Editoryal Pambansang Isyu

Wala naman talagang maaasahan


Isang eleksiyon na naman ang nagdaan. Balik sa dating gawi ang mga nasa kapangyarihan. Hindi kaiba sa nakaraang mga eleksiyon ang ehersisyong pulitikal na isinagawa ng bansa noong Mayo 13. Itinambol ng masmidya ang pangangailangang bumoto, at iparinig daw ang boses ng masa sa pamamagitan ng balota. Pero natapos na ang halalan, ipinroklama na ang […]

Dibuho ni Leonilo Doloricon
Dibuho ni Leonilo Doloricon
Dibuho ni Leonilo Doloricon

PW-editoryal-thumbIsang eleksiyon na naman ang nagdaan. Balik sa dating gawi ang mga nasa kapangyarihan.

Hindi kaiba sa nakaraang mga eleksiyon ang ehersisyong pulitikal na isinagawa ng bansa noong Mayo 13. Itinambol ng masmidya ang pangangailangang bumoto, at iparinig daw ang boses ng masa sa pamamagitan ng balota. Pero natapos na ang halalan, ipinroklama na ang pagkawagi ng ilang kandidato, wala pa ring tinatanaw na pagbabago ang mga mamamayan.

Lalo pa nang sinimulan noong 2010 ang  automated elections sa pagboto at pagbilang. Sa suri ng maraming tagamasid at eksperto, higit pang batbat ng anomalya ang eleksiyong 2013. Sa kabila ito ng inasahan-na-nating papuri ng Commission on Elections (Comelec), lalo na ang mayabang na tagapangulo nitong si Sixto Brillantes Jr., at ng Malakanyang, sa mahusay daw na pagpapatakbo ng halalan. Hindi na bago ang dayaan sa mga eleksiyon. Pero ang kakaiba ngayon, lalong naikubli sa publiko ang paraan ng pandaraya. Huling sandali na lang bago ang halalan nilabas ng Comelec ang source code (ang code ng computer program na nagsasagawa ng pagbasa at pagbilang ng boto), at wala nang panahon para uriratin pa ito ng mga eksperto sa information technology (IT) at election watchdogs.

Hindi na nasilip pa kung tama nga ba talaga ang pagbibilang ng PCOS (Precinct Count Optical Scanner) machines at ng mga programa sa kompiyuter ng Smartmatic Inc. sa ating mga boto. Ang masama pa, noong panahon mismo ng eleksiyon, laganap ang ulat ng pumalpak na PCOS machines. Dahil mas maliit ang bilang ng mga makinang ito sa dating bilang ng mga poll precinct sa bansa, nabuo ang 78,000 clustered precincts na nagdulot ng mahahabang pila sa mga polling center. Naganap din ang dati nang problema ng pamimili ng boto, pandarahas at pananakot sa mga botante at iba pang kalahok sa eleksiyon.

Nang magsara ang botohan noong Mayo 13, iisa ang pahayag ng Comelec, Malakanyang at midya — tagumpay ang eleksiyon.

Totoo, kasi sila ang nagtagumpay. Batay sa resulta, makikita nating walang napala ang mga mamamayan sa halalang ito. Mahigit 70 porsiyento ng mga kandidatong nagwagi sa lahat ng antas, mula sa distrito, munisipyo’t lungsod, hanggang probinsiya at pambansa, ay kumakatawan sa datihan—mga mayayamang asendero’t kumprador, mga miyembro ng mga pamilyang dinastiya sa pulitika, mga kinatawan (at sinuportahan) ng mayayaman at maimpluwensiya sa bansa.

Nakonsolida ng pangkatin ni Benigno Aquino III  ang kapangyarihan sa pamamagitan ng halalang ito. Naipuwesto sa Kamara at Senado ang mayorya sa mga kaalyado nito. Inaasahang sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso, maitutulak na ang matagal nang itinutulak ng mga chamber of commerce ng US at iba pang imperyalistang bansa na pagrepaso sa Saligang Batas. Partikular dito ang pagtanggal ng probisyong bawal ang 100 porsiyentong pag-aari ng dayuhang mga kapitalista sa mga empresa, negosyo at lupain sa bansa. Itutulak  din nila ang neoliberal na mga polisiya ni Aquino tulad ng pagkaltas ng badyet sa mga serbisyong panlipunan, pagsasapribado sa mga ospital, ahensiya at pampublikong eskuwela, at ibayong pagpasok sa  Public-Private Partnerships na alam nating dehado ang mga mamamayan. Maaasahang itutulak din nila ang higit na pagbubukas ng bansa sa malalaking komersiyal na pagmimina.

Nauna pa sa halalang ito, binigo na ng Palasyo ang pagnanais ng mga mamamayan ng magkaroon ng pagbabago sa bansa nang ianunsiyo ni Aquino ang pagtatapos ng usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Sa balangkas ng programang Oplan Bayanihan nito, nais lamang ng gobyerno na pasukuin ang NDFP at walang hakbang na ginagawa para lutasin ang ugat ng armadong paghihimagsik ng mga mamamayan.  Sa halip, tinanggihan pa ng gobyerno ang pagharap sa usapin ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Ang  gobyerno na mismo ang nagbibigay ng dahilan para tumindi pa ang armadong sigalot sa bansa at patuloy na linlangin ang bayan.

Samantala, batay sa mga ebidensiya, masasabing isa sa mga nabiktima ng pandaraya ang  progresibong mga party-list at kandidato, na nagdadala ng alternatibong plataporma na tutugon sa kongkretong mga suliranin ng mga mamamayan. Sa kabila ng paglakas ng mga partidong ito, nabawasan pa ang boto nila ngayong eleksiyon. Lumalabas din na nabawasan ang boto ni Teddy Casino sa pambansang antas dahil sa pag-iral ng kahina-hinalang 60-30-10 pormula na pabor sa mga kandidato ng administrasyon sa pagkasenador. Sa pamamagitan nito, binawasan ni Aquino ang mga banta sa kanyang mga kontra-mamamayang polisiya sa Kongreso.

Dating gawi ang mga nasa kapangyarihan. Pero tayong mga mamamayan ay patuloy na magkakaisa at aabot ng mas marami pang bilang para itulak ang pagbabagong kailangan ng bayan. Hindi ito mapipigilan ng anumang pandaraya sa halalan o mga panlilinlang.