Husgahan Natin

COA Audit report at ang Covid-19 pandemic

August 20, 2021

Sa annual audit report para sa taong 2020 na inilabas ng COA nitong Agosto 11, 2021, nadiskubre ng kagawaran ang napakaraming kakulangan ng DOH sa pamamahala nito sa P67.3 bilyon na pondo na nakalaan sana para labanan ang Covid-19.

Sa ilalim ng ating 1987 Saligang Batas, ay may tatlong binuong mayor na Komisyon. Isa sa mga Komisyong ito ay ang Commission on Audit (COA).

Ang COA ay napakahalaga sa ating pamahalaan dahil sa kanyang balikat nakaatas ang paglaban sa katiwalian.

Ayon sa ating Saligang Batas, ang COA ang siyang magsisiyasat, magsasaayos, at mag-aawdit ng lahat ng kuwentang patungkol sa kita, pondo, pag-gugol at ari-ariang angkin o hawak ng mga ahensyang pampamahalaan, kasama na ang ibang lupong pansaligang batas, korporasyong pag-aari o kontrolado ng pamahalaan, pang-gobyernong paman-tasan o kolehiyo, at mga organisasyong sibil na tumatanggap ng tulong na pondo mula sa gobyerno.

Kasama sa mga tungkulin at kapangyarihan ng COA ay ang pagpalaganap sa batas at alituntunin sa pagtutuos (accounting) at pag-aawdit, kasama na ang paghadlang sa iregular, labis-labis, di-kinakailangan, magarbo o di-makatarungang pag-gamit ng mga pondo at ari-arian ng pamahalaan.

Kabilang din sa mga tungkulin ng COA ay ang pagrekomenda ng mga hakbangin para pabutihin ang pagka-epektibo ng mga gawain ng pamahalaan; ang pagsusumite ng taunang ulat sa Pangulo at sa Kongreso tungkol sa pinansiyal na kondisyon at gawain ng pamahalaan; at ang pagpapasya sa mga kasong inihain sa kanya sa loob ng 60 araw.

Sa kabila ng mga responsabilidad na ito, hindi masyadong nalalagay sa media ang ginagawa ng COA. Pero nitong nakaraang linggo, naging laman ng mga dyaryo at television ang mga pahayag ng COA.

Ito ay tungkol sa mga katiwaliang nakita ng COA sa pag-gamit ng Department of Health (DOH) sa pondo para sa paglaban sa Covid-19.

Sa annual audit report para sa taong 2020 na inilabas ng COA nitong Agosto 11, 2021, nadiskubre ng kagawaran ang napakaraming kakulangan ng DOH sa pamamahala nito sa P67.3 Bilyon na pondo na nakalaan sana para labanan ang Covid-19.

Dahil sa mga kakulangang ito ay maraming pinalampas na pagkakataon ang DOH kaugnay sa pagtugon nito sa pandemya.

Ano ang mga pagkukulang o mga katiwaliang ito, ayon sa COA?

Halimbawa, sa P67.3-B na pondong ito ay P5-B di-umano ang ginamit ng DOH sa mga pamimili ng mga gamit.

Kaya lang, walang dokumentong makapagpa-patunay na ginamit nga ang P5-B na ito sa pamimili ng gamit ng DOH.

Mga P11.9-B naman daw ang ginamit para palakasin ang DOH para sa pagtugon nito sa Covid- 19 pandemic. Ganun pa man, walang maipapakitang kontrata sa bagay na ito ang DOH.

Bukod pa rito, napansin din ng COA na may P69.9 Milyon na halaga ng mga kagamitang medikal ang hindi pa nagagamit.

May P275.9-M din ang pinamahagi sa mga empleyado ng DOH sa anyo ng mga cash allowances, gift certificates, at grocery items na labag sa probisyon ng batas at walang legal na batayan.

Mayroon ding P1.405-B na halaga ng in-kind donations ang DOH na hindi maikwenta ng maayos dahil sa kakulangan ng mga kailangang dokumento.

Nakita rin ng COA ang kakapusan ng DOH sa pag-gamit ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) na umano ay hindi nakatulong sa nais ng pamahalaan na makapagbigay ng ayuda sa mga ospital sa gitna ng pandemyang dulot ng Covid-19.

Umaabot sa P734.5-M ang sangkot sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) na ito.

Ang IRM ay ang programa ng gobyerno na nagbibigay ng emergency cash advance sa mga institusyong medikal sa panahon ng kalamidad tulad ng pandemyang sanhi ng Covid-19.

Ito lahat ay bunga ng hindi pagsunod ng DOH sa mga batas at regulasyong dapat sundin, sabi pa ng COA.

Kaya inutusan ng COA ang mga opisyal ng DOH na umakto ng may kahusayan sa pagtupad nila sa kanilang mga trabaho.

Alam ng lahat na ang DOH ngayon ay nasa pamununo ni Secretary Francisco Duque III.

Maalaala na noong Abril 2020, 14 na senador ang gumawa ng Resolusyon na nananawagan sa pagbitiw ni Duque bunga ng kapabayaan at kulang sa kahusayan nito sa paggawa ng kanyang tungkulin.

Pero balewala kay Secretary Duque ang panawagang ito.

Matatandaan natin na bago pa man lumabas ang COA audit report na ito tungkol sa DOH, isang corruption scandal naman ang nabunyag noong nakaraang taon na kinasasangkutan ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) kaugnay rin sa pamamahagi ng pondo sa pag-gamot sa Covid-19.

Dahil sa iskandalong ito ay napilitang magbitiw si Ricardo Morales bilang Chief Executive Officer ng Philhealth.

Ngunit hindi si Secretary Duque na siyang umaaktong ex-officio chairman ng Board of Directors ng Philhealth. Hanggang ngayon ay nariyan pa rin siya sa kanyang pwesto.

Sa bahagi naman ng Malakanyang, sinabi nito na hangga’t hindi pa nila naririnig ang sagot ni Secretary Duque tungkol sa P67 milyong anomalya sa DOH ay hindi pa madedesisyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte kung sisibakin ba si Duque o hindi.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, premature pa ang lahat at kailangan marinig muna ang sagot ng DOH sa bagay na ito. Kung baga ay kailangan nating sumunod sa due process at mabigyan si Sec. Duque ng pagkakataon na maipagtanggol ang kaniyang sarili.

Kung titingnan, si Secretary Duque ay isang Cabinet Secretary. Bilang isang kasapi ng gabinete, nagseserbisyo siya ayon sa kasiyahan at kagustuhan ng Pangulo.

Hindi kailangang mapatunayan na nagkasala siya ng isang kasalanan sa ilalim ng batas. May nagawa man siyang kasalanan o wala, maari siyang patalsikin basta ito ay ginusto ng Pangulo.

Kaya, na kay Pangulong Duterte pa rin ang desisyon kung patalsikin niya si Sec. Duque o hindi.

Sinabi naman ni Sen. Leila De Lima na ang mga nababalitang anomalya kaugnay ng Report ng COA ay sapat na katibayan sa kapabayaan ng adminstrasyong Duterte kaunay ng Covid-19 pandemic.

Imbes na ang pagtuunan ng pansin ni Duterte ay ang paninira sa mga kritiko ng adminastrasyon, ang dapat niyang pagtuunan ay ang tamang pag-gamit ng pondo laban sa Covid–19, ang sabi ni Senator De Lima.

Totoo nga naman dahil batay sa COA report, bukod sa maraming tanong sa legalidad ng mga transaksyon ay marami ring pondo ang hindi nagastos at kasalukuyang naka-ipon.

Kaya mga kasama, sino ang dapat nating sisihin sa anomalyang ito: si Sec. Duque ba o si Pang. Duterte?

“Silang dalawa!” sigaw ng karamihan

Avatar

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.