Zineulat

Ngayong Inuusig ng Ubo sa Ikatlong Taon ng Kawalang Hustisya sa mga Biktima ng Ampatuan Massacre


Hindi pa ako natutulog at walang tigil sa pagkahol ang baga kong kaysikip at kaylagkit dahil sa naimbudong plema. Akala ko ay nagapi na ng amoxicillin ang kung anumang militar ng plema sa baga ko. Matapos ang ilang araw ng hindi pagkahol, heto’t nanumbalik na naman ang anumang nagpapasikip ng baga ko at nagpapasakit ng […]

Hindi pa ako natutulog at walang tigil sa pagkahol ang baga kong kaysikip at kaylagkit dahil sa naimbudong plema. Akala ko ay nagapi na ng amoxicillin ang kung anumang militar ng plema sa baga ko. Matapos ang ilang araw ng hindi pagkahol, heto’t nanumbalik na naman ang anumang nagpapasikip ng baga ko at nagpapasakit ng sentido ko.

Iniisip ko, itong ganitong mga pisikal na limitasyon ay gaano ba kabigat kumpara sa dinaranas ng mga pamilya ng pinaslang sa Maguindanao tatlong taon na ang nakaraan, sa parehong araw na ito, Nobyembre 23. Wala ito sa lalim at lawak ng inimprentang sakit sa mga buhay ng mga pamilyang naiwan ng mga biniktima ng Ampatuan. Wala ito sa dagat ng luha, sipon at pawis na iniluwal ng kanilang pighati at pananangis. Wala ito kumpara sa pabalik-balik na tunog ng malutong na ubo ng politikal na karahasan – pabalik-balik na imahen at reyalidad ng kawalang hustisya.

Naiisip ko: Mayroon rin kayang inuubo sa kanila noong araw na iyon? Mayroon rin kayang gumawa ng last-minute na artikulo? Ano kaya ang nahuli ng kanilang huling klik ng kamera? Sino ang kanilang huling nakausap bago sila ipunla ng maruruming kamay sa inosenteng lupa? Ano kaya ang pagtingin nila sa backhoe bago pa ito maging instrumento ng politikal na karahasan ng isang pamilyang anarkista, dating kakampo ni Gng. Gloria Macapagal Arroyo at ngayon ay kakampo ni Pang. Noynoy Aquino at sa katunayan ay mayroong siyam na Ampatuan na tatakbo sa ilalim ng Liberal Party sa darating na halalan?

Gayon ang mukha at pangalan ng “kultura ng kawalan ng pananagutan” o “culture of impunity.” Hinahayaan ng pamahalaan na lumipas ang mga segundo, minuto, hanggang sa maging oras, araw, linggo, buwan, taon, dekada, infinidad ng kawalan ng pananagutan. Nagagawa pa ng pangulong Noynoy Aquino na magpalipas ng oras habang nababaligho ang gulong ng katarungan. Nagagawa pa niyang maging tulad ni Arroyo: kumapit sa malakas at makapangyarihan maseguro lamang ang temporal na estabilidad ng panunungkulan.

Wala na marahil kasinlaking kasalanan na maaaring gawin si Noynoy Aquino sa 58 biktima ng masaker sa Maguindano, kabilang ang 32 mamamahayag, kundi ang kanlungin at hindi pagbayarin ang mga pasimuno at panaguri ng nasabing krimen. Na tila ba paulit-ulit na inililibing ang mga biktima sa lupang kinalahig nang kinalahig ng higanteng manok na backhoe. Na tila ba ang sagot sa paghingi ng katarungan ay ang pagpapatagal ng hustisya, pagpapalipas ng oras, pagpapapagal sa mga nag-aabang sa hustisya, pagpapatahimik sa naghahanap ng at lumalaban para sa katarungan, pagbabalewala sa mga nagpapapanagot, pagpapakalimot.

Kaya ang kolektibong tinig laban sa kumakahol na ubo ng pagpapakalimot ang tugon: NEVER FORGET. At NEVER AGAIN.