Main Story Manggagawa Pambansang Isyu

Pagtigil sa pagsasapribado ng POC, hiniling sa Korte Suprema


Dalawang araw na nagkampo ang iba’t ibang organisasyon ng mga mamamayan, kasama ang mga kawaning pangkalusugan, sa harapan ng Korte Suprema para hilingin ang temporary restraining order (TRO) laban sa nakaambang pagsasapribado ng Philippine Orthopedic Center (POC). Nobyembre pa noong nakaraang taon nagkasundo ang POC at National Economic and Development Authority (NEDA) Board, kabilang ang […]

Kampuhan ng mga mamamayan sa harapan ng Korte Suprema laban sa pribatisasyon ng Philippine Orthopedic Center. <strong>Pher Pasion</strong>
Kampuhan ng mga mamamayan sa harapan ng Korte Suprema laban sa pribatisasyon ng Philippine Orthopedic Center. Pher Pasion

Dalawang araw na nagkampo ang iba’t ibang organisasyon ng mga mamamayan, kasama ang mga kawaning pangkalusugan, sa harapan ng Korte Suprema para hilingin ang temporary restraining order (TRO) laban sa nakaambang pagsasapribado ng Philippine Orthopedic Center (POC).

Nobyembre pa noong nakaraang taon nagkasundo ang POC at National Economic and Development Authority (NEDA) Board, kabilang ang Megawide Construction Corp. Para umano isailalim ang POC sa iskemang build-operate-transfer (o isang porma ng pagsasapribado) sa ilalim ng public private partnership (PPP) ng administrasyong Aquino ang nasabing kasunduan.

Gumawa ang mga kawani sa kalusugan ng mga ribbon na tumututol sa pagsasapribado ng mga publikong ospital. <strong>Pher Pasion</strong>
Gumawa ang mga kawani sa kalusugan ng mga ribbon na tumututol sa pagsasapribado ng mga publikong ospital. Pher Pasion

Naglabas naman ang Korte Suprema kamakailan ng kautusan para sa Department of Health (DOH) at Malakanyang para sagutin ang petisyon na inihain sa Korte Suprema.

Pero gayunpaman, hindi pa rin ito kasiguraduhan na mag-iisyu na ang Korte Suprema ng TRO, ayon sa Network Opposed to Privatization (NOP).

Ayon sa DOH, para umano sa modernisasyon ng POC at ikabubuti ng mga pasyente ang nasabing kasunduan.

Pero hindi raw ito ang tunay na hangarin ng modernisasyon, ayon sa Alliance of Health Workers (AHW). Sa ilalim ng pribadong pagpapatakbo, mas magiging mahal o hindi abot-kaya sa mahihirap ang serbisyong pangkalusugan, giit ng naturang grupo.

“Ngayon pa lamang na publiko ang nagpapatakbo sa mga ospital, hindi na kaya ng mahihirap nating kababayaan ang gastos na ultimong karayom at bulak kailangan nilang bayaran. Paano pa kaya kung pribado na?” tanong ni Robert Mendoza, pangkalahatang kalihim ng AHW.

Nananawagan ang mga kawani sa kalusugan na huwag ibenta ang POC sa pribadong sektor. <strong>Pher Pasion</strong>
Nananawagan ang mga kawani sa kalusugan na huwag ibenta ang POC sa pribadong sektor. Pher Pasion

Dagdag ni Mendoza, pabor sila sa modernisasyon ng publikong mga ospital dahil sa kasalukuyang kalagayan ng mga ito na sira-sira at nabubulok na.

Iniuugat ng AHW at iba pang grupo ang pagkabulok ng mga pasilidad ng POC sa kakulangan ng badyet na inilalaan ng gobyerno. Pero tutol sila kung  pribadong sektor at hindi gobyerno ang gagawa ng modernisasyon. Pagkakakitaan lang daw kasi ito ng pribadong sektor.

“Hindi totoong walang badyet ang gobyerno, dahil nakikita natin kung paano ginagamit ang pork barrel at DAP (pork barrel ng pangulo) para sa kani-kanilang interes. Bilyong piso ang nauuwi lamang sa korupsiyon at maling paglalaan sa pondo ng bayan, samantalang binubulok ang mga publikong ospital,” ayon kay Mendoza.

Ayon sa NOP, makikita sa kasaysayan ng pagsasapribado ng pampubliko at panlipunang mga serbisyo sa bansa na nagresesulta ito sa pagsahol ng buhay ng mga Pilipino dahil sa taas ng halaga ng serbisyo.

“Umaasa kami na ang mga hukom natin sa Korte Suprema ay magbubukas ng kanilang mga puso at isipan para sa ating mahihirap na pasyente na pinakamaaapektuhan ng pagbabagong ito,” ayon kay Eleanor Jara, doktor-medikal at tagapagsalita ng NOP.