Main Story Pambansang Isyu

Pananagutan ng DSWD sa di-pag-abot ng relief goods sa mga biktima ng Yolanda


Paulit-ulit na sinabi ni Dinky Soliman, sekretaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD): Kung namomonitor ninyong di umaabot ang relief goods sa mga biktima, i-text ninyo na lang sa aming hotline. Pero huwag umasa ng reply. Hindi rin puwedeng tawagan ang numero. Umasa na lang na aaksiyunan daw ng kanilang ahensiya ang mga […]

DSWD Sec. Dinky Soliman at Sr. Editha Eslopor, tagapangulo ng People Surge. <strong>KR Guda</strong>
DSWD Sec. Dinky Soliman at Sr. Editha Eslopor, tagapangulo ng People Surge. KR Guda

Paulit-ulit na sinabi ni Dinky Soliman, sekretaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD): Kung namomonitor ninyong di umaabot ang relief goods sa mga biktima, i-text ninyo na lang sa aming hotline. Pero huwag umasa ng reply. Hindi rin puwedeng tawagan ang numero. Umasa na lang na aaksiyunan daw ng kanilang ahensiya ang mga reklamo.

Ganito ang naging tugon ni Soliman at ng DSWD sa paulit-ulit ding ulat ng mga survivor ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas na di-nakakaabot sa kanilang mga bayan ang mga relief, at tumitindi ang gutom sa mga mamamayan ng probinsiya.

Sa diyalogong hiniling sa kanyang opisina ng grupo ng mga survivor ni Yolanda na tumungo ng Maynila, inamin ni Soliman na hindi nila direktang naaabot ang mga biktima sa mga komunidad ng mga nasalanta ng bagyo para ipamahagi ang relief goods. Nagsasagawa sila ng spot checks sa ilang lugar, pero iilan lang ang napupuntahan. “Wala kaming mandate na dumiretso (sa mga komunidad). Ang aming katuwang sa pagbibigay ay ang lokal na pamahalaan. Pero alam po namin na baka magkaproblema ’yun, kaya mayroon po kaming text number na hotline. At dun kami kumukha ng text na complaints,” paliwanag niya.

Sinabi ni Soliman na di sila makakapag-aksiyon kung walang mga ulat. Hindi rin nila kayang galugarin ang mga komunidad ng Eastern Visayas dahil “wala ito sa mandato namin:” Ang mandato lang nila, ibagsak ang relief goods sa mga munisipyo, at iasa sa lokal na pamahalaan ang pamamahala.

Samantala, patuloy ang matinding gutom ng mga mamamayang naging biktima na ng bagyo, tila nagiging biktima pa ng gobyerno.

PW-DSWD-hotline-relief-goods-meme

Buong pagmamalaki

Sa pangunguna ng People Surge, katuwang ang alyansang pangkababaihan na Gabriela, nakipagdiyalogo ang mga biktima ng Yolanda kay Soliman sa tanggapan ng huli sa Quezon City noong Marso 12. Dito muling inihapag ng mga lider ng People Surge ang hiling nila, kabilang ang pagbasura sa “No Build Zone” na polisiya sa tabing-dagat ng Tacloban, pamamahagi ng relief goods sa nagugutom na mga survivor ng bagyo, at paglaan ng P40,000 kada pamilya bilang ayuda para makabangon na sila.

Sa naturang diyalogo, isa-isang tinanggihan ni Soliman ang naturang mga hiling. May pag-aaral umano ang gobyerno na bulnerable sa bagyo ang 12-kilometrong erya malapit sa dagat, kaya may “No Build Zone”. Sa kabila ito ng libu-libong mamamayang nakaasa sa pangingisda, nakatira sa tabing-dagat dahil nakaasa rito ang kanilang kabuhayan. Tinanggihan din ni Soliman – matapos umano iutos ni Pangulong Aquino ang pag-aaral hinggil dito – ang P40,000 suporta sa mga pamilya. Hindi umano ito kaya ng pondo ng gobyerno.

Sa pamamahagi ng relief goods, ipinagmalaki ni Soliman na regular daw nilang ginagawa ito. Sa kabila ito ng pag-amin niyang walang kaseguruhan na umaabot ang relief goods sa mga biktima. Aniya, regular nilang napapamahagian ng 25 kilo ng bigas at iba pang relief goods kada pangalawang linggo ang 171 munisipalidad ng Eastern Samar at Leyte.

Pero pinabulaanan ito ng maraming kuwento ng People Surge mula sa Eastern Samar at Leyte. Ani Marissa Cabaljao, mula sa pamilya ng mga magsasaka sa Eastern Samar at convenor ng People Surge sa lugar, “(Matapos ang bagyo,) dalawang beses kaming kumakain sa isang araw ng kamoteng kahoy, kung anu-ano na lang, para lang mabuhay…Nasaan po iyung tulong? Hindi naming naramdaman.”

Iniulat din, halimbawa, ni Eric Labagala ng People Surge na sa maraming barangay sa Motiong, Samar, hindi rin nakakatanggap ng relief goods ang mga mamamayan. Noong Enero sila unang nakatanggap nito–mula sa organisasyong Migrante International at isang grupo ng mga Koreano, ayon kay Labagala.

Sinang-ayunan ito ng Gabriela. Sinabi ni Joan Salvador, international relations officer ng grupo, na sa dalawang linggo na pamamalagi niya sa Leyte noong Pebrero, nasaksihan mismo niya na walang umaabot na relief goods ng DSWD–kahit sa mga barangay na malapit sa dagat at madaling puntahan mula sa Tacloban.

Bulok na serbisyo, bulok na relief

Diyalogo ng People Surge kay DSWD Sec. Soliman. <strong>KR Guda</strong>
Diyalogo ng People Surge kay DSWD Sec. Soliman. KR Guda

Sa mga lugar na nakakaabot ang relief goods, may mga pagkakataon pang bulok ang pagkaing nakukuha nila. Sinabi ni Sr. Editha Eslopor, tagapangulo ng People Surge, na noong Enero, may ilang mamamayan na nakasaksi sa relief goods na “tinatapon sa dagat”–mga bigas at canned goods.

“May nag-report din sa amin tungkol sa nilibing na bigas at canned goods–mabilisan ang paglibing. Paano ninyo namomonitor na iyung ibinibigay ninyo ay maayos pa, makakain pa ng mga biktima?” tanong ni Espolor kay Soliman.

Itinanggi ni Soliman na may kinalaman sila sa pagtapon ng sirang mga pagkain. “Hindi po kami nagre-release ng panis na bigas. Hindi kami nagbibigay ng bulok na canned goods. Ang pinanggagalingan niyan, (may) quality control,” aniya. Hinggil sa naiulat na “trak-trak” ng nabulok na pagkain na nilibing sa Palo, Leyte, sinabi ni Soliman na pinaimbestigahan niya ito sa regional director ng DSWD. Nalaman niyang ang ibinaon “lamang” ay “isang sako ng assorted biscuits, 10 pieces of cup noodles, one sack of NFA rice, one sack of used clothing.”  Hindi na raw ito “fit for human consumption” dahil nabasa na.

Iginiit ni Soliman na dapat na inuulat ng mga tao, kabilang ang mga miyembro ng People Surge, sa DSWD ang mga kasong katulad ng binabanggit ni Espolor.

Kuwento ni Espolor, isa sa mga nagbahagi sa kanya ng tungkol dito ang drayber ng trak na nagtapon sa sirang mga pagkain. Natatakot umano ang naturang drayber para sa kanyang buhay kung kaya ayaw lumantad sa publiko.

Walang may pananagutan

Sinabi ni Monique Wilson, miyembro ng Gabriela at global director ng One Billion Rising na nangangampanya para sa hustisya sa kababaihan kabilang ang kababaihang biktima ng Yolanda, malinaw na hindi gumagana ang sistema ng pagmomonitor ng DSWD.

“Sa four months (matapos ang bagyong Yolanda), walang nakasuhan. Sino ngayon ang magte-take ng accountability sa goods na di nakakarating? Paikut-ikot lang, walang nagte-take ng responsibility. Nagpapatuloy ang impunity ng di napamimigay (na relief goods),” ani Wilson.

Para sa kanya, “band aid solution” lang at hindi naiuugat ng minsanang spot check at pagbigay ng hotline ang problema.

Samantala, itinanggi ni Soliman ang inaanunsiyo ng DSWD sa Tacloban na ititigil na ang pamamahagi ng relief goods sa katapusan ng Marso. Sinabi kasi ni Eslopor na nagkalat sa buong lungsod ang anunsiyo ng naturang departamento hinggil dito. Nakita rin niya na nakapaskil sa airport ang mga anunsiyong ganito.

“Sinasabi ko po sa inyo categorically, impostor ang mga gumagawa noon (nagkakabit ng mga anunsiyo), at nanggaling ako sa lugar na iyon, wala akong nakita roon,” sabi ni Soliman. Ipinanindigan ni Eslopor na nagkalat ang naturang anunsiyo sa Tacloban; kitang kita niya mismo.

Pero may kaunting bawi si Soliman: Ititigil ang pamamahagi ng relief goods sa mga tao na “kaya nang tumayo sa sarili nilang paa”. Ibig sabihin, iyung may kabuhayan na, may sapat na kinikita para makapamili ng pagkain. DSWD ang magdedetermina nito, katuwang ang “municipal links” daw nila: mga taong nasa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na pangalan ng programang conditional cash transfer ng gobyerno.

Kinuwestiyon ng People Surge at Gabriela ang planong ito ng DSWD. Anila, kung hirap na nga ang ahensiya sa pagmonitor kung nakakarating talaga ang relief goods sa mga mamamayang nangangailangan nito, lalo itong mahihirapan sa makatotohanang pagdetermina kung sino ang “tumatayo na sa sariling paa” o may sarili nang kabuhayan–sa lahat ng barangay, lalo na sa interyor na mga lugar ng probinsiya.

Programang cash-for-work ang iniaalok daw ng gobyerno sa mga nasalanta, sa halip na ang P40,000 bawat pamilya na hinihiling nila. Pangunahing trabaho rito ang paglilinis ng mga kalsada at imprastraktura ng gobyerno. Pero binigyang-diin ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, na mula Nobyembre hanggang Disyembre, (sa “first wave,” sabi ni Soliman) umabot lang sa 16,000 katao mula sa konserbatibong figure na 280,000 pamilya ang nabiyayaan ng programa. “Wala pang 10 porsiyento ito,” ani Salvador.

Protesta ng People Surge patungong DSWD sa Quezon City. <strong>KR Guda</strong>
Protesta ng People Surge patungong DSWD sa Quezon City. KR Guda

‘Walang patutunguhan’

Sa diyalogo, isa sa pangunahing kakulangan ng relief operations ng administrasyong Aquino ang kawalan nito ng kakayahan — o interes — na imonitor ang bawat barangay at komunidad na nangangailangan ng agarang relief.

Mahigit apat na buwan na mula nang ragasain ng Yolanda ang Eastern Visayas, wala pa ring makain ang mga mamamayan. Sira ang pananim ng mga magsasaka at hindi agad ito mapapalitan. Nawala ang kanilang mga gamit para sa pagsasaka, pangingisda, at iba pang pang-ekonomikong gawain. Sira at di pa rin inaayos ang mga imprastraktura ng gobyerno, mula sa mga kalsadang nasira, tulay, hanggang sa mga gusali. Samantala, limitado ang naaabot ng nongovernment organizations na namamahagi ng sarili nilang relief goods labas sa ipinamamahagi ng gobyerno.

Sa kabila nito, sinasabi ni Soliman: Hindi nila pinababayaan ang mga biktima ng Yolanda. Hindi kumbinsido ang mga survivor na kinakatawan ng People Surge. Naniniwala silang sa kakulangan pa lamang ng monitoring sa aktuwal na pinatutunguhan ng relief goods (inaasa pa sa mga mamamayan ang pag-report ng di-pag-abot ng relief sa kanila), sa di-pagtugis sa lokal na mga opisyal na di-namamahagi ng relief goods, at kapos-na-kapos na programang pangkabuhayan ng gobyerno–masasabi nilang nagpapabaya nga ang administrasyong Aquino sa kanila.

“Kung wala na kaming maaasahan, wala na tayong dapat pag-usapan,” sabi ni Sr. Eslopor, sabay tayo at lakad palabas ng building ng DSWD, kasunod ang iba pang lider ng People Surge, patungo sa protesta ng mga mamamayan sa labas.