‘Mga kabataan, tumungo sa Eastern Visayas para alamin ang kalagayan ng sambayanan’


“Nananawagan kami sa mga makabayan at demokratikong organisasyon, laluna sa kabataang estudyante, na maramihang tumungo sa Samar at Leyte upang alamin ang kongkretong kalagayan ng masa doon, makipamuhay sa kanila, at makipagtulungan sa pag-oorganisa at pagsusulong ng mga pagkilos at pakikibaka ng mga maralitang biktima ng bagyong Yolanda.” Ito ang panawagan nina Wilma Austria-Tiamzon at […]

Benito Tiamzon, sa isang pagdinig sa kanilang bagong kaso sa QC Regional Trial Court nitong Abril 8. <strong>Macky Macaspac</strong>
Benito Tiamzon, sa isang pagdinig sa kanilang bagong kaso sa QC Regional Trial Court nitong Abril 8. Macky Macaspac

“Nananawagan kami sa mga makabayan at demokratikong organisasyon, laluna sa kabataang estudyante, na maramihang tumungo sa Samar at Leyte upang alamin ang kongkretong kalagayan ng masa doon, makipamuhay sa kanila, at makipagtulungan sa pag-oorganisa at pagsusulong ng mga pagkilos at pakikibaka ng mga maralitang biktima ng bagyong Yolanda.”

Ito ang panawagan nina Wilma Austria-Tiamzon at Benito Tiamzon, mga konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front (NDF) at bilanggong pulitikal, sa ginawang teleconference ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) hinggil sa usapang pangkapayapaan sa Trinity University of Asia noong Abril 5, Sabado.

Sa mensaheng ipinaabot ng mag-asawang Tiamzon, hiniling nila na maging bahagi ang kabataang estudyante at iba pang progresibong puwersa sa pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga mamamayang nasalanta ng bagyong Yolanda, sa kabila ng matindi umanong kapabayaan ng administrasyong Aquino sa kanila.

“Bukod sa rehabilitasyon sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda ay marami pang kumukulong isyu tungkol sa tumitinding karalitaan, reporma sa lupa, disempleyo, kabuhayan, sahod, pabahay, mga sebisyong panlipunan, mga demokratikong karapatan, mga pasistang krimen, karapatang pantao, korupsiyon, imperyalistang interbensiyon, at iba pa,” sabi pa nila.

Sinabi rin ng mag-asawang Tiamzon na bago sila dinakip ng militar at pulisya, bahagi sila sa mga hakbang ng rebolusyonaryong kilusan para sa rehabilitasyon ng mga nasalantang lugar sa Eastern Visayas, lalo na iyung lugar na di naaabot ng mga serbisyo ng gobyerno.

“Binabati namin ang mga yunit ng BHB (Bagong Hukbong Bayan, o New People’s Army) sa Kabisayaan sa kanilang ubos-kayang pag-ayuda sa mga nasalanta ng Yolanda sa kabila ng matinding panunugis ng AFP (Armed Forces of the Philippines),” sabi pa ng mag-asawang Tiamzon.

Nabalitaan umano nila na nakarating ng Maynila ang ilang kinatawan ng mga mamamayang nasalanta ng bagyong Yolanda.

“Nais naming ipaabot sa kanila na may tulong pinansyal ang ilang organisasyon ng Partido (Communist Party of the Philippines o CPP) at BHB mula sa kanilang limitadong badyet, gayundin mula sa mga kaibigan sa ibayong dagat na idinaan sa mga yunit ng Partido at hukbo,” anila.

Ang kanilang kilusan sa Northeast Mindanao ay “nag-ambag ng P100,000 na idinaan sa Bombo Radyo.” Mayroon din umanong P300,000 na “unang batch” ng padala ng kanilang yunit sa South Mindanao Region “mula sa mga kaibigan sa ibayong dagat.”

“Ang kapunuang P1-Milyon na padala ng South Mindanao sa kasamaang-palad ay kabilang sa mga nakumpiska nang arestuhin kami ng mga puwersa ng (militar at pulis). Hawak ito ngayon ng Central Command ng AFP. Hinahabol naming mabawi ito upang maipadala sa kinauukulang mga biktima ng Yolanda,” sabi pa ng dalawa.

Mayroon din umano silang P500,000 na operational at medical budget nila na kinumpiska ng militar. “Ilalakip na rin namin sa tulong sa mga biktima ng Yolanda kapag nabawi,” anila.

“Hindi gaanong malaki ang tulong na halaga subalit ito ay kaloob ng mahirap sa kapwa mahirap. Ang tulong mula sa mga yunit ng BHB ay inawas mula sa kanilang regular na badyet. Pagsisikap itong masuklian ang tulong at pagkalinga na walang-sawang ibinibigay ng masa sa kanayunan sa mga pwersa ng BHB at rebolusyonaryong kilusan,” sabi pa ng mag-asawang Tiamzon, sa kanilang liham.

Binatikos din nila ang administrasyong Aquino sa anila’y kawalan ng programa ng rehabilitasyon para sa mga maralita sa lungsod at kanayunan ng Eastern Visayas.

“Dapat tugunan ang programa sa rehabilitasyon, bukod sa iba pa – ang malubhang problema ng mga biktima sa kawalan ng lupa, disenteng pabahay, hanapbuhay, sapat na mga sebisyong panlipunan, oportunidad sa edukasyon at mga demokrating karapatan sa malayang pag-oorganisa at pamamahayag upang tunay na makabangon sila mula sa kalamidad at magkaroon ng proteksyon laban sa mga kalamidad sa hinaharap,” sabi pa nila.