Kabataan Main Story

Dahil sa ‘hazing’ sa PUP, abolisyon ng ROTC muling hiniling


Muling nabuhay ang panawagan ng kabataan at mga mag-aaral na tuluyang ibasura ang programang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa kolehiyo matapos ang huling insidente ng umano’y hazing sa isang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) – Sta. Mesa. Isang araw matapos lumantad si Sheena (di tunay na pangalan) na di umano’y nakaranas […]

Pangangalap ng 10,000 pirma ng mga mag-aaral ng PUP para sa abolisyon ng ROTC. <strong>Pher Pasion</strong>
Pangangalap ng 10,000 pirma ng mga mag-aaral ng PUP para sa abolisyon ng ROTC. Pher Pasion

Muling nabuhay ang panawagan ng kabataan at mga mag-aaral na tuluyang ibasura ang programang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa kolehiyo matapos ang huling insidente ng umano’y hazing sa isang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) – Sta. Mesa.

Isang araw matapos lumantad si Sheena (di tunay na pangalan) na di umano’y nakaranas ng pagmamalupit o hazing sa ilalim ng kanyang mga opisyal sa ROTC, nangalap ng 10,000 pirma ang mga lider-kabataan sa PUP para tuluyang tanggalin ang ROTC.

Sinaktan ng mga opisyal

Ayon kay Sheena, hapon ng Enero 16 nang mangyari ang nasabing pananakit bilang parusa dahil sa hindi sila nakapunta sa “briefing night”. Kasama ni Sheena ang dalawa pang kapwa niya kadete nang ipasok sila sa armory ng PUP ROTC ng kanilang dalawang opisyal.

Pinag-iskuwat umano sila ng mga ito at pinalo ang kanilang mga palad ng kalahating pulgadang kahoy. Samantala, makailang-ulit umanong pinagpapalo ng kahoy na riple ang kanilang mga hita ng naturang mga opisyal.

Sa pagkakatanda ni Sheena sa pangyayari, pinalo ng anim na beses ang kanyang palad at hinataw naman siya ng makailang ulit sa likod ng kanyang hita ng kahoy na riple. Ganoon din ang ginawa sa kapwa niya babae na kadete. Ang kasama nilang lalaking kadete, pina-squat thrusts at pinakanta umano habang sinasaktan ang dalawa.

ROTC, militarisasyon sa kampus

Ayon kay RA Salvador, tagapagsalita ng League of the Filipino Students-PUP (LFS-PUP), makikita sa pangyayaring ito ang pasistang tradisyon sa ROTC na saktan ang kanilang mga kadete para pasunurin at sanayin ang sila sa pandarahas.

“Hindi naman makukuha ang disiplina at pagkakaroon ng nationalism kung sasaktan ka. Nadebelop namin ang nationalism namin sa labas ng ROTC at hindi kami sinasaktan. Bahagi (ang hazing) ng pasistang tradisyon nila na sanayin sa dahas ang kanilang mga kadete kaya nagiging pasista sila kahit sa kapwa nila estudyante,” ayon kay Salvador.

Ginagamit umano ang ROTC sa isang programa na tinaguriang Student Intelligence Network o SIN para harasin ang progresibong mga organisasyon sa loob ng kampus at nagbibigay ng impormasyon sa Arned Forces of the Philippines o AFP, ayon kay Paolo Mantua, tagapasalitang Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan.

“May mga nahuli na kaming (nagtatrabaho sa ilalim ng) SIN dito at mga opisyal sila ng ROTC,” ayon kay Mantua.

Ayon pa kay Mantua, nililimitahan umano ang enrollment sa CWTS at walang nagagawa ang ibang mag-aaral kundi mag-enrol sa ROTC.

Bukod pa rito, nagiging mas mahal ang kanilang gastusin sa eskuwela dahil sa ROTC. Kailangang gumastos ang isang kadete ng P1,500 para sa isang set ng uniporme–hindi pa kasama ang gastos sa combat boots at iba pa, ayon naman kay Salvador.

Nanawagan ang mga lider-estudyante para sa abolisyon ng ROTC sa mga pamantasan. <strong>Pher Pasion</strong>
Nanawagan ang mga lider-estudyante para sa abolisyon ng ROTC sa mga pamantasan. Pher Pasion

Pagtatanggal sa ROTC

Kinondena naman ng Anakbayan ang insidente at nanawagan ng agaran at tuluyang abolisyon ng ROTC.

“Malinaw na ipinapakita ng insidenteng ito ang marahas at pasistang tradisyon ng ROTC sa mga kampus. Dapat na agaran na suspindehin ang implementasyon ng ROTC sa PUP at lahat ng pamantasan,” ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.

Taong 2001 nang brutal na mapatay si Mark Welson Chua mula sa Universidad ng Santo Tomas (UST) sa ilalim ng ROTC. Nagbunsod ito ng malawakang kampanya para i-abolish ang ROTC sa mga pamantasan. Nakikitang dahilan ng pagkamatay ni Chua ang kanyang pagtutol sa korupsiyon umano sa mga kadete sa UST.

Dumulo ang panawagang ito sa paglikha ng National Service Training Program (NSTP) sa pamamagitan ng pagkakapasa ng Republic Act 9163 noong Enero 23, 2002 na nagsasabing maging optional ang ROTC at palitan ng Civic Welfare Training Service (CWTS). Nanatili sa pagpipilian ang ROTC sa mga kampus sa ilalim ng superbisyon ng AFP.

Hinikayat ni Crisostomo ang mga biktima ng ROTC na lumabas at magreklamo. Maaari umanong magtungo sa website ng Anakbayan para maisumite ang kanilang reklamo.

Nanawagan naman si Kabataan Rep. Terry Ridon sa kanyang inihaing House Resolution No. 872 sa House Committee on Higher and Technical Education (CHTE) para isang congressional investigation sa nasabing insidente ng hazing na kinasasangkutan diumano ng mga opisyal ng ROTC.

Dagdag ni Ridon, magiging mahalaga ang resulta ng congressional investigation habang kasalukuyang tinatalakay sa Kongreso kung mananatili ang ROTC o tuluyan nang mauwi sa abolisyon ang nasabing programa.

May apat na panukalang batas sa Kongreso na layon muling gawing mandatory ang ROTC, ayon sa Kabataan. Ang mga ito ay ang House Bill 144 ni Rep. Francis Gerald Abaya, House Bill 522 ni Rep. Rodolfo Biazon, House Bill 1720 ni Rep. Erico Aristotle Aumentado, at House Bill 2338 ni Rep. Sherwin Gatchalian.

Sa kabila nito, layon naman ng House Bill 3143 ng Kabataan ang tuluyang abolisyon ng ROTC at pagpapalawig ng NSTP.