Karapatang Pantao Uncategorized

Bilanggong pulitikal dumarami sa panahon ni PNoy


May pagtaas sa bilang ng mga bilanggong pulitikal sa ilalim ng administrasyong Aquino. Ito ang pahayag ng Samahan ng mga Ex-Detainee laban sa Detensyon at Aresto (Selda), sa isang kilos protesta sa harapan ng Camp Crame kamakailan. Mayroon umanong 123 bilanggong pulitikal ang inaresto sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Aquino. Gayundin, laganap umano ang […]

Pangkulturang pagtatanghal na nagpapakita ng pagpapahirap sa political detainees. (PW File Photo)
Pangkulturang pagtatanghal na nagpapakita ng pagpapahirap sa political detainees. (PW File Photo)

May pagtaas sa bilang ng mga bilanggong pulitikal sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Ito ang pahayag ng Samahan ng mga Ex-Detainee laban sa Detensyon at Aresto (Selda), sa isang kilos protesta sa harapan ng Camp Crame kamakailan.

Mayroon umanong 123 bilanggong pulitikal ang inaresto sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Aquino. Gayundin, laganap umano ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga diumano’y tinataguriang kaaway ng estado.

“Maaaring ipagkaila ng administrasyong Aquino na mayroong mga bilanggong pulitikal, pero tuluy-tuloy ang magkakasunod na pag-aresto. Apatnapu’t apat nga ang inaresto sa taong ito,” pahayag ni Angelina Ipong, pangkalahatang kalihim ng Selda.

Sinabi pa ni Ipong na maging ang 14 na konsultant para sa usapang kapayapaan ng National Democratic Front (NDF) sa gobyerno ng Pilipinas ay tinatanggihan umanong palayain.

Idinagdag pa ni Ipong na nagpapatuloy ang pagsampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga nagtatanggol sa karapatang pantao. “ Ang pagsampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga bilanggong pulitikal ay matagal ng gawain ng estado at hanggang ngayon, patuloy at madalas na ginagamit ng administrasyong Aquino para sa patahimikin ang kanyang mga kritiko,” ani Ipong.

Kamakailan, nagpalabas ng listahan ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of National Defense (DND) na nagsasaad ng mga pangalan ng mga pinaghihinalaang rebelde na may pabuyang aabot sa 467 milyong piso, na ayon sa grupo ay isang hit-list.

Sinabi naman ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, na ang pagpapalabas ng pabuya ng gobyerno para sa ikadarakip ng mga pinaghihinalaang komunista ay magreresulta sa mas maraming ilegal na pag-aresto at paglabag sa karapatang pantao.

“Habang binababalewala ng gobyerno ang panawagang palayain ang mga bilanggong pulitikal, nag-alok naman ito ng pabuya at buong giliw pa niyang inindorso ang Oplan Bayanihan na bumiktima sa 114 katao,” ani Palabay. Sabi pa ni Palabay na di-makatwiran at desperadong hakbangin ito ng gobyerno.

Ibinigay na halimbawa ng grupo ang pag-aresto kay Rolly Panesa na isa umanong guwardiya at pinaratangang isang mataas na opisyal ng New People’s Army na may pabuyang P5.6 Milyon.

“Dahil lamang sa nunal sa leeg, pinagpipilitan ng mga militar na nakahuli sila ng malaking isda. Napaka-delikado ng ganito para sa ordinaryong mga tao. Maaaring magbago ang buhay mo dahil lang sa mga tatak na katulad ng tatak ng kanilang target,” sabi pa ni Ipong.  Si Panesa ay pinaghihinalaang si Benjamin Mendoza na diumano’y isang rebelde sa Timog Katagalugan.

Ayon sa Selda, sinimulan ng mga bilanggong pultikal ang kanilang pag-aayuno para ipanawagan ang kanilang paglaya.  Isa umano sa naunang nag-ayuno si Ramon Patriarca, isang konsultant ng NDF na kasalukuyang nakakulong sa isang military camp sa Lahug, Cebu.

Panawagan ni Patriaca na siya’y palayain o di kaya ay mailipat sa isang sibilyang pasilidad. Dagdag pa ng grupo, hanggang Disyembre 10, pandaigdigang araw ng karapatang pantao ang pag-aayuno ni Patriarca na susundan naman ng iba pang bilanggong pulitikal sa iba’t ibang detention center sa Metro Manila at ibang rehiyon.