Bagsak ang audit para sa edukasyon
Sa ulat ng Commission on Audit, 192 lang sa target na 6,379 na bagong classroom ang natapos ipatayo noong nakaraang taon. Sa pagsasaayos ng mga classroom, 208 lang ang natapos sa target na 7,550 na repair.
Hindi pasado sa audit ang P12.3 bilyon sa pondo ng Department of Education (DepEd) para sa taong 2023 sa ilalim ng pamumuno noon ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte. Ayon sa report ng Commission on Audit (COA), nasa P10 bilyon ng transaksiyon ng DepEd ang may iregularidad at kailangan maipaliwanag nang husto. Binigyan rin ang DepEd ng notice of disallowance sa paggamit ng P2.2 bilyon.
“Ilegal, iregular, sobra-sobra o hindi kailangan, magarbo o hindi madedepensahan ang paggastos” ang mga transaksiyon na minamarkahan ng notice of disallowance, ayon sa pamantayan ng COA. Para maresolba ito, kailangang ibalik o i-refund ng mga opisyal ang pondo kung hindi sapat ang pagpasa ng kaukulang mga dokumento.
Ayon sa DepEd, nagkakaroon pa sila ng konsultasyon sa mga opisina sa rehiyon para buuin ang kanilang pormal na tugon sa COA gamit ang Agency Action Plan and Status of Implementation. Sa Oktubre pa ito inaasahang matapos.
Iilang pasilidad
Higit sa teknikalidad ng mga resibo, isiniwalat ng COA ang usad-pagong na pagpapatupad ng kagawaran sa iba’t ibang proyekto. Sa 2024 Basic Education Report, sinabi ni Duterte sa Ingles, “Noong 2023, nagpatayo tayo ng 3,637 na mga bagong classroom.”
Lumalabas naman sa audit ng COA na 192 lang o tatlong porsiyento ng target na 6,379 na bagong classroom ang natapos maipatayo noong nakaraang taon. Sa pagsasaayos ng mga classroom, 208 lang ang natapos kahit pa 7,550 na repair ang planong paglaanan ng pondo. Higit 60% ng classroom repair naman ang hindi nasimulan hanggang sa pagtatapos ng 2023.
Hindi rin natapos ang kalakhan ng mga pasilidad para sa Last Mile Schools program ng DepEd kahit pa sinabi ng kagawaran na sila’y “nagbibigay prayoridad sa mga pangangailangan ng mga paaralan sa malalayong lugar upang magkaroon sila ng sapat na school buildings, WASH facilities, at iba pang pangangailangan.”
“Ibig sabihin, mabagal ang paggastos at may natitirang pondo. Wasted funds, wasted time,” sabi ni House Appropriations vice chairperson Rep. Stella Quimbo.
Wala o sira
Kapansin-pansin din sa report ng COA na “walang naganap na delivery sa 2023” para sa computerization program ng DepEd. Kasama dito ang planong pagbili at pamamahagi ng 12,022 laptop para sa mga guro at 7,588 sa mga empleyado, 2,648 na Smart TV at 2,349 na e-learning cart.
Ayon sa DepEd, nagkaroon ng delay dahil sa mga legal review, pagpirma ng mga dokumento at notarisasyon nito na napatagal dahil na rin sa mga holiday at mga weekend.
“May P11 bilyon na budget. Ni-request n’yo ito para sa 2023. Bakit P2 billion lang ang disbursed?” tanong ni Batangas 2nd district Rep. Gerville Luistro sa deliberasyon para sa pondo ng DepEd.
Sa parehong deliberasyon, sinabi ni DepEd Information and Communications Technology Service Ferdinand director Ferdinand Pitagan na mayroong isang computer sa kada siyam na bata at isang computer sa kada 30 guro.
Bagsak rin ang DepEd sa pagpapatupad ng feeding program na pinondohan ng P5.69 bilyon, ayon naman sa Alliance of Concerned Teachers (ACT). Ayon sa 2023 audit, nakatanggap ang School Division Offices ng Aurora, Bulacan, Iligan, Misamis Oriental, at pati Quezon City ng depektibo, expired at sirang pagkain.
“Siniwalat ng audit ng COA ang masangsang na amoy ng kapabayaan [ng DepEd] dala ng expired, inaamag at pinamumugaran ng insekto na mga pagkaing hinandog sa mga paaralan,” sabi ni ACT chairperson Vladimer Quetua.
Nanawagan naman si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at iba pang mga kongresista ng agarang imbestigasyon sa paggamit ng pondo ng DepEd. Nakikiisa ang ACT sa “panawagan para imbestigahan ang kakulangan [ng kagawaran], i-blacklist ang mga nagkasalang suplayer at panagutin ang nagdaang administrasyon ng DepEd para sa kapalpakan at kapabayaan habang patuloy na nalalantad ang iba pang isyu sa deliberasyon ng Kongreso sa pondo.”
Naisiwalat ang lahat ng isyu na ito matapos ipa-subpoena ng Kamara ang mga dokumento mula sa COA para sa deliberasyon ng 2025 national budget. Dahil dito, kaliwa’t kanan ang paghingi ng tugon mula kay Duterte bilang kalihim ng DepEd mula 2022 hanggang nitong Hunyo at pati na rin sa paggastos ng kanyang opisina.
Nauna nang naging laman ng balita ang Office of the Vice President nang mabigyan rin ng notice of disallowance ang P73.28 milyon sa nagatos na P125 milyon sa confidential fund noon pang 2022. Posibleng ipasauli sa opisina ni Duterte ang milyong ito.
Maiging binabantayan ng mga mambabatas at iba’t ibang organisasyon ang deliberasyon sa pondo para masinsin kung nakakaabot ba sa mga Pilipino ang pangakong mga proyekto at kung may napupuntahan ang inuutang ng gobyerno.