COA: Pondong konektado sa NTF-Elcac, maanomalya


Sa audit ng iba’t ibang ahensiya, nakita ang anomalya sa pondo na ginastos o inilipat sa NTF-Elcac. Plano pa ng rehimeng bigyan ito ng P29.2-B.

Ano ang legal na basehan ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) para maglipat ng P160 Milyon sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac)? Iyan ang tanong ng Commission on Audit (COA) sa lumabas na 2020 audit nito sa ahensiya.

Sa daang milyon na ito, rehiyon ng Davao ang nakatanggap ng pinakamalaking hati: P41.45-M para sa kanilang regional office. Para sa isang rehiyon, muntik na nitong maungusan ang kabuuang pondo para sa pitong rehiyon ng Luzon.

Kailangan ipaliwanag ng Tesda ang legal na basehan ng pagpasa ng pondo, dahil pwedeng maging basehan ito ng “technical malversation of public funds”, isang krimen ng korupsiyon.

Ayon sa Tesda, sila ang namumuno sa Poverty Reduction, Livelihood, and Employment Cluster at sa Regional Task Force-Elcac, kaya may aktibong partisipasyon ang ahensiya sa mga programa ng NTF-Elcac. Sa ngayon, inaayos nakikipag-ugnayan na raw ang ahensiya sa COA para iresolba ang isyu.

Galing ang inilipat na pondo mula sa scholarship fund ng Tesda Central Ooffice. Ayon sa COA, may kakayahan naman ang Tesda na direktang gamitin ang pondo na ito.

Nagpasa na ang Makabayan bloc ng resolusyon para imbestigahan itong isyu ng fund transfer ng Tesda at pati ng Department of Interior and Local Government.

“Hindi dapat hinahayaang maglipat at mangalap ng pondo mula sa member-agencies ang NTF-Elcac nang walang awtorisasyon mula sa Kongreso,” sabi nila sa House Resolution No. 2147.

Isang milyon sa katutubo

Pinuna rin ng COA ang kakulangan sa sapat na dokumento at iba pang anomalya sa ginastos na higit isang milyong piso ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) – Caraga Regional Office para sa isang NTF-Elcac regional workshop.

Dahil dito, “nagkakaroon ng puwang para pagdudahan ang kawastuhan at regularidad ng transaksyon,” ayon sa mga auditor.

Sinabi naman ng NCIP nitong Agosto 22 na ipinasa na nila ang hinihinging mga papeles. Sa kabila ng mga kakulangan, wala rin daw matutuklasang isyu ng korupsiyon o hindi wastong paggamit ng pondo.

“Hindi namin puwedeng sabihin na tunay kaming naglilingkod sa publiko kung gugutumin at pababayaan lang namin ang mga lider at nakatatandang miyembro ng indigenous peoples na naglakbay pa ng ilang daang kilometro para daluhan ang aming peace building activities,” anila sa statement na nilabas sa Facebook. Nakatipid pa nga raw ang gobyerno dahil sa inilunsad nilang mga kasabay na aktibidad.

Isang milyon sa ‘workshop’

Ayon sa COA report, nagbayad ng P1,064,219.06 sa Amontay Beach Resort ang ahensiya para sa pagkain, venue, at hotel accomodation ng workshop na umabot ng tatlong araw, Nobyembre 21 hanggang 23.

Bahagi ng napansin ng COA ang hindi pagtutugma ng binayarang katao sa pagtatala ng NCIP. Halimbawa, nagbayad ang ahensiya para sa accomodation ng 545 katao sa dalawang araw kahit nakalagay sa Inspection and Acceptance Report na 300 at 500 lang ang dumalo sa magkaibang araw.

Sa attendance sheet naman, higit sa 600 katao raw ang dumalo. Pinuna rin ng COA ang ipinasang attendance sheet ng NCIP na may inibang mga petsa at may mga pangalan ng kalahok na walang katapat na pirma.

Wala rin daw aprubadong project proposal na magdedetalye dapat ng mga objective ng workshop.

“Walang ginawa ang NCIP at NFT-Elcac kundi gumastos ng napakalaking pondo sa mga bagay na malayo sa pangangailangan ng mga katutubo,” sabi ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat. “Sa halip, puro red-tagging at panloloko lang ang natatanggap ng mga katutubo sa dalawang ahensiya na ito.”