Pinoy Weekly

FYI sa FOI

Ang mabilisang pagsang-ayon ay kailangang maiwasan. Ang bulag na pagsuporta ay kailangang maiwasto.

Bagama’t walang debate sa usapin ng pakikipaglaban para sa mga batayang kalayaan, marami pa rin tayong dapat malaman tungkol sa panukalang batas na naglalayon diumanong protektahan at itaguyod ang kalayaan sa impormasyon (freedom of information o FOI).

Ipinasa ang Senate Bill No. (SBN) 3208 noong Disyembre at kasalukuyan itong nakabinbin sa House of Representatives. Ang SBN 3208 ay ang People’s Ownership of Government Information (POGI) Act of 2012 na nagsisilbing consolidated version ng 14 na panukalang batas sa Senado tungkol sa FOI.

Kung susuriin ang Sec. 2 (Declaration of Policy) ng SBN 3208, malinaw na ang lahat ng impormasyong mula sa gobyerno ay pag-aari ng mga tao. Pero may limitasyon ang ganitong klaseng pag-aari dahil hindi raw ito nangangahulugan ng pagbibigay ng hinihinging impormasyon sa lahat ng pagkakataon. Suriin ang probisyong ito: “All Government Information is Owned by the People and…public access to all government information, as a general rule, serves the public interest and exceptional instances restricting access…shall only be allowed also by reason of public interest.” Sa madaling salita, nasa interes diumano ng publiko kung sakaling hindi sila mapagbigyan sa kanilang kahilingang mabigyan ng impormasyon.

Sa kontekstong ito dapat suriin ang nakasaad sa Sec. 5 (Access to Information): “Every Filipino citizen has a right to and shall, on request, be given access to any record under the control of a government agency.” May pahabol kasi ang probisyong ito hinggil sa mga hindi kasama sa tinatawag na “access to information.”

Maniniwala ka bang umaabot sa tatlong pahina ang Sec. 7 (Exceptions) sa SBN 3208? Sa unang tingin, tila katanggap-tanggap ang hindi pagsasapubliko ng ilang impormasyong sensitibo. Pero dahil hindi malinaw ang kahulugan ng mga katagang ginamit tulad ng pambansang seguridad (national security), magiging madali para sa mga nasa kapangyarihang huwag magbigay ng impormasyon batay sa itinakda nilang depenisyon ng “pambansang seguridad.”

Hindi rin tayo dapat magpadala sa probisyong magkakaroon diumano ng declassification sa hinaharap para sa impormasyong hindi isinasapubliko sa kasalukuyan. Intindihin natin nang mabuti ang nakasaad sa panukalang batas: “(An) executive order shall specify the reasonable period after which the information shall be automatically declassified or subject to mandatory declassification review, and that any reasonable doubt as to classification and declassification shall be settled in favor of the right to information.”

Tulad ng katagang “national security,” ano ba ang “reasonable period” para sa mga nasa kapangyarihan? Sampung taon? Sandaang taon? Kailangang maging malinaw sa batas na nagsusulong ng kalayaan sa impormasyon kung kailan maaaring maisapubliko ang sensitibong impormasyon. Noong Abril 1995 sa Estados Unidos, ang mga classified document na mahigit 25 taon ang tanda at may permanenteng kahalagahang historikal (permanent historical value) ay iniutos ni Pangulong Bill Clinton na maisapubliko. Bakit hindi ito magawa ng kasalukuyang administrasyon sa Pilipinas na parating ipinangangalandakan ang diumanong katapatan nito sa publiko?

Para sa mga peryodista at iba pang mamamayang parating sumusubaybay sa mga balita, kailangan ding mangamba sa nakasaad sa Sec. 11(E) (Procedure of Access) ng panukalang batas: “The government agency shall comply with (the) request as soon as practicable, and in any case within fifteen (15) working days…The period may be extended whenever the information requested requires a search of the government agency’s field or satellite offices, examination of voluminous records, the occurrence of fortuitious events or other analogous cases.” Sa susunod na talata ay nakasaad na ang anumang palugit (extension) ay hindi naman lalampas ng 20 araw ng pagtatrabaho.

Ano ang implikasyon ng probisyong ito? Dapat tandaang ang mga peryodista ay mabilisang nag-uulat ng mga balita araw-araw at kailangan nila ng madaliang pagkuha ng impormasyon. Para sa mga opisyal ng pamahalaan na ayaw magbigay ng impormasyon sa mga peryodista, maaaring patagalin nila ang proseso nang hindi lumalabag sa nakasaad sa Sec. 11(E). Ang ganitong mapanlikhang paraan para hindi makipagtulungan sa mga peryodista ay may direktang epekto sa mga mamamayan. Malinaw na ang impormasyong ipagkakait sa mga peryodista ay ang impormasyong hindi makakaabot sa publiko. Sa sitwasyong limitado o walang impormasyon ang mga mamamayan, sino kaya ang makikinabang?

Sa ganitong konteksto dapat maintindihan ng publiko (lalo na ng mga kaibigan sa midya) ang aking agam-agam sa kasalukuyang panukalang batas hinggil sa FOI. Walang “pogi” sa sitwasyong ang mismong batas na dapat ay nagtatanggol sa kalayaan sa impormasyon ay puwedeng magamit para supilin ito.

Kung may dapat ipanawagan sa House of Representatives, ito ay ang pagpapasa ng isang batas tungkol sa FOI na may dalawang elemento: (1) “sunshine clause” o declassification ng confidential information na may kahalagahang historikal sa loob ng takdang panahon (halimbawa, 25 taon); at (2) espesyal na probisyon para sa agarang pagbibigay ng impormasyon para sa mga peryodista.

Nakapagtatakang may ganitong bersyon ng FOI na inihain sina Bayan Muna Reps. Teodoro Casiño at Neri Javier Colmenares noon pang Hulyo 1, 2010. Ang House Bill No. (HBN) 133 ay naglalayong mas maging malinaw sa pagbibigay ng kalayaan sa impormasyon. Ito ang nakasaad sa explanatory note: “It seeks the elimination of esoteric and hardly comprehensible and excessively broad jargon of exemptions to the exercise of the right to official information.”

Kung babasahin nang mabuti ang Sec. 5k (Mandatory Compliance) ng HBN 133, ang “sunshine clause” ay kapansin-pansin: “All classified information contained in all government agency records that (1) are more than 25 years old, and (2) have been determined to have historical value shall be automatically declassified whether or not the records have been reviewed. Subsequently, all classified information in such records shall be automatically declassified no longer than 25 years from the date of its original classification.”

May pagsasaalang-alang din sa kalagayan ng mga peryodista, batay sa Sec. 8 (Requests for Access to Information) ng HBN 133: “All government agencies shall expeditiously grant information requests from journalists.”

Sa ngayon, malinaw na ang HBN 133 ay natabunan na ng iba pang bersyon ng FOI sa House of Representatives. Pero huwag sanang tuluyang kalimutan ang mahahalagang nilalaman nito. Para ang kalayaan sa impormasyon ay maging makabuluhan, kailangan ang progresibong bersyon ng batas tungkol dito!

May panahon pa para matuto, may panahon pa para magbago.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=22519

Danilo Araña Arao Posted by on Jan 19 2013. Filed under Konteksto. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Follow and Subscribe

Features

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes
More in Konteksto (49 of 155 articles)