Pluma at Papel

Cha-Cha sa Republikang Mamon


Bakit nagkukumahog at nanggigigil na naman ang pambansang lideratong mag-CHA-CHA (Charter Change)? Sa nagdaang mga rehimen matapos ang Edsa Piknik 1, laging isinusulong ito sa Kongreso at idinadahilang hindi na angkop ang umiiral na 1987 Konstitusyon ng bansa para sa tunay na kapakanan at kaunlaran ng Republikang Mamon. Hindi na ito diumano makatutugon sa hinihingi […]

Bakit nagkukumahog at nanggigigil na naman ang pambansang lideratong mag-CHA-CHA (Charter Change)? Sa nagdaang mga rehimen matapos ang Edsa Piknik 1, laging isinusulong ito sa Kongreso at idinadahilang hindi na angkop ang umiiral na 1987 Konstitusyon ng bansa para sa tunay na kapakanan at kaunlaran ng Republikang Mamon. Hindi na ito diumano makatutugon sa hinihingi ng mapaminsalang globalisasyong lumilitaw na pabor lamang sa ganid na mga interes ng dambuhalang kapitalistang mga bansa, lalo na ng Estados Unidos ng Amerika.

Dalawang proseso ang maaaring isalaksak sa titiguk-tigok na lalamunan ng dayukdok na sambayanan kung talagang igigilgil ang CHA-CHA: una, maaaring pagkalooban ng kapangyarihan bilang isang asamblea constituyente ang Kongreso, tulad ng lehislatura ng Pransiya noong 1789-1791, at sila-sila na lamang ang magsusog o magbago sa umiiral na Konstitusyon o, sa kabilang banda, maaaring maghalal ng mga delegado para sa isang Kombensiyon Konstitusyonal tulad nang idinaos sa Philadelphia nang balangkasin ang Konstitusyon ng Estados Unidos ng Amerika, at ganito rin ang ginawa sa Pilipinas noong 1970 sa ilalim ng rehimen ni Marcos.

Sinasabing magiging kasimbuti lamang ng mga magbabago o magsususog nito ang mabubuong bagong Konstitusyon. Kung mga kinatawan at tagapagtanggol lamang ng uring hari-harian ( bastardong makasariling mga pulitiko, ganid at salanggapang na mga kapitalista’t asendero, mga instrumento ng tusong mga denominasyong pang-relihiyon, at mga tagahimod ng kuyukot ng dayuhang mga interes) na, di nga kasi, ay siyang pangunahing bumubuo sa pambansang liderato, paano aasahang kapakanan ng buong bansa at lalo na ng masang sambayanan ang kakatawanin ng nilalaman ng malilikhang bagong Konstitusyon? Hindi rin kaya isingit ng diumano’y mararangal na kinatawan ng bayan ang isang probisyong magpapalawig sa termino ng panunungkulan ng mga sugapa sa kapangyarihan at kayamanan upang mamalaging nakapagkit ang kanilang mga puwit sa inodoro ng sangkatutak na mga impluwensiya’t pribilehiyong ipinahihintulot ng tiwali’t nakasusukang burukrasya? Paano aasahan, kung gayon, na makalilikha ng banal na dokumento ang grupo ng mga impakto?

Ngayon pa lamang, dumadagundong na ang layunin ng kinauukulang mga diyus-diyosan na lamutakin ang mga probisyong pang-ekonomiya, ibasura ang anumang limitasyon laban sa dayuhang mga interes. Una, upang iangkop diumano sa daluhong ng mapanggantsong globalisasyon, pahihintulutan na ang dayuhang mga kapitalistang makapagmay-ari na ng mga lupain at gusali dito gayong, sa kabilang banda, wala ni isang dangkal na lupa sa sariling bayan ang milyun-milyong maralitang Pilipino dahil iilang pamilya lamang ang nagmamay-ari ng mahigit na 50% ng lupain sa Pilipinas. Ikalawa, maaari nang makontrol ng dayuhang mga negosyante ang 100% kapital sa mga korporasyon at negosyo (sa umiiral na Konstitusyon, 60% ang sa Pilipino at 40% lamang sa dayuhan). Ikatlo, at higit na kasuklam-suklam, pahihintulutan na ang dayuhang mga kapitalistang magnegosyo’t magpatakbo ng pambayang mga utilidades (public utilities), gaya ng tubig at kuryente, transportasyon at telekomunikasyon, mga ospital at mga paaralan, at maging mass media o pangmadlang komunikasyon na, kung tutuusin, ay dapat na hawak at kontrolado ng mga Pilipino alang-alang sa pambansang seguridad.

Kung hindi rin lamang mahahadlangan ng makabayan at progresibong mga sektor ng lipunan ang iginigiit na tono ng CHA-CHA na may layuning ibuyangyang at salaulain ang pambansang interes at soberanya, bakit hindi pa ipalamon na lamang nang buung-buo ang bansa sa laging gutom na bunganga ng uring mapagsamantala at ng mapandambong na layunin ng diyus-diyosang kapitalistang mga bansa sa pangunguna ng Amerika ni Uncle Sam?

Sabi nga raw ng diumano’y banal na Simbahan: magtiis na lamang at magdasal!