Main Story Pambansang Isyu

Pulong para sa pagsasapribado ng Orthopedic Center, ipinrotesta


Sinalubong ng protesta ang pulong ng pamunuan ng Philippine Orthopedic Center (POC) at Megawide World Citi Consortium para umano pag-usapan ang nakaambang pagsasapribado nito. Pinangunahan ng National Orthopedic Hospital Workers’ Union-Alliance of Health Workers (NOHWU-AHW) ang nasabing pagkilos sa loob ng bakuran ng POC kasama ang mga pasyente at mga mamamayan na sumusuporta laban sa […]

"Isa
Isa sa mga ward sa Philippine Orthopedic Center sa Quezon City. KR Guda/PW File Photo

Sinalubong ng protesta ang pulong ng pamunuan ng Philippine Orthopedic Center (POC) at Megawide World Citi Consortium para umano pag-usapan ang nakaambang pagsasapribado nito.

Pinangunahan ng National Orthopedic Hospital Workers’ Union-Alliance of Health Workers (NOHWU-AHW) ang nasabing pagkilos sa loob ng bakuran ng POC kasama ang mga pasyente at mga mamamayan na sumusuporta laban sa pribatisasyon ng POC.

Isinailalim ang POC sa build-operate-transfer o BOT na isang porma ng pribatisasyon. Binigyan-daan ito ng Public-Private Partnership na programa ng administrasyong Aquino. Ang Megawide ang pribadong kompanya na siyang mangangasiwa sa bagong gusali na itatayo sa bakuran ng National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City.

“Pagpapakita ito na hindi welcome dito ang mga nais pagkakitaan ang serbisyong pangkalusugan. Hindi welcome dito ang Megawide ni Henry Sy para gawing negosyo ang ospital na takbuhan ng mga mahihirap nating kababayan,” ayon kay Sean Velchez, tagapangulo ng NOHWU-AHW.

Ayon kay Velchez, malinaw na pagnenegosyo ang gagawing modernisasyon diumano ng POC dahil pribado manggagaling ang pondo nito. Tiyak na babawiin nito ang anumang pondong inilagak; pagkakakitaan ang mahihirap na mga mamamayan na tanging sa publikong ospital lamang umaasa.

Dagdag pa ni Velchez, hindi lamang ang mga kawani sa kalusugan at mga pasyente ang maapektuhan nito kundi maging ang maliliit na negosyo at kabuhayan na nakapaligid sa POC. Sinang-ayunan naman ito ng mga naghahanapbuhay sa paligid ng ospital.

Apektado rin sila

“Mahirap para sa amin dahil dito kami nabubuhay. Kung matutuloy na ilipat ang Orthopedic baka humanap na lang ako ng ibang trabaho,” ayon kay Jun Jun Quisoy, 29, traysikel drayber sa POC na nakapanayam ng Pinoy Weekly.

Ayon kay Quisoy, kumikita siya ng P300 kada araw sa loob ng 5 taon niyang pagmamaneho. Pero karamihan sa mga pasahero niya ay mahihirap. Walang pamasahe daw ang kadalasan sa mga ito o kulang ang pambayad.

Para naman kay Joel Quilang, 21, nagtitinda ng kakanin sa paligid ng POC, magiging mahirap para sa kanya dahil kakailanganin niyang lumipat ng pwesto kung saan maraming tao para kumita.

Nilapitan na nang mga kawaning pangkalusugan ang Korte Suprema noong Pebrero para maglabas ito ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagsasapribado ng POC, pero hindi pa ito naglalabas sa kasalukuyan.

Nakatakda namang muling magtungo ang mga kawani sa kalusugan sa Korte Suprema sa Biyernes para hilingin na maglabas na ang nasabing korte ng TRO laban sa nakaambang pagsasapribado ng POC.