ATTACKKK!

Mula kay Andang


Surprise! Bilang bahagi ng ugnay natin sa kapwa-makata at manunulat, napagdesisyunan ng inyong (t)abang lingkod na mag-feature ng isang bagong kolumnista tuwing ikasampung labas ng ATTACKKK!. Isang kolum sa loob ng kolum, masaya iyon, hindi ba? Bilang pambungad na salvo, narito ang sinulat ni Andang Juan tungkol kay Ka Eduardo “Eddik” Serrano. Magandang talakayin ito […]

Surprise! Bilang bahagi ng ugnay natin sa kapwa-makata at manunulat, napagdesisyunan ng inyong (t)abang lingkod na mag-feature ng isang bagong kolumnista tuwing ikasampung labas ng ATTACKKK!. Isang kolum sa loob ng kolum, masaya iyon, hindi ba?

Bilang pambungad na salvo, narito ang sinulat ni Andang Juan tungkol kay Ka Eduardo “Eddik” Serrano. Magandang talakayin ito dahil sa pagkakahuli kina Benito at Wilma Tiamzon, kasama ng lima pang iba, sa Cebu. Magandang ungkatin, Ano nga ba ang JASIG? Bakit kailangan itong irespeto? Dahil sa kolum ni Andang, makikita rin natin na hindi masasagwilan (big word!) o mahaharang ng pagkulong sa mga sinasabing lider ng rebolusyunaryong kilusan ang pakikibaka ng mamamayan.

Si Andang Juan ay manunulat-aktibistang may malinaw na pambansa-demokratikong linya. Nagtapos siya ng kursong BA Communication Arts sa Unibersidad ng Pilipinas-Los Baños; sa kasalukuyan ay patnugot siya ng Linyang Masa at kasapi ng Discussion Lab Editorial and Research Collective. Narito ang kanyang akda:

*           *           *

Larawan ng tulang ipinaabot ni Ka Eduardo Serrano sa Camp Crame.
Larawan ng tulang ipinaabot ni Ka Eduardo Serrano sa Camp Crame.

PAHABOL NA PAGBATI NI KA EDDIK SA MGA KASAMA NGAYONG BUWAN NG KABABAIHAN

ni Andang Juan

Napakatalas ng memorya ni Ka Eduardo “Eddik” Serrano. Ito ang  una kong naisip nang tawagin ako ni Ka Eduardo Serrano. Naaalala pa ng matanda ang pangalan ko samantalang halos sampung taon na nang huli kaming magkita’t magkausap.

Estudyante ako sa Unibersidad ng Pilipinas-Los Banos nang una kong makilala si Ka Eddik. Sa Oriental Mindoro Provincial Jail siya nakapiit noon, dahil sa mga gawa-gawang kasong frustrated murder, multiple murder, at kidnap-for-ransom, na isinampa ng reaksyunaryong gobyerno laban sa kanya. Ngayon ay nasa Camp Crame sa Maynila si Ka Eddik, nananatiling nakakulong gayong bilang consultant ng NDFP, ay matagal na dapat siyang nakalaya sa bisa ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Ang pagturing kay Ka Eddik at sa iba pang mga bilanggong politikal ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao.

Bagamat sampung taon na ang nadagdag sa edad ni Ka Eddik mula noong araw na siya ay ilegal na inaresto, nananatiling mataas ang kanyang diwa. Magiliw siyang nakipagkuwentuhan sa akin at sa aking asawa, na noon niya lamang nakilala.

Alam kong mahilig magbasa at magsulat si Ka Eddik at noon pa man ay sumusulat na siya ng mga tula, bukod pa sa mga polyeto at iba pang dokumento. Kaya tinanong ko siya kung sumusulat pa siya ng tula. Gaya ng inaasahan, napakarami niyang naipakita sa akin. At nang muli kaming bumisita sa kanya, iniabot niya sa akin ang ilan sa kanyang mga tula. Marami sa kanyang mga tula ay tungkol sa mga kababaihan. Tila pahabol ito para sa buwan ng Marso.

Sa mumurahing art paper, nakasulat-kamay ang kanyang mga akda. Sa kanyang mga tula, partikular sa “Para sa mga Kababaihang Pulang Mandirigma,” mahihinuha kung gaano kataas ang pagkilala at respeto ni Ka Eddik sa mga kasamang kababaihan, lalo na sa mga kasapi ng armadong kilusan. Tila class picture ng iba’t ibang mga kababaihan sa kilusan ang tula ni Ka Eddik. Ang unang saknong pa lamang ay malinaw na representasyon ng internal at eksternal na tunggalian:

Isang munting dalaga mula sa kanayunan
Pinukaw ng kaapihan, pinagulang ng kahirapan
Nakibaka para sa lupang sakahan, tanging pag-asang tangan
Nagpasyang sumanib sa Hukbong Bayan.

Ang praseng “pinagulang ng kahirapan,” mula sa ikalawang linya ng unang saknong ay malinaw na tumutukoy sa kung paanong ang eksternal na kalagayan (kahirapan) ay makapaghuhubog sa internal na katangian ng mamamayan (gulang o maturity).

Ang ikalawang saknong ay magdadala sa mambabasa sa imahen ng mga karaniwang babae sa loob ng pagawaan:

Isang babaeng manggagawa sa pabrika ng tela
Inapi’t pinangsamantalahan ng ganid na kapitalista
Nakipagkaisa sa uri ng magsasaka
Nagpasyang sumanib sa Hukbong Bayan.

Sa loob ng iilang saknong, sinikap niyang maging masaklaw sa paglalarawan sa iba’t ibang kasawian ng mga kababaihang nagmula sa magkakaibang uri sa lipunan. Kung una at ikalawang saknong ay itinampok niya ang mga kababaihang magsasaka at manggagawa, mga kababaihan naman mula sa panggitnang uri ang kanyang binigyang-halaga sa mga susunod na saknong. Kung kaya’t masasabi kong mapanghamig ang tula ni Ka Eddik. Sa katunayan, sa ikatlo hanggang ikaanim na saknong, may partikular na pagtukoy sa pagsanib sa kilusan ng mga kababaihang mula sa hanay ng petiburgesya:

Isang babaeng aktibistang mag-aaral sa pamantasan ng Estado nagmula
Namulat sa mga turo ng pambansang demokrasya
Pinatatag ng kanyang pag-integra sa masa
Nagpasyang sumanib sa Hukbo ng masa.

Isang magandang propesyunal na dilag mula sa sentrong syudad
Disgustado sa kawalan ng pantay na kabuhayan sa gitna ng prosperidad
Napukaw, naorganisa, namobilisa’t nakibaka
Nagpasyang sumanib sa Hukbo ng masa.

 Isang taimtim at laking-kumbentong dalaga
Bihasa sa teolohiya, natutong magmahal sa sangkatauhan
Nagagap ang radikal na pagbabagong kailangan ng lipunan
Nagpasyang sumanib sa Hukbong Bayan.

Laman ng tula ni Ka Eddik ang mapait na kasalukuyan; ang higit na mahalaga, tumatampok ang kanyang akda sa kasiguruhang dala ng armadong pakikibaka.

Isang batang ina mula sa komunidad sa kabundukan
Habang nag-iipon ng pagkain para sa pamilya maghapon
Ginahasa ng mga pasistang sundalong nag-ooperasyon
Nagpasyang tumulong at maghatid ng mga sulat para sa Hukbong Bayan.

Isang lola mula sa katutubong mamamayan
Kinuba ng bigat ng deka-dekadang pagtatrabaho’t pagpapasan
Nabiktima ng mga mangangamkam ng lupa’t pasistang bayaran
Nagpasyang patuluyin at pakainin sa kubo niya ang Hukbong Bayan.

Kaya naman hindi awa, kundi ang mataas na diwa ng pakikiisa at pagkakaisa ang mararamdaman ng mambabasa sa akdang ito ni Ka Eddik. Sa tula, hindi simpleng naglarawan lamang ng kolektibong pighati at suliranin ng mga kababaihan si Ka Eddik. Sa kanyang tula, binibigyang-katwiran ng kasalukuyang kondisyon ng kababaihan ang pagkakalatag ng armadong pakikibaka sa Pilipinas.

Sa ganito nagtapos ang tula ni Ka Eddik:

Sila ang mga bumabangon na mga kababaihang mandirigma ng bayan!
Sila ang mga kababaihang pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan!

Higit ko itong maiibigan kung ang “sila” ay papalitan niya ng “kami,” nang sa gayon, ang personang tila tinig ng lalaki ay mailipat sa tinig ng babae. Ang tinig ay mawawala na sa awtor, at sa halip ay maililipat/mailalapat ito sa babae. Sa aking palagay, sa ganitong paraan, mas matagumpay na mailalagay ng awtor ang kanyang mga paa sa tsinelas o di kaya’y sa bota ng mga babaeng pulang mandirigma.