kontra-mahihirap ito (mga panukalang batas). Isa itong nakamamatay na bill para sa sektor pangkalusugan at mismong si Sek. (Enrique) Ona ng Department of Health ang mistulang nagiging tagapagbenta sa pampublikong mga ospital para bigyan-daan ang programang Public-Private Partnership ni PNoy (Aquino),” ani Ebesate.

Ayon sa AHW, lumalabas na determinado ang Kongreso at DOH na isulong ang nasabing panukalang mga batas para malegalisa ang pagsasapribado sa 26 na pampublikong ospital sa pribadong sektor upang pagkakitaan.

“Kung hindi tayo mag-iingay, walang makakaalam sa plano ng mga nasa administrasyon na gawing parang negosyo ang ating pampublikong mga ospital,” paliwanag ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino, na lumabas mula sa loob ng Kamara para makiisa sa nakikibakang sektor pangkalusugan sa labas ng Batasan Pambansa.

Ayon kay Casino, noong Mayo nitong taon nang mabilis na naprubahan sa Kamara ang mga panukalang batas kahit wala man lang na maayos na hearing na ginanap. Hindi inanyayahan ang hospitals administrators, employees associations, at maging ang mga pasyente.

Bayan Muna Rep. Teddy Casino, sa piket sa harap ng Batasan Pambansa. (Pher Pasion)
Bayan Muna Rep. Teddy Casino, sa piket sa harap ng Batasan Pambansa. (Pher Pasion)

“Inaprubahan ito sa loob lamang ng ilang minuto, laluna’t napakahalata (ng implikasyon) ng batas na ito,” ayon kay Casino.

Mas maiigting na protesta ang inihahanda ng sektor pangkalusugan sa buong bansa para ipaglaban ang pampublikong mga ospital at biguin ang administrasyong Aquino.

Ayon sa AHW, lumalawak ang paglaban ng sektor pangkalusugan sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, gaya ng sa Baguio, Cebu, Zamboanga, at iba pang mga ospital na apektado ng nasabing korporatisasyon.

“Sa korporatisasyon ng mga ospital na ito, tuluyan nang magiging negosyo ang serbisyo sa kalusugan. Kung ngayon pa lamang, binabayaran na ang mga serbisyong dati ay libre sa pampublikong mga ospital dahil sa kakulangan ng badyet na inilalaan ng gobyerno, asahan nating sa pagpasok ng pribadong interes, milyong mahihirap nating kababayan ang mamamatay na hindi man lang makatutuntong ng ospital,” ayon kay Casino.

Ayon sa AHW, hindi lamang ito laban ng sektor pangkalusugan kundi pati ng buong mamamayan.

“Hihintayin namin ang susunod na pagdinig sa korporatisasyon ng publikong ospital at asahan ng mga nagsusulong nito ang galit ng mga mamamayan at sektor pangkalusugan. Hindi namin hahayaang mapunta sa pribadong interes ang karapatan nating mga mamamayan sa serbisyong pangkalusugan,” pagtatapos ni Ebesate.