Istorya ng Linggo Main Story Pambansang Isyu

10 katotohanan hinggil sa ‘pagkakaibigan’ ng gobyerno ng US at Pilipinas


Nasa ikawalong round na ang negosasyon sa pagitan ng mga kinatawan ng administrasyong Aquino ng Pilipinas at Obama ng US para maplantsa ang Enhanced Defense Cooperation Agreement ng dalawang bansa, sa pagkakasulat nito. Hanggang ngayon, batayang mga prinsipyo lamang nito ang naisasapubliko. Minamadali ng dalawang panig ang kasunduang ito para magpirmahan sa pagdating ni US Pres. […]

Nasa ikawalong round na ang negosasyon sa pagitan ng mga kinatawan ng administrasyong Aquino ng Pilipinas at Obama ng US para maplantsa ang Enhanced Defense Cooperation Agreement ng dalawang bansa, sa pagkakasulat nito. Hanggang ngayon, batayang mga prinsipyo lamang nito ang naisasapubliko. Minamadali ng dalawang panig ang kasunduang ito para magpirmahan sa pagdating ni US Pres. Barack Obama sa Pilipinas sa Abril 28 at 29.

Ito lamang ang pinakahuling debelopment sa mahigit 100 taong “pagkakaibigan” ng dalawang bansa. Pero pantay ba ang “pagkakaibigang” ito? O higit na mas nakalalamang ang mas malakas at dehado ang mahina? Natukoy ng Pinoy Weekly ang sampung (10) susing katotohanan na dapat mabatid ng madla hinggil sa pagkakaibigang ito—katotohanang marahil ay nakakagulat at nakakatakot para sa unang makakarinig nito. Alamin ito, at kung bakit tinututulan ng makabayang mga kilusan sa Pilipinas ang EDCA–at ang tila’y di-pantay na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

1.    Nakapokus na ang militar ng US sa Asya-Pasipiko.

Ilan sa mga barkong pandigma ng US Pacific Fleet. <strong>Mula sa US Pacific Fleet FB account</strong>
Ilan sa mga barkong pandigma ng US Pacific Fleet. Mula sa US Pacific Fleet FB account

Noong 2009, sa unang termino ni US Pres. Barack Obama, inilatag na ng noo’y US State Sec. Hillary Clinton ang tinaguriang “rebalancing” ng puwersang militar ng US sa Asya-Pasipiko. Umikot sa iba’t ibang bansa sa rehiyong ito si Clinton noong taong iyon. Sa sumunod na taon, pumunta siya sa Hanoi, Vietnam para sabihing nasa interes ng US ang pagprotekta ng “freedom of navigation” sa South China Sea. Taong 2011, ginamit niya ang terminong “US pivot to Asia” sa artikulong “America’s Pacific Century” bilang opisyal na polisiya ng administrasyong Obama na pagtalaga ng 60 porsiyento ng barkong pandigma ng US tungo sa Asya. Ayon sa mga opisyal ng gobyerno ng US, papawakas na ang mga digmaan nito sa Afghanistan at Iraq; kailangang magpokus ang US sa Asya para muling mapalakas ang presensiya sa bahaging ito ng daigdig—kung saan lumalakas din ang impluwensiya ng bansang China.

Magmula noon, sunud-sunod na ang pagbisita sa Asya ng senior officials ng militar at pampulitikang liderato ng US. Sunud-sunod din ang military at naval exercises ng US sa South Korea, Vietnam at Pilipinas, at nagdeploy ng mas maraming Marines sa Australia. Sa Pilipinas, ipinagpapatuloy nito ang walang-tigil na presensiyang militar. Noong Agosto 2013, inanunsiyo ng gobyernong Obama at Aquino ang negosasyon ng dalawang panig tungo sa isang “rotational access agreement” para sa mas matinding presensiya ng US Armed Forces sa Pilipinas. (Kalaunan, ang “rotational access agreement” na ito ay pinangalanang Enhanced Defense Cooperation Agreement.) Kaalinsabay nito, umiinit sa midya ang usapin ng presensiya ng mga kagamitang naval ng China sa pinag-aagawang mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine (South China) Sea tulad ng Spratlys, Ayungin Shoal, atbp.

2.    Bagong pananakop, bagong kolonyalismo?

Isang US Marine sa harap ng watawat ng Amerika sa Pacific Ocean. <strong> Mula sa US Pacific Fleet FB account</strong>
Isang US Marine sa harap ng watawat ng Amerika sa Pacific Ocean. Mula sa US Pacific Fleet FB account

Hindi itinatanggi ng mga gobyerno ng US at Pilipinas na isa sa pangunahing mga katangian ng Enhanced Defense Cooperation Agreement ang walang-taning na pagbabase ng mga tropang militar ng Kano sa mga base at pasilidad ng militar ng Pilipinas. Pinag-uusapan din ang pag-imbak ng mga kagamitang militar ng US sa mga kampong militar ng Pilipinas. Pati ang dating mga baseng militar ng US sa Subic Bay, Zambales at Clark, Pampanga ay naiuulat na maaaring gamitin ng US para sa militar nito.

Sa kasalukuyan, wala pa man ang EDCA, mistulang permanente nang nakabase sa Mindanao ang humigit-kumulang 600 tropa nito. Wala pa ito sa labas-masok na mga tropang Kano tuwing may ehersisyong militar (Balikatan) o tuwing may humanitarian missions daw ang mga tropang ito sa mga lugar na nasalanta raw ng kalamidad. Ang mga pasilidad na ginagamit ng Kano ngayon ay sa aktuwal na karanasa’y di napapasok ng mga Pilipino, hindi naiinspeksiyon (kung totoo nga ang sinasabi nila).

Sa bagong kasunduan, titindi lamang ito. Taong 1899 nang sakupin tayo ng puwersang militar ng Kano. Taong 1991, pinagbotohan ng Senado ang pagpapasipa sa baseng militar ng US sa Pilipinas. Ngayon, mistulang sinasakop uli tayo ng isang banyangang puwersang militar.

3.    Wala pang binatbat ang China sa lakas-pandigma kumpara sa US. Pero hindi makikialam ang US sa sigalot ng Pilipinas sa China.

Ang Ministro ng National Defense ng China na si Hen. Liang Guanglie, sa isang press conference sa Pentagon, headquarters ng US Armed Forces, sa Washington DC, USA noong 2012. <strong>Wikimedia Commons</strong>
Ang Ministro ng National Defense ng China na si Hen. Liang Guanglie, sa isang press conference sa Pentagon, headquarters ng US Armed Forces, sa Washington DC, USA noong 2012. Wikimedia Commons

Ayon sa maraming eksperto, maging sa mga akademiko sa Amerika, hindi nakatulong ang polisiyang “US pivot to Asia” para maging istable ang rehiyon. Katunayan, nakaambag pa ito sa pagtindi ng agresyon ng China sa West Philippine Sea—dahil natulak ang China na magpakitang-gilas sa harap ng US at mga alyado nito. Sinabi pa ni Robert Ross sa Foreign Affairs, na batid naman ng liderato ng China na di-hamak na mas mahina ang militar nito kumpara sa US. Pero dahil sa agresibong pagposisyon ng US sa lugar kung saan malapit ang China, natulak itong magposturang agresibo rin—para hindi magmukhang mahina sa harap ng isang makapangyarihang puwersa tulad ng US.

Sa kabila ng agresibong pagpopostura ng China, wala pa itong binatbat sa lakas ng US. Sabi pa ni Ross, nagsisimula pa lamang gumawa ang China ng next-generation guided-missile destroyer. Agosto 2011 lamang, nakapaglabas ito ng isang Aegis-class destroyer fleet (luma at binili sa Rusya), samantalang mayroon nang 22 ang US na may superyor na teknolohiya.

Sa pakikipag-usap nito sa mga opisyal ng China, palaging sinasabi ng mga opisyal ng US na mananatili itong niyutral sa territorial disputes ng China at mga alyado ng US, tulad ng Japan at Pilipinas. May dispute ang China sa Japan, matapos “inasyunalisa” ng Japan ang mga islang Diaoyu noong 2012. May dispute din ang China sa Pilipinas sa Spratlys. Sa parehong kaso, palaging sinasabi ng US na hindi ito direktang makikialam sa sigalot—bagamat para makakuha ng konsesyon sa mga alyado, inihahayag naman ng US sa Pilipinas at Japan na sinusuportahan nito ang claims ng dalawa. “Tuwing kausap namin ang US, sinasabi nila hindi sila papanig, pero minsan, kung kausap nila ang mga Hapon o tuwing nagpapahayag sa publiko, iba naman ang sinasabi nila,” sabi ni Cui Tiankai, embahador ng China sa US, noong Mayo 2013.

Kamakailan, sinabi rin ni dating Sen. Leticia Ramos-Shahani ang matagal nang sinasabi ng maraming eksperto: Hindi poprotektahan ng US ang Pilipinas sa sigalot nito sa China. Kailangan umanong simulan na ng Pilipinas ang “mas independiyenteng” polisisyang panlabas. “Darating ang panahon, matatanto nating kailangan nating mamuhay nang mapayapa bilang mga kapitbahay,” sabi pa ni Shahani.

4.    Narito ang tropang militar ng US para protektahan ang mga negosyo nito.

Poster noong World War I para sa US Merchant Marine Fleet, katuwang na fleet ng komersiyal na mga barko ng US. <strong>Wikimedia Commons</strong>
Poster noong World War I para sa US Merchant Marine Fleet, katuwang na fleet ng komersiyal na mga barko ng US. Wikimedia Commons

Sa inilabas ng US Department of Defense na dokumentong “Sustaining US Global Leadership: Priorities for 21st Century Defense,” na nagbabalangkas ng “bagong” US defense strategy na may diin sa Asya-Pasipiko at Middle East. Sa maiksing salita, layunin ng mas matinding presensiyang militar ng US sa Asya-Pasipiko ang pagkontrol sa ayon dito’y “global commons (karagatan at himpapawid) na susing ugnay sa pandaigdigang sistema ng kalakalan, gayundin sa anti-access and area denial environments(undersea, space-based, cyberspace). Malinaw, kahit sa mga pahayag ng dating US State Sec. Clinton, na pangunahing pakay ng US sa Asya-Paspiko ang pagpoprotekta sa South China Sea kung saan dumadaan ang 55 porsiyento ng lahat ng trade vessels sa buong mundo.

Nais ng US ng maging mas aksesible sa mga barko nito (at sa barko ng mga alyado nito tulad ng European Union, Japan, Australia, atbp.) ang naturang dagat—pero banta rito ang presensiya ng China. Kumpara sa Suez Canal sa Timog Amerika, tatlong beses na mas marami ang langis at liquefied natural gas (LNG) na dumadaan sa South China Sea.

Sa madaling salita, dalawang nag-uumpugang bato, kumbaga, ang bangayan ng China at US sa South China Sea. Nasa gitna lamang ang Pilipinas ng pag-uumpugang ito.

Isa pa, may malaking pang-ekonomiyang potensiyal ang mismong South China Sea at sa buong Southeast Asia. Ayon sa US Geological Survey, tinatayang may kabuuang 21,632 milyong bariles ng langis pa ang di nadidiskubre sa rehiyong ito. Mayroon ding 298,761 bilyong cubic feet ng conventional gas na di pa nadidiskubre o namimina, at 9,099 milyong bariles ng LNG. Pero mas malaki pa rito ang pagtataya ng Chinese National Offshore Oil Company, na noong Nob. 2012 ay nagsabing tinatayang aabot sa 125 bilyong bariles ng langis at 500 trilyong cubic feet ng natural gas ang matatagpuan sa South China Sea pa lang.

Nasa gitna ng matinding resesyon at pagbagsak ng ekonomiya ang US, na sumiklab noong 2008 Global Financial Crisis. Gusto nito makopo ang di pa nadidiskubreng mga likas na yaman ng Southeast Asia para makatulong na makabangon mula sa kinalulugmukang krisis. Kailangan din nito ang emerging markets ng naturang rehiyon, lalo pa’t lalong nagbukas sa dayuhang negosyo ang mga bansang Myanmar, gayundin ang Vietnam, Cambodia, Laos, at iba pa.

5.    Ang huling pagkakataon na nagbuhos ng tropang militar ang US sa Southeast Asia? Halos apat (4) na milyong tao ang nasawi.

Interogasyon/tortyur sa isang Viet Cong na gerilya ng mga sundalong Kano noong Vietnam War. <strong>Wikimedia Commons</strong>
Interogasyon/tortyur sa isang Viet Cong na gerilya ng mga sundalong Kano noong Vietnam War. Wikimedia Commons

Noong Digmaang Pilipino-Amerikano, mula 1899 hanggang 1902, daan-daan libong Pilipino ang napaslang sa paglaban sa mga Amerikanong kolonisador. Marami pa ang nasawi sa pagsupil ng armadong puwersa ng US hanggang ideklara ang “kalayaan” kuno noong Hulyo 4, 1946. Kuwento ng mga historyador, ang digmaang ito ang “unang Vietnam (War).”

Ganito inilarawan ang naturang digmaan dahil sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng US, pinangasiwaan nito ang isang counter-insurgency warfare – paglaban sa mga gerilyang lumalaban sa pananakop nito. Noong 1965 hanggang 1975, direktang nakialam ang US sa internal na sigalot sa pagitan ng mga puwersang pampulitika sa loob ng Vietnam—sa pagitan ng maka-Kanluraning gobyerno ng South Vietnam at sa independiyenteng North Vietnam na pinamumunuan ni Ho Chi Minh. Sinakop ng US Armed Forces ang South Vietnam para labanan ang Viet Cong na sumusuporta sa “pagkakaisa” o reuinification ng kanilang bansa na itinutulak ng North. Ginamitan ng US ng Army, Navy at Air Force – at pagbomba sa North Vietnam na humigit pa sa bilang at lakas ng aerial bombing na naranasan sa buong World War II.

Suma total, aabot sa 3.8 milyong katao ang nasawi dahil sa Vietnam War. Tinatantiyang mula 195,000 hanggang 430,000 South Vietnamese ang nasawi sa digmaang ito, samantalang 50,000 hanggang 65,000 ang nasawi sa North Vietnam. (Basahin ang Wikipedia entry na ito, na bumabatay naman sa opisyal na mga datos at iba’t ibang pang-akademikong sources.)

Bago pinasok ng US ang Vietnam, sinabi rin nitong nais nitong kontrolin ang lumalakas na impluwensiya ng China sa Southeast Asia—noong nasa sosyalistang gobyerno pa ito sa pamumuno ni Mao Zedong.

 6. Humanitarian Assistance tuwing kalamidad? Alamin ang nangyari sa Haiti.

Relief goods ng US Agency for International Development o USAid na nakaimbak sa Tacloban airport noong Nob. 2013, isang linggo matapos ang bagyo. <strong>Pher Pasion</strong>
Relief goods ng US Agency for International Development o USAid na nakaimbak sa Tacloban airport noong Nob. 2013, isang linggo matapos ang bagyo. Pher Pasion

Maihahalintulad ang pagsalanta ng bagyong Yolanda (Haiyan) sa Eastern Visayas ng Nobyembre 2013 sa 7.0  magnitude na paglindol sa bansang Haiti noong Enero 2010. Nawasak ang halos buong kabisera ng bansa na Port-au-Prince—ang mga bahay, bilding, imprastraktura, pasilidad ng serbisyo, atbp. Dama ang ekonomiya at pulitika ng naturang bansa. Tinatayang 230,000 katao ang nasawi, 300,000 ang nangangailangan ng atensiyong medikal, 1.5 milyon ang nawalan ng tahanan at dalawang milyon ang nagugutom. Dahil dito, sumaklolo ang iba’t ibang bansa at pandaigdigang mga grupo para magbigay ng agarang saklolo at relief sa mga mamamayang Haitian.

Kasabay nito, nagdeploy ang gobyernong US, hindi ng aid workers tulad ng mga doktor, personel medikal, atbp., kundi ng militar nito. Isiniwalat ng WikiLeaks noong 2011 na mabot sa 22,000 tropa ang itinalaga nito sa maliit na bansa ng Haiti kahit na sinasabi mismo ng US Embassy at ng United Nations na walang seryosong banta sa seguridad sa lugar. Sa isang op-ed na artikulo sa Wall Street Journal, sinabi ng mga doktor na sina Soumitra Eachempati, Dean Lorich at David Helfet na hinarang pa ng militar ng US ang emergency teams ng mga Amerikanong doktor na aayuda sana sa mga Haitian, isang araw matapos ang lindol. “The U.S. response to the earthquake should be considered an embarrassment. Our operation received virtually no support from any branch of the U.S. government, including the State Department. As we ran out of various supplies we had no means to acquire more,” sabi nila. Papalabas nila Haiti, nasaksihan nila ang laksa-laksa (warehouse-size) na di-nagamit na mga gamot, pagkain at suplay sa airport na hindi napamamahagi sa mga biktima.

Kung pamilyar na istorya ito, ito’y dahil naganap din ito noong panahon ng Yolanda: sa kabila ng agresibong media campaign ng US Armed Forces sa pag-ayuda nito sa Tacloban, naikuwento ng mga residente na hindi epektibong naipamahagi ang tambak-tambak na relief goods sa paliparan ng siyudad noong krusyal na mga araw matapos ang bagyo. Sa kabila nito, naging tuluy-tuloy ang pagdeploy ng tropang Kano sa lugar. Ilang linggo matapos ang bagyo, mahigit sampung warships ng 7th Fleet ng US, kabilang ang USS George Washington na isa sa pinakamalaking aircraft carriers ng US, ang dumaong sa Tacloban at iba pang lugar ng Easter Visayas. Tinatayang umabot sa 8,000 tropang Kano ang inilagak sa rehiyong ito noong panahong iyon.

Sa kabila ng kanilang “tulong”, laganap ang balita, noon at ngayon, ng nasasayang at di naipapamahaging relief goods, di pag-abot ng relief goods sa pinaka-nangangailangang mga residente, kawalan ng saklolo na nagresulta sa pagkamatay ng marami, at iba pang kapabayaan ng gobyernong Aquino.

Samantala, itinuturing ng administrasyong Obama na malaking public relations coup ang pakitang-tao na ayuda ng US sa Pilipinas matapos ang bagyong Yolanda.

 7. Military assistance ba kamo? Heto ang antigong mga gamit.

BRP Ramon Alcaraz, ang dating barko ng US Coast Guard na USCGC Dallas bago ito binenta ng US sa Pilipinas noong Marso 2012. <strong>Wikimedia Commons</strong>
MAKALUMANG BARKO: BRP Ramon Alcaraz, ang dating barko ng US Coast Guard na USCGC Dallas bago ito binenta ng US sa Pilipinas noong Marso 2012. Wikimedia Commons

Sa halos 100 taong pagbabase ng militar ng US sa Pilipinas (mula 1899 hanggang 1991), hindi nito nagawang imodernisa ang kapasidad ng Armed Forces of the Philippines na protektahan ang sariling bansa mula sa eksternal na mga banta. Ito’y dahil, ayon sa maraming eksperto, nais ng US na manatiling tali ang AFP sa pana-panahon at tingi-tinging “ayuda” ng US sa Pilipinas sa bisa ng PH-US Mutual Defense Treaty.

“Sa kabila ng mga pagsasanay militar at permanenteng presensya ng US sa bansa, nananatiling mga pinaglumaang mga sasakyan at gamit pandigma ang natatanggap ng Pilipinas mula sa US,” sabi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Ibinigay na halimbawa ng Bayan ang pagbili kamakailan ng Hamilton Class Cutters (naging BRP Gregorio del Pilar at BRP Ramon Alcaraz) na barkong pandigma pa ng US noong panahon ng Vietnam War. Binili ito ng Pilipinas sa halagang P423 Milyon na kinuha pa mula sa Malampaya Fund. Umaabot pa sa P881-M ang pagmamantine ng kagamitang ito. Sa maiksing salita, ang “ayudang militar” na ito ay napagkakitaan pa ng US.

8. US ang tinitingnang pinakamalaking banta sa kapayapaan sa buong mundo.

Ehersisyong militar ng tropang Kano at Pilipino. <strong>Mula sa Balikatan Exercise FB page</strong>
Ehersisyong militar ng tropang Kano at Pilipino. Mula sa Balikatan Exercise FB page

Global policeman? Peacemaker? Ayon sa pandaigdigang sarbey ng WIN/Gallup International para sa taong 2013, US ang tinitingnan ng mga mamamayan ng mundo bilang “pinakamalaking banta sa kapayapaan ng mundo”. Ayon sa naturang poll, 24 porsiyento ng mga nasarbey na mga bansa ang nagsabing banta sa kapayapaan ng mundo ang Amerika. Ang pinakamalapit na sumunod na banta ay Pakistan, sa 8 porsiyento; China sa 6 porsiyento; at apat na bansang (Afghanistan, Israel, Iran at North Korea) tied sa 5 porsiyento.

Hindi ito kataka-taka, dahil US ang may pinakamalaking armadong puwersa sa buong mundo. Ito ang bansa na sangkot sa pinakamaraming digmaan, sa kasalukuyan at sa kasaysayan. Ito ang sangkot sa pinakaraming bilang ng paglabag sa karapatang pantao, lalo na sa mga lugar na sinasakop nito tulad ng Vietnam, Iraq, Afghanistan, at iba pa. Kamakailan, naisiwalat din ang malawakang paniniktik ng US National Security Agency at Central Intelligence Agency sa iba’t ibang bansa, ang drone strikes nito sa Pakistan at Yemen na pumaslang sa maraming sibilyan, at marami pang pagbabanta sa kapayapaan sa daigdig.

Kaya hindi maaasahang “kapayapaan” ang dadalhin ng presensiyang militar ng US sa Pilipinas.

 9. Maraming beses na sinabi ng US na poprotektahan nito ang mga alyado nito. Pero maraming beses itong tumalikod sa mga pangako nito.

Artist rendition ng pagpasok ng USS Olympia sa ilalim ng kumand ni Admiral George Dewey sa Manila Bay noong Digmaang Amerikano-Espanyol. <strong>Wikimedia Commons</strong>
Artist rendition ng pagpasok ng USS Olympia sa ilalim ng kumand ni Admiral George Dewey sa Manila Bay noong Digmaang Amerikano-Espanyol. Wikimedia Commons

Sa artikulong ito sa Philippine Daily Inquirer noong Hunyo 12, 2012, binigyan ni Brian Anthony Paraiso ng dagdag na kumpirmasyon ang matagal nang sinasabi ng mga historyador at mananaliksik, mula kina Teodoro Agoncillo at Renato Constantino hanggang sa Amerikanong si Stanley Karnow: Na niloko ng US si Emilio Aguinaldo. Pinangakuan niyang susuportahan ng US ang pakikipaglaban ng Katipunan para sa kalayaan, pero nang lumaya na ang Pilipinas mula sa Espanya ay biglang sinakop ng US ang bansa.

Binanggit ni Paraiso ang salaysay ng mamamahayag na Pranses noong 1900, si Henri Turot, na nagsabing ang iskema ng US para masakop ang Pilipinas ay nagmula pa bago madeklara ang digmaan sa pagitan ng Espanya at Amerika, nang makipagnegosasyon ang mga emisaryong Amerikano kay Hen. Emilio Aguinaldo noong 1898.

Sinabi ni Turot na noong tinanong ni Aguinaldo si US Adm. George Dewey kung ano ang plano ng mga Amerikano matapos sumiklab ang digmaan sa pagitan nito at ng Espanya, sinabi ng naturang kumander na “malaki at mayamang bansa ang US at hindi kailangan ng isang kolonya.”

Matapos madeklara si Aguinaldo ng kalayaan ng Pilipinas (sa ilalim daw ng proteksiyon ng Estados Unidos), inulit ni Dewey ang pangako kay Aguinaldo na poprotektahan umano nito ang Pilipinas mula sa Espanya. “The United States had come to the Philippines to protect the natives and free them from the yoke of Spain. He said, moreover, that America is exceedingly well off as regards territoru, revenue and resources and therefor needs no colonies, assuring (Aguinaldo) that finally there was no occasion for (him) to entertain any doubts whatsoever abou the recognition of the independence of the Philippines by the United States.”

Matapos ang ilang buwan, sumiklab ang digmaang Pilipino-Amerikano; sinakop ng US ang Pilipinas.

10.  Marami ang tumututol sa presensiya ng militar ng US sa iba’t ibang panig ng mundo.

"Protesta
Protesta ng makabayang mga organisasyon kontra sa Balikatan military exercises sa Clark, Pampanga noong Abril 2012. PW File Photo/Soliman A. Santos

Mula sa mismong Amerika hanggang sa mga baseng militar nito sa Japan at Guam, tinututulan ng mga mamamayan ang agresyong militar ng US sa daigdig. Malakas rin ang kilusang protesta ng mga mamamayang Amerikano kontra sa Vietnam War—isang bagay na nagtulak sa gobyernong Amerikano na umatras sa Vietnam. Napatunayan muli ang pag-ayaw ng mga mamamayang Amerikano nang magprotesta ang daan-daan libo laban sa Iraq War at sa bantang giyera ng US sa Syria noong nakaraang taon.

Siyempre, sa Pilipinas, noong 1902, tampok ang armadong paglaban ng mga gerilyang pinamumunuan ni Makario Sakay matapos madaig ang Katipunan sa pamumuno ni Aguinaldo. Kahit ang armadong pakikibaka ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan o HMB bago at matapos ang World War II, at ang New People’s Army o NPA, mula 1969 hanggang sa kasalukuyan, ay nagdeklara ng armadong paglaban sa presensiyang militar ng US sa bansa.

Sa larangan ng kilusang masa, naging malakas ang paglaban ng progresibo at makabayang mga organisasyon kontra sa US Bases mula dekada ’60 hanggang 1991, nang maitulak nito ang Senado na bumoto para sa di-pagpapalawig ng kontrata ng US para sa baseng militar nito sa Subic at Clark. Bagong mga senador ang nagkanulo sa naturang makabayang tindig ng Senado, nang pumabor ang Mataas na Kapulungan sa Visiting Forces Agreement noong 1999. Hanggang ngayon, mainit ang pagtutol ng makabayang mga organisasyon laban sa VFA at presensiyang militar ng Kano sa Pilipinas. Isa sa mga nagpaalab ng damdamin ng mga Pilipino ang balita ng panggagahasa sa isang Pilipina, si Nicole, ng limang US servicemen, sa Subic noong Nob. 2005.

Sa ibang bansa, matindi rin ang paglaban ng mga mamamayan. Isa sa pinakatampok ang paglaban ng mga mamamayan ng Okinawa, Japan laban sa US Bases doon. Pana-panahon ang mga ulat ng mga pang-aabuso ng mga tropang Kano sa mga sibilyan, lalo na sa kababaihan, sa Okinawa. Marami na ring kaso ng panggagahasa sa kababaihang Hapon, lalo na mga nasa menor-de-edad, ang naiulat sa Okinawa na kinasasangkutan ng mga sundalong Kano.

Kung saan may mga base militar ng Kano, may nagaganap at may nagaganap na  seksuwal na pang-aabuso ng mga sundalong Kano.