Kabataan

K+12 sa kongreso, minamadali


Kinondena ng Kabataan Party-list at ACT Teachers’ Party-list ang anila’y minadaling pagpapasa sa second reading ng House Bill 6643 o ang K+12 sa Kamara sa kabila ng anila’y hindi pa pagiging handa ng Department of Education para sa implementasyon nito. “Sa pagtatanong ko sa plenaryo, inamin ng pangunahing mga nagpasa ng K+12 Bill na ang […]

Protesta ng kabataan kontra sa programang K+12 ng administrasyong Aquino. (Pher Pasion/PW File Photo)
Protesta ng kabataan kontra sa programang K+12 ng administrasyong Aquino. (Pher Pasion/PW File Photo)
Protesta ng kabataan kontra sa programang K+12 ng administrasyong Aquino. (Pher Pasion/PW File Photo)

Kinondena ng Kabataan Party-list at ACT Teachers’ Party-list ang anila’y minadaling pagpapasa sa second reading ng House Bill 6643 o ang K+12 sa Kamara sa kabila ng anila’y hindi pa pagiging handa ng Department of Education para sa implementasyon nito.

“Sa pagtatanong ko sa plenaryo, inamin ng pangunahing mga nagpasa ng K+12 Bill na ang Department of Education ay nasa pilot-testing pa lang ng curricular reforms ng K+12. Ang punto ko: bakit minamadali ng Kongreso na ipasa ang panukalang batas na ito imbes na maghintay para sa pagtatasa ng pilot-testing?” ayon kay Kabataan Rep. Raymond Palatino.

Pahayag naman ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, lumabas sa deliberasyon ng plenaryo noong committee hearing na bigo ang mga may akda ng K+12 na patunayan ang kahandaan ng DepEd upang epektibong maipatupad ang buong programa.

Sinabi ni Mai Uichanco, pangkalahatang kalihim ng League of Filipino Students, na magkakaroon ng hindi magagandang epekto sa mga mag-aaral ang pagmamadali sa pagpapasa ng programa. Hindi pa umano natutugunan ng DepEd ang mga kakulangan sa sektor ng batayang edukasyon at itinutulak ngayon ang K+12 kahit na ang mga paaralan, ang mga guro at maging ang DepEd mismo ay hindi pa handa.

Naniniwala naman ang National Union of Students of the Philippines (NUSP) na ang pangangailangan sa murang lakas-paggawa sa daigdig ang motibo sa likod ng K+12. Bahagi ito ng neoliberal na mga polisiyang itinutulak ng imperyalistang mga bansa sa pamamagitan ng pandaigdigang mga institusyong pampinansiya tulad ng World Bank, International Monetary Fund at Asian Development Bank.

“Kailangang pag-aaralan muli ng DepEd ang kurikulum ng K+12. Nangangamba kami sa integrasyon ng teknikal at bokasyonal na mga kurso sa hayskul…Imbes na pagtuturo sa mga mag-aaral ng batayang subjects na kakailanganin nila upang makapag-ambag sa pambansang pagpapaunlad, inihahanda pa ng gobyerno ang mga mag-aaral para ieksport,” ayon kay Issa Baguisi, pangkalahatang kalihim ng NUSP.

Sa ilalim ng K+12 kurikulum, tuturuan ang mga mag-aaral ng apat na preparatoryong teknikal at bokasyonal na mga kurso sa Grade 7 at Grade 8.

Sa Grade 9-12, makapamimili ang mga mag-aaral ng kanilang ispesyalisasyon, katulad ng mga kurso sa Technical Education and Skills Development Authority (Tesda), kabilang ang aquaculture, pananahi, carpentry, caregiving, at iba pa.

“Kung ipapatupad natin ang K+12, maipapangako ba natin na ang mga magsisipagtapos sa K+12 ay magkakaroon ng trabaho? Hindi, hindi natin ito mapapangako. Maging ang mga nagsipagtapos sa kolehiyo hirap sa paghahanap ng trabaho,” dagdag ni Palatino.

Taliwas naman sa administrasyong Aquino, hindi masusulusyunan ng K+12 ang kawalan ng trabaho sa bansa. Isang panlilinlang umano na sabihing ang pagsasaayos ng problema sa edukasyon ang magreresolbasa kawalan ng trabaho, ayon kay Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

“Ang problema ay ang pagdepende ng administrasyong Aquino sa dayuhang mga mamumuhunan upang makapaglikha ng trabaho. Ang kailangan ng gobyerno ay pagtulak ng mga polisiya para sa tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon,” dagdag ni Soluta.