Pinoy Weekly

‘Sa gobyerno ni Aquino, malawakang paglabag sa karapatang pantao’

Libu-libong magsasaka at katutubong mamamayan mula sa Mindanao at Timog Katagalugan, kasama ng iba’t ibang sektor mula sa Kamaynilaan ang nagmartsa sa Mendiola noon mismong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao – para ipanawagan sa administrasyong Aquino na itigil na ang mga paglabag sa mga karapatan ng mga mamamayan.

Ayon kay Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan, sa dalawang taong panunungkulan ni Pangulong Aquino, hindi lamang nito tinalikuran ang pangakong bibigyan ng katarungan ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao subalit kinunsinti pa ang mga paglabag sa pamamagitan ng pagpo-promote ng mga heneral na pinaniniwalaang sangkot sa mga pang-aabuso sa pamamagitan ng Oplan Bayanihan.

Sa tala ng Karapatan, sa 129 na biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang sa ilalim ni Aquino, 69 dito ang mga magsasaka at 25 ang katutubong mamamayan. Karamihan sa mga ito, lalo na sa Mindanao, ay mga aktibista at mga lider-katutubo na nagtatanggol sa kanilang lupa at kalikasan laban sa panghihimasok ng malalaking dayuhang kompanya ng pagmimina.

“Ang Executive Order 79 hinggil sa pagmimina ni Aquino ay nagsilbing kautusan sa Phil. Army, Cafgu (Citizens Armed Forces Geographical Units), at mga grupong paramilitar tulad ng Special Civilian Armed Auxiliary para linisin ang mga nakakasagabal sa mga lugar ng pagmimina tulad ng  tumututol na mamamayan. Hindi lamang pinalakas ni Aquino ang malawakan at mapangwasak na pagmimina sa Mindanao kundi binalewala pa ng gobyerno ang pamamaslang at pagpapalayas sa mga katutubo bilang “collateral damage,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

“Tama na ang dalawang taon. Sawa na kami sa pangangalandakan ni Pangulong Aquino sa “kapayapaan” at “pag-unlad”. Wala nang bisa ang kanyang “daang matuwid” para sa amin. Kinokondena namin ang patuloy na pamamaslang at pandarambong ng ating likas na yaman na lumalapastangan sa  mga karapatan, lupa at buhay,” sabi pa ni Palabay.

Wala ring magandang pangyayaring nakikita ang mga katutubo sa dalawang taong panunungkulan ni Aquino. Ayon kay Aida Seisa, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas -Southern Mindanao Region, patuloy ang militarisasiyon sa kanilang lugar kung saan laganap ang pagmimina.

“Naroon ang malalaking kompanya ng pagmimina tulad ng TVI, Strata SMI at Philco.  Ngayon ang dahilan kung bakit nagkaroon ng pagguho ng lupa, at flash flood sa Compostela Valley ay dahil sa pagkalason ng kapaligiran dahil sa duming itinatapon nila,” ayon kay Seisa.

“Ayaw namin talaga sa mina. Gusto namin ang lupang amin ay amin talaga, kasi ang lupa ay buhay naming mga katutubo. Ayaw namin ng malalaking kompanya (na lalapastangan sa aming mga lupain) dahil ang lupa ay buhay. Ang pera mauubos ‘yan. Ang lupa hindi mawawala kahit pa ilang henerasyon ang sumunod sa amin,” aniya pa.

Ayon naman kay Orly Marcellana, tagapagsalita ng Save Bondoc Peninsula Movement at Katipunan ng mga Samahang Mambubukid – Timog Katagalugan, walang pinagbago ang administrasyong Aquino sa nakaraang mga administrasiyon.

“Ipinagpatuloy lamang nito ‘yong paglabag sa karapatang pantao sapagka’t hanggang sa kasalukuyan, dumarami mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Nandiyan ‘yung mga bilanggong pulitikal, nagpapatuloy ang pagdukot at pagkawala at nagpapatuloy ‘yong pagpatay lalo na sa kanayunan,” sabi ni Marcellana.

Patuloy rin aniyang nililinlang ni Aquino ang taong bayan at pinapaasa sa “tuwid na daan” at sinasabi na walang paglabag sa karapatang pantao. “Ito ay isang malaking kasinungalingan sapagka’t pagpapatotoo na, napakaraming mga pinatay sa amin sa Southern Tagalog, umabot na sa 20 ang biktima ng extra-judicial killings, may tatlo kaming mga kasamahan na dinukot at nawawala. Mayroon kaming 64 na mga bilanggong pulitikal na nakapiit sa iba’t ibang piitan at araw-araw ilegal na hinahalughog ang bahay ng mga magsasaka sa Bundok-Peninsula,” paliwanag pa ni Marcellana.

Sa huling bahagi ng programa sa Mendiola, sinunog ng mga nagprotesta ang effigy ni Aquino na nakasakay sa pinaghalong tangke at sasakyang panghukay na sumisimbolo sa kambal na kasamaang dulot ng militarisasyon at malawakang pagmimina sa buhay ng mga magsasaka at mga katutubo.

“Sinunog na rin namin kasama ang anumang natitirang pag-asa ng positibong pagbabago na ibinigay namin sa ilalim ng dalawang taon ni Pangulong Aquino. Hindi lamangh niya sinayang ang pagkakataon para sa pagbabago kundi inubos ang aming pasensiya dahil sa lahat ng mga paglabag ng kanyang administrasyon sa karapatang pantao ng mamamayan,” pangwakas ni Enriquez.

Artikulo ni Soliman A. Santos | May ulat si Junelle Narra

Mga larawan ng kilos-protesta para sa karapatang pantao at kontra sa marahas na giyera kontra-insurhensiya ng administrasyong Aquino, sa pangunguna ng Karapatan at iba pang grupong pangkarapatang pantao.

Para sa bidyo hinggil sa Manilakbayan ng mga lider-katutubo mula sa Mindanao, panoorin ito at ito.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=22090

avatar Posted by on Dec 11 2012. Filed under Features, Karapatang Pantao, Photo Essays. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “‘Sa gobyerno ni Aquino, malawakang paglabag sa karapatang pantao’”

  1. [...] Sa Gobyerno ni Aquino, Malawakang Paglabag sa Karapatang Pantao [...]

Leave a Reply

Multimedia

Pinoy Print Issues

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes