Kabataan Main Story

Pagpigil sa pagtaas ng bayarin sa mga pamantasan


Bitbit nila ang satirikal na bersiyon ng mga logo ng mga pamantasan, muling tumungo ng Mendiola, malapit sa paanan ng Malakanyang, ang mga estudyante para ihayag ang galit sa walang habas na taas-singil sa kanilang mga pamantasan. Pinupuntirya nila ang kawalang-aksiyon ng Commission on Higher Education (CHED), ang administrasyong Aquino, at gayundin ang mga administrador […]

Martsa ng kabataan laban sa pagtaas ng matrikula patungong Mendiola. <strong>Pher Pasion</strong>
Martsa ng kabataan laban sa pagtaas ng matrikula patungong Mendiola. Pher Pasion

Bitbit nila ang satirikal na bersiyon ng mga logo ng mga pamantasan, muling tumungo ng Mendiola, malapit sa paanan ng Malakanyang, ang mga estudyante para ihayag ang galit sa walang habas na taas-singil sa kanilang mga pamantasan.

Pinupuntirya nila ang kawalang-aksiyon ng Commission on Higher Education (CHED), ang administrasyong Aquino, at gayundin ang mga administrador ng mga unibersidad–na siyang target ng bitbit nilang satirikal na mga logo na nangungutya sa “pagkaganid” ng mga administrador para pagkakitaan ang edukasyon.

“Malinaw sa atin kung bakit tayo narito ngayon sa Mendiola. Malinaw sa atin kung sino ang dapat managot sa patuloy na komersyalisasyon ng edukasyon,” ani Jacqueline Eroles, pangkalahatang kalihim ng Anakbayan.

Para sa kanila, malinaw ang pananagutan ng gobyerno at CHED: Naglabas ito ng  CHED Memorandum Order (CMO) 3 o “Enhanced Policies, Guidelines and Procedures Governing Increases in Tuition and Other Fees,” na mistulang pumapayag sa taun-taong taas-matrikula at iba pang singilin sa pamamagitan ng pag-utos ng “konsultasyon” sa mga pamantasan sa mga nagnais magtaas ng kanilang matrikula at bayarin na hindi lalampas sa ika-28 ng Pebrero.

At kadalasan, kunya-kunyaring konsultasyon ang sinasagawa, sabi ng nagpoprotestang mga estudyante.

Nanawagan ang kabataan na itigil ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin. <strong>Pher Pasion</strong>
Nanawagan ang kabataan na itigil ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin. Pher Pasion

Walang habas

Sa kabila ng CMO 3, patuloy pa rin ang pagtataas ng matrikula ng mga pamantasan dahil sa luwag ng nasabing memorandum sa mga pamantasang nais magtaas ng matrikula, ayon sa National Union of Students of the Philippines (NUSP).

Bukod pa dito, bogus at hindi umano demokratiko ang nagaganap na mga konsultasyon sa maraming mga pamantasan. Sa datos ng Rise for Education Alliance, nasa 400 pamantasan ang naglalayong magtaas ng kanilang matrikula. Nasa tatlo hanggang 15 porsiyento ang average na pagtaas.

“Walang ginagawa ang administrasyong Aquino sa tatlong taon nito. Siya ang nagbibigay-daan sa komersalisasyon ng edukasyon at hindi ito gawain ng isang karapat-dapat na presidente,” sabi ni Dianne Marie Solmayor, pangkalahatang kalihim ng Anakbayan-Metro Manila.

Para naman kay Sarah Jane Elago, tagapangulo ng NUSP, malayang naitatakda ng mga pamantasan ang matrikulang sinisingil nito  dahil sa deregulasyon sa edukasyon o pagtanggal sa kapangyarihan ng mismong gobyerno na magbigay ng limitasyon sa sinisingil na mga bayarin ng mga pamantasan. Nakatadhana ito sa batas na Education Act of 1982.

Kaya naman nagtataas ng matrikula at iba pang bayarin hindi lamang ang mga pribadong pamantasan kundi maging ang mga state universities and colleges (SUCs) dahil sa kakulangan ng pondong inilalaan ng gobyerno, dagdag ni Elago.

Tulad din ng pribadong mga pamantasan, iba’t ibang dagdag-bayarin din ang pinapasan ng mag-aaral sa SUCs. Halos di na nagkakalayo ang bayarin ng mga ito sa mga publikong pamantasan.

“Pribilehiyo at negosyo ang edukasyon sa ilalim ni Aquino. May konsultasyon man o wala, nagtataas ang mga pamantasan. Taun-taon, ang (singil sa) mga freshman, awtomatikong nagtataas. Samantala, bilyun-bilyong piso ang kinikita ng mga pamantasan na nasa Top 1000 corporations ng bansa,” sabi ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.

“Nalulugi ba yan?” tanong pa niya.

Nagtagpo-tagpo ang mga mag-aaral sa harapan ng Far Eastern University patungong Mendiola. <strong>Pher Pasion</strong>
Nagtagpu-tagpo ang mga mag-aaral sa harapan ng Far Eastern University patungong Mendiola. Pher Pasion

Pagsikil sa mga kritikal

Pero hindi lang mataas na bayarin sa matrikula ang problema ng mga mag-aaral sa mga pamantasan. Kinakaharap din nila ang mapanupil na mga patakaran, ayon sa Student Christian Movement of the Philippines (SCMP).

Sa maraming mga kolehiyo at unibersidad, di pinapayagan ang progresibong mga organisasyon gaya ng League of Filipino Students (LFS), Anakbayan, Kabataan Party-list, at iba pa. Alam kasi ng mga administrador na nagtataguyod ang mga grupong ito ng karapatan ng mga mag-aaral, sabi ni Einstein Recedes, tagapangulo ng SCMP.

“Hindi na lang simpleng represyon, kundi pasismo (ang nararanasan sa loob ng mga pamantasan). Kaya ang tingin natin dito ‘Pamantasan ng Pang-aalipin.’ Tinuturuan ang mga mag-aaral na maging alipin. Hindi tinuturuan o pinahihintulutan nito na kuwesityunin ang bawat polisiya at bayarin na (kontra sa karapatan ng mga) mag-aaral,” ayon kay Recedes.

Ipinunto naman ng College Editors Guild of the Philippines na mahigit sa 200 na ang naitala nilang campus press freedom violations noong nakaraang taong akademiko (academic year).

Nakaugat umano ang karamihan sa paglabag na ito sa pagtaas ng bayarin sa mga pamantasan. Nagiging target din ang publikasyon ng panunupil tuwing nagsisiwalat nito ang itinuturing nitong mga polisiyang “kontra-estudyante”.

Kasama sa panunupil at panghaharas sa mga mamamahayag pangkampus ang surveillance sa kanila na ginagawa ng mga ahente ng militar kapag naglalabas sila ito ng maiinit na isyu o pambansang isyu na sa tingin ng mga militar ay ‘subersibo,’ ayon kay Charina Claustro, tagapangulo ng CEGP-National Capital Region.

Mga satirikal na logo ng mga pamantasan bilang simbolo ng protesta ng mga mag-aaral. <strong>Pher Pasion</strong>
Mga satirikal na logo ng mga pamantasan bilang simbolo ng protesta ng mga mag-aaral. Pher Pasion

“Ngayon pa lang, sari-saring paglabag na sa karapatan ang nararanasan ng mga mag-aaral sa loob ng mga pamantasan. Inaasahan na lalala pa ito dahil sa Cybercrime Law (Republic Act No. 10175) ng administrasyong Aquino,” ayon kay Claustro.

Instrumento ng panunupil sa mga kampus ang mga ahente-militar, gayundin ang institusyon ng Reserve Officers Training Corps (ROTC). Kamakailan, nasangkot ang mga opisyal ng ROTC sa Polyteknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa isang kaso ng hazing. Isang kadete ng ROTC sa PUP na nagsiwalat na nakaranas daw siya ng hazing o pisikal na pananakit ng kanyang mga opisyal.

“Bugbog na nga bayarin sa loob ng mga pamantasan, binubugbog pa ng pasismo. Hindi para sa kabataan ang gobyernong ito. Walang karapatang magpatuloy ang rehimeng ito ni Aquino,” pagtatapos ni Charley Urquiza, tagapangulo ng Central Student Council ng PUP.