Main Story Pambansang Isyu

Cha-cha ni Aquino, lalabanan sa Kongreso


Muling nagpiket ang progresibong mga grupo sa harap ng Batasan Pambansa sa Quezon City para igiit ang pagbasura sa panukalang Charter Change (Cha-cha) at ekstensiyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program sa pagbubukas ng sesyon ng Kamara nitong Marso 5. “Ang pangako nila (mga kongresista), raratsadahin ’yung Cha-cha. Nandito tayo para magpahayag na ating protesta laban […]

Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan ang protesta ng progresibong mga grupo sa muling pagbubukas ng sesyon sa Kamara nitong Mayo 5. <strong>Darius Galang</strong>
Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan ang protesta ng progresibong mga grupo sa muling pagbubukas ng sesyon sa Kamara nitong Mayo 5. Darius Galang

Muling nagpiket ang progresibong mga grupo sa harap ng Batasan Pambansa sa Quezon City para igiit ang pagbasura sa panukalang Charter Change (Cha-cha) at ekstensiyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program sa pagbubukas ng sesyon ng Kamara nitong Marso 5.

“Ang pangako nila (mga kongresista), raratsadahin ’yung Cha-cha. Nandito tayo para magpahayag na ating protesta laban dito,” ani Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.

Sinabi pa ni Crisostomo na matapos mabilisang pirmahan ng administrasyong Aquino at embahador ng US ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) itinutulak na ng mga alyado ni Aquino sa Kongreso ang “economic imperialist agenda” na tunay na katangian umano ng Cha-cha.

“Requirement ang Cha-cha sa Trans-Pacific Partnership Agreement ni (US Pres. Barack) Obama at isa ’yan sa pinaparatsada nila,” pagpapatuloy niya.

Laman ng EDCA ang pagpapahintulot sa mga tropang Kano na magbase nang libre sa lokal na mga kampo ng gobyerno ng Pilipinas para patindihin ang presensiya nito sa bansa at sa Asya-Pasipiko. Samantala, pakay naman ng Cha-cha ang ibukas ang mga lupain at negosyo sa Pilipinas sa 100 porsiyentong pag-aari ng mga dayuhan—bagay na pinagbabawal ng kasalukuyang Saligang Batas ng 1987.

Sinabi naman ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan na posibleng isama rin ng mga alyado ni Aquino sa Cha-cha ang mga probisyon sa Saligang Batas na nagbabawal sa dayuhang permanenteng base-militar sa Pilipinas.

“Malinaw na labag ang EDCA sa mga probisyon ng Saligang Batas na nagbabawal sa dayuhang base-militar at armas-nukleyar sa Pilipinas. Iniikutan ng executive agreement tulad ng EDCA ang naturang mga probisyon. Ito ang dahilan kung bakit tinatarget ng mga tagatulak ng Cha-cha hindi lang ang pang-ekonomiyang mga restriksiyon sa dayuhang pamumuhunan kundi dayuhang base-militar din,” sabi ni Ilagan.

Serbisyo, inenegosyo

Sinabi ni Gloria Arellano, tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), na sa nakaambang Cha-cha, lalong mapapadali ang pagsasapribado ng pampublikong mga serbisyo. Sa pagsasapribado, ituturing nang negosyo ang serbisyong pampubliko tulad ng edukasyon, kalusugan, pambahay, atbp., at lalong di matatamasa ito ng mahihirap.

Sinusugan ito ni Dr. Geneve Rivera-Reyes, pangkalahatang kalihim ng Health Alliance for Democracy (HEAD), na nagsabing sa pagpasok ng Public-Private Partnerships sa serbisyong pangkalusugan ay inaasahang lalong di magiging abot-kamay ito sa mayorya ng mahihirap na Pilipino.

“Dahil sa mga probisyon na nais nilang baguhin sa Konstitusyon, nanganganib ’yung mga ospital natin, lalo na ’yung malalaking special hospitals natin na maging subject din para sa pamumuhunan nitong mga dayuhan,” ani Reyes.

Kapag na-approve ang Cha-cha, ani Reyes, kasama ang mga ospital at serbisyong pangkalusugan sa maaaring ariin ng mga dayuhang negosyante nang 100 porsiyento. “Kaya kung sino ang may puhunan, at kasabay pa ng proyekto ng gobyerno na PPP, talagang mawawala na itong mga ospital natin para sa ating mahihirap at kababayan,” paliwanag pa niya.

Sinabi naman ni Antonio Flores, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mambubukid ng Pilipinas (KMP), na matindi ang magiging epekto ng Cha-cha at pagpapalawig ng Carper sa kanilang mga mambubukid.

Kasabay ng paglaban sa Cha-cha at ekstensiyon ng Carper, iginigiit din ng KMP ang hustisya para sa mga biktima ng paniniil ng gobyerno sa mga lumalaban para sa tunay na reporma sa lupa. <strong>Darius Galang</strong>
Kasabay ng paglaban sa Cha-cha at ekstensiyon ng Carper, iginigiit din ng KMP ang hustisya para sa mga biktima ng paniniil ng gobyerno sa mga lumalaban para sa tunay na reporma sa lupa. Darius Galang

“Kaming mga magsasaka’y hindi payag na maging batas ito dahil ito ang pangangamkam, 100 porsiyento ng lupain, ng mga dayuhan. Kaakibat nito sa Cha-cha, pag-usapan din ang Carper na di-pinakikinabangan ng magsasaka kundi ng mga panginoong maylupa.”

Tulad ng orihinal na batas na CARP, nakapaloob pa rin sa Carper ang di-libreng pamamahagi ng lupa at paglagay ng maraming exemption para di-maisailalim sa repormang agraryo ang malalaking lupain ng mga panginoong maylupa.

Ikinuwento ni Flores na sinusupil ng mga panginoong maylupa, sa tulong ng gobyerno, ang mga magsasakang lumalaban para sa tunay na reporma sa lupa, tulad ng nangyari kay Nemelao Barcia, magsasaka at dapat sana’y Carper beneficiary sa Hacienda Dolores sa Porac, Pampanga.

“Noong isang araw, pinatay (so Barcia) dahil ang kanilang lupang sinasaklaw bilang farmer- beneficiaries ay inaagaw ng mga pamilyang Ayala,” ani Flores.

Paglaban sa Kamara

Samantala, sinabi ni Ilagan na maliban sa pang-ekonomiyang mga probisyon at EDCA, tinatarget din ng administrasyon na ipaloob sa kasalukuyang Cha-cha ang pagpasa ng mga amendment para sa Bangsamoro Basic Law—na kailangan para sa pagpapatupad umano ng kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

“Kumbaga, nagsabay-sabay na iyang lahat. At itong tatlo ay may common denominator: ang pagbabago ng Saligang Batas,” paliwanag pa ni Ilagan.

Dugtong niya, katulad ng EDCA, hindi pa rin nakakakuha ng kopya ng Bangsaboro Basic Law ang mga kongresista. “Ang pinag-usapan pa lang bago magsara ang Kongreso ay yung framework (agreement). Pero hinuhulaan namin na ang framework na iyan ay ang magiging batayan ng Bangsamoro Basic Law,” sabi pa niya.

Sinabi naman ni Hicap na matagal nang itinutulak ng mga negosyante at dayuhang mga monopolyo-kapitalista ang mga polisiyang neoliberal na lalong magbubukas sa bansa sa dayuhang pamumuhunan—sa kapahamakan ng lokal na mga produkto at serbisyo.

“Napatunayan na (hindi epektibo ang mga polisiyang ito), mula nang pumasok tayo sa globalization noong 1995. Kaya ‘yung pinagmamalaki na pag-unlad ay hindi naman nararamdaman: Hindi naman kasama talaga ang mga mamamayan sa pag-unlad. Kasi mas higit sa globalisasyon at neo-liberal na mga patakaran ang mas matinding pagsasamantala sa lakas-paggawa ng mga manggagawang Pilipino at pagdambong ng dayuhan at lokal na kapital sa likas na mga yaman,” paliwanag pa ni Hicap.

Para sa Bayan, mistulang pagbenta sa Pilipinas ang kahulugan ng mga ipinapabago ng mga dayuhang monopolyo-kapitalista sa Saligang Batas ng Pilipinas. <strong>Darius Galang</strong>
Para sa Bayan, mistulang pagbenta sa Pilipinas ang kahulugan ng mga ipinapabago ng mga dayuhang monopolyo-kapitalista sa Saligang Batas ng Pilipinas. Darius Galang

‘Kinatawan ng naghaharing uri’

Sinabi naman ng mga maralitang tagalungsod na lumahok sa protesta na kinakatawan lamang ng mga kongresistang maka-Cha-cha ang pang-ekonomiyang interes ng mga kapwa nila na nasa naghaharing uri.

“Sinu-sino ba ’yung nasa loob ng Kongreso? ’Yan ’yung mga panginoong maylupa, mga kapitalista (burgesya komprador o middle men ng dayuhang mga monopolyo-kapitalista),” ani Arellano ng Kadamay.

Sinang-ayunan ito ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, na nagsabing kahit na malakas ang boses ng pitong kinatawan ng Makabayan sa Kamara, mayorya pa rin ng mga kongresista ay malalaking landlord at burgesya kumprador.

“Pagdating ng bilangan ay talagang talung-talo tayo. Pero kahit na pipito lang tayo, ginagawa nating tuntungan ang Kongreso upang mapatampok ang mga isyu ng ating mga mamamayan,” sabi pa ni Zarate.

Dagdag ni Anakpawis Rep. Fernando Hicap, pinangungunahan ng Makabayan Bloc sa Kamara ang paglaban sa Cha-cha, Carper extension, at pagpanukala ng mga alternatibong programang pang-ekonomiya na ikagiginhawa ng mayorya ng mga mamamaya.

Aniya, isinusulong ng Makabayan ang alternatibong programa, halimbawa, para sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa. “Mayroon tayong panukalang batas diyan, ’yung Genuine Agrarian Reform Bill (o House Bill 252), na nakasaad ang free distribution ng lupa sa mga magsasaka, at suporta para mapaunlad ang ekonomiya.”

Binanggit din ni Hicap na bahagi ng alternatibong programa ang panukalang P125 na dagdag sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor at P6,000 dagdag-suweldo sa government employees.  “Kaakibat ng tunay na reporma sa lupa iyung pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon,” paliwanag pa ni Hicap.

Pero sinabi ni Zarate na mapagpasya pa rin ang malakas na kilusang masa para matamasa ang tunay na pagbabago sa lipunang Pilipino.

“Laban ng mga mamamayan ito. Ang laban na ito ay gagawin sa lansangan, sa kanayunan, hindi rito. Dahil ito ay institusyon ng estado, ito ay konserbatibong institusyon, at wala tayong maasahan sa institusyong ito,” sabi pa niya.