Migrante

Gobyerno, takot sa Zero Remittance Day vs Pork Barrel – Migrante


Isang Zero Remittance Day (ZRD) ang itinakda ng Migrante International sa Setyembre 19 para ipakita ang galit, pagkakaisa at pagkilos ng mga migranteng Pilipino sa sistemang pork barrel. Binatikos din ng grupo ang Malakanyang sa pagmamaliit umano nito sa kanilang panawagan. “Nagpapasalamat kami kay (Presidential Spokesperson Edwin) Lacierda sa lalong pagpapagalit sa mga migranteng Pilipino. […]

Kampanyang "Zero Remittance Day For Zero Pork" ng Migrante International sa Setyembre 19
Kampanyang "Zero Remittance Day For Zero Pork" ng Migrante International sa Setyembre 19
Kampanyang “Zero Remittance Day For Zero Pork” ng Migrante International sa Setyembre 19

Isang Zero Remittance Day (ZRD) ang itinakda ng Migrante International sa Setyembre 19 para ipakita ang galit, pagkakaisa at pagkilos ng mga migranteng Pilipino sa sistemang pork barrel.

Binatikos din ng grupo ang Malakanyang sa pagmamaliit umano nito sa kanilang panawagan.

“Nagpapasalamat kami kay (Presidential Spokesperson Edwin) Lacierda sa lalong pagpapagalit sa mga migranteng Pilipino. Paparami ang mga migrante at mga OFW (overseas Filipino worker) na nagpahayag ng suporta para sa Zero Remittance Day. May dahilan para kabahan ang mga pilit pa ring nagtatanggol sa pork barrel system,” sabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International.

Tinutukoy ni Martinez ang sinabi ni Lacierda, nang tangunin ng midya hinggil sa ZRD, na mahirap daw itong mangyari at maaapektuhan ang mga pamilya ng migranteng manggagawa sa Pilipinas.

“Ginawa na (nila) itong pagpanawagan dati pero lumalabas na di epektibo. Panawagan ito ng Migrante pero kinakailangang gumawa ng personal na desisyon ang mga overseas worker,” sabi ni Lacierda.

Tinutukoy ng tagapagsalita ng Palasyo ang panawagan ng Migrante na ZRD noong Oktubre 29, 2008 bilang protesta laban sa Global Forum on Migration and Development na ginanap sa Maynila.

Nagsalita si Lacierda hinggil sa ZRD matapos magpahayag ng pakikiisa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines, sa pamamagitan ng pangulo nito na si Cebu Archbishop Jose Palma, sa inter-faith rally na isasagawa ng mga grupo at indibidwal na kontra pork barrel sa Setyembre 11 sa  Edsa Shrine, na binansagang “Edsa Tayo.”

Sinabi naman ni Martinez na desperadong hakbang lamang ang pahayag ng Palasyo para di-lumahok ang mga OFW at kanilang mga pamilya sa naturang protesta.

Paliwanag ni Martinez, mandatory ang Documentary Stamp Tax (DST) na agarang nagkakaltas ng 0.15 porsiyento, o 30 sentimos, sa bawat PhP200 remitans. Kumikita naman ang gobyerno ng aabot sa $1.4 Milyon mula sa DST kada buwan, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Noong nakaraang taon, umabot ang remitans ng mga OFW sa USD$21 Bilyon. Paliwanag ni Martinez, aabot sa $57.5-M, o Php2.5-B kada araw ang makukuha ng gobyerno.

“At ito’y mula lang sa DST. Hindi pa kasama rito ang iba pang buwis at kaltas na isinasakatuparan ng gobyerno mula sa transaksiyon sa bangko,” sabi pa niya.

Ipinapataw bilang service fee ang DST na sinisingil ng mga bangko, dagdag sa PhP0.50 na singil ng domestic banks kapag nagpapalabas ng remitans sa piso.

Dugtong ni Martinez na ang isang araw ng hindi pagreremit ay may epekto sa ekonomiya. Pero nilinaw niya na “(w)alang ibang mababawasan kundi ang kinikita ng gobyerno mula sa OFW remittances. Kumpara rito, barya-barya lang ang nakukuha ng mga pamilya.”

Sa pamamagitan ng DST, aniya, ang mga OFW ay nagbabayad rin ng buwis.

“Samakatuwid, karapatan nila ang magpahayag ng disgusto sa kung paano ginagastos ng gobyernong ito ang kanilang pinaghirapang mga padalang pera,” pagtatapos ni Martinez.